Sobrang Pangangati Lalo Na Sa Gabi? Baka Kurikong Na ‘Yan!

  • Malaking bahagi ng ating katawan ang ating balat. Mahalagang panatilihing malinis at malusog ito. Sa kasamaang palad, napakarami ng mga sakit sa balat ang maaaring maranasan ng mga bata hanggang sa matatanda. Isa rito ang scabies o kurikong. Alam mo ba ang itsura ng kurikong?

    Ano ang kurikong o scabies?

    Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang scabies o kurikong ay nakahahawang sakit. Hindi ito impeksyon kundi isang infestation. Nanggagaling ito sa napakaliliit na mites, na kung tawagin ay Sarcoptes scabiei. Sumusuot ang mga ito sa balat at doon nangingitlog ang female mites.

    Nasa 10 hanggang 25 itlog ang maaaring mailabas ng bawat isa sa mga ito. Hindi nakalilipad o nakatatalon ang ganitong uri ng mites. Mabagal silang gumagapang sa balat. Dahil napakaliit ng mites na ito, kailangan pa ng microscope at skin scraping upang makumpirmang Sarcoptes scabiei nga ang mga ito. Kung minsan, mga itlog at dumi ang nakikita mula sa tissue samples.

    Kapag hindi napapansin at nabibigyan ng medikal na atensyon, maaaring tumagal ang mites sa ating balat sa loob ng ilang buwan. Dapat ding malaman na pagkatapos magsimula ang impestasyon, apat hanggang anim na linggo pa ang lilipas bago mo unang mararamdaman at makikita ang mga sintomas.

    Itsura ng kurikong

    Paano ba matutukoy kung kurikong nga ang pantal o umbok sa balat? May dalawang klase:

    Nodular scabies

    Makati, nakaumbok, madalas na makikita sa maseselang bahagi ng katawan tulad ng ari, singit, at kilikili.

    Norwegian scabies

    Kilala rin ito bilang crusted scabies. Mas malala ang itsura nito at labis na nakahahawa. Nagkakaroon ng makakapal na balat na kapansin-pansing nabibiyak o nadudurog, lalo na kapag hinahawakan. Naglalaman ito ng libo-libong mites na may mga itlog.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW
    Ito ang karaniwang itsura kapag may scabies o kurikong ka sa ika-anim na araw na nagkaroon ka ng infestation.
    PHOTO BY Creative Commons

    Sa mga sanggol at toddlers, at kung minsan sa mga lolo at lola natin, maaaring makita ang kurikong sa ulo, mukha, leeg, kamay, at paa.

    Malalaman mong kurikong ito kapag walang humpay ang pagkati, lalo na sa gabi. Pinakamalala ang pangangati sa mga bata at sa mga matatanda.

    Kapansin-pansin din ang track-like burrows sa balat. Madalas na kulay abo at puti ito o malapit sa kulay ng balat. Nakaumbok ito at mukhang discolored ang mga linya.

    Makikita mo dito ang iba pang itsura ng kurikong.

    Kailangang suriin nang mabuti ang mga pantal sa balat. Narito pa ang ilang indikasyon o palatandaan ng scabies:

    1. Pagpapantal na matindi ang pangangati lalo na sa gabi
    2. Mukhang blisters o pimples
    3. May malinaw na bahagi sa bandang itaas nito, kadalasang may fluid o nagtutubig
    4. Kung minsan, nakalinya ang mga pantal
    5. Nagkakaroon ng kulay abong mga linya sa balat
    6. Namumula ang mga nakaumbok na bahagi
    7. May ilang bahagi na makaliskis at namumula
    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Maaaring mabuhay ang scabies sa anomang bahagi ng katawan natin. Karaniwang nakikita ang kurikong sa sumusunod na mga bahagi ng ating katawan:

    1. pulsuhan
    2. siko
    3. kilikili
    4. utong
    5. ari
    6. baywang
    7. puwet
    8. sa gitna ng mga daliri

    Posibleng sa buong katawan ang pag-atake ng mites na ito, ngunit higit nilang gusto sa mga lugar tulad ng balat sa kamay at paa.

    Kamukha ng rash ng scabies ang naidudulot na pagpapantal ng sumusunod:

    • dermatitis
    • syphilis
    • poison ivy 
    • iba pang parasites, tulad ng pulgas

    Saan nakukuha ang kurikong

    Nagkakaroon ng makati at mapulang pagpapantal dahil sa mites na ito. Madali at mabilis itong malilipat sa ibang tao sa pamamagitan ng pagyakap at pakikipagkamay, ngunit mas laganap ang pagkahawa kapag naghihiraman ng gamit ang mga taong may scabies at mga kasama nila sa bahay o trabaho.

    Maaari din makuha ang kurikong sa infested na mga furniture, tuwalya, damit, mga kumot, at kobre-kama.

    Kailangang linawin na hindi sexually transmitted disease ang scabies ngunit madalas na nahahawa ang isang tao mula sa pakikipagtalik dahil sa direct skin contact. Maaaring mahawa sa mga kapamilya o mga kasama sa bahay at mataas din ang rate ng pagkahawa sa mga taong nasa nursing home, extended care facility, ospital, silid-aralan, daycare center, dorm, gym, at iba pa.

    Karaniwang kumakalat ang kurikong sa mga matatao o masisikip na mga lugar. Kapag nagsisimula pa lang ang infestation, napagkakamalang ibang skin conditions ang kurikong dahil magkakamukha ang mga pantal na dulot nito at ang mga pantal ng ibang sakit sa balat. Katulad ito ng acne o tagihawat at mga kagat ng lamok.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Madalas na dumarapo ang kurikong sa mga taong mahina ang immune systems. Kasama rito ang mga taong mayroong HIV o AIDS, mga taong nagsi-steroids o umiinom ng ilang mga gamot tulad ng para sa rheumatoid arthritis, o mga taong sumasailalim sa chemotherapy.

    Mga dapat tandaan kung may kurikong

    Ngayong alam mo na ang itsura ng kurikong, dapat iwasang kamutin ito kahit sobrang kati pa lalo na sa gabi. Kailangang tandaang maaari itong magdulot ng mga sugat na prone sa impeksyon.

    Ang bacterial skin infections tulad ng mamaso o impetigo ang isa sa karaniwang epekto ng kurikong. Isa sa sintomas ng komplikasyong ito ang kulay honey at mamasa-masang blisters. Madalas itong nakikita sa mga bata.

    Kapag mayroong kurikong, cream o lotion ang kailangang ipahid sa katawan at iiwan ito sa loob ng 8 hanggang 14 na oras. Kung minsan, may pills din na inirereseta ang doktor. Tumatagal nang tatlong araw ang gamutan, at mas matagal sa ibang pagkakataon. Antihistamines naman ang makatutulong laban sa pangangati.

    Siguruhin ding maayos at regular ang pagligo upang matanggal ang mga dumi at mapanatiling malinis ang katawan.

    Kailangang agad na komunsulta sa doktor upang matugunan ang sakit sa balat tulad ng kurikong. Sa pamamagitan ng wastong diagnosis, mabibigyan ka ng tamang mga gamot at payong medikal.

    Source: Centers for Disease Control and Prevention

    What other parents are reading

Sobrang Pangangati Lalo Na Sa Gabi? Baka Kurikong Na ‘Yan!
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments