Shaken Baby Syndrome: 12 Sintomas Na Dapat Bantayan

  • Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Hindi nawawala ang kaba para sa first-time parent ang mga unang beses na pagkarga sa baby, na napakadelikado ang itsura. Nariyan ang takot na baka mahulog o di kaya masaktan. Kaya mainam na dagdagan ang kaalaman, tulad ng sintomas ng shaken baby syndrome.

    Ano ang shaken baby syndrome?

    Kilala ang shaken baby syndrome sa iba pang mga tawag, gaya ng abusive head trauma, shaken impact syndrome, inflicted head injury, at whiplash shake syndrome. Pero isa lang ang ibig sabihin nito, ayon sa Mayo Clinic: ang pagiging seryosong pinsala sa utak na dulot ng sapilitang pagyugyog sa baby o di kaya toddler.

    Kadalasang nangyayari ito, ayon naman sa Kids Health, kapag ang magulang o tagapangalaga ay nawalan ng pasenya sa walang humpay na pag-iyak ng sanggol. Maaari siyang magpadala sa galit at frustration kaya mapapalakas ang kanyang pagyugyog sa baby para tumahan ito.

    Pero diin ng mga eksperto, hinding-hindi dapat gumamit ng puwersa para yugyugin, ihulog, o ihagis ang bata. Masyado pang mahina ang mga muscle sa leeg ng mga sanggol, sabi ng mga eksperto ng American Association of Neurological Surgeons (AANS). Hindi pa raw kayang suportahan ng mga sanggol ang kanilang mga ulo.

    Kaya kung pupuwersahin ang pagyugyog kay baby, lalo na’t tumama pa ang ulo sa matigas na bagay, magreresulta ito sa seryoso at, kung minsan, nakakamatay na pinsala.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Mga sintomas ng shaken baby syndrome

    Kadalasang hindi nagi-iwan ng mga halatang ebidensya ng pinsala o di kaya pisikal na sensyales ng karahasan sa biktima ng shaken baby syndrome, sabi ng mga eksperto ng AANS. Nasa loob (internal) daw kasi ang mga pinsala, kaya puwedeng ipagpalagay ng doktor na may sakit ang maligalig (fussy) na sanggol.

    Pero kung malalaman ng doktor na nakaranas ang sanggol ng puwersahang pagyugyog, masasabi niyang shaken baby syndrome ang kaso. Nagkakaiba daw ang mga sintomas sa bawat kaso, at ang mga iyon ay sanhi ng “generalized brain swelling secondary to trauma.”

    Kaagad daw sumusulpot ang mga sintomas pagkatapos ng pagyugyog kay baby at tumitindi ang mga ito sa loob ng apat hanggang anim na oras. Kabilang sa mga ito ang:

    1. Hindi naglilikot si baby tulad ng madalas niyang ginagawa
    2. Masungit at mahirap aluin
    3. Nagsusuka
    4. Hirap dumede at lumunok
    5. Bawas ang ganang kumain
    6. Hindi ngumingiti
    7. Tila naninigas ang katawan at baka mangisay pa
    8. Hirap huminga
    9. Tila kulay blue ang balat
    10. Hindi pantay ang laki ng pupils, o iyong may kulay na parte ng mata
    11. Magalaw ang mga mata at hindi makasunod sa galaw
    12. Hindi maitaas ang ulo

    Dapat gawin para matukoy ang shaken baby syndrome

    Bilin ng mga eksperto na ipatingin si baby sa doktor nang masuri siya nang husto. Bibigyan siya ng eye exam para makita ang pagdurugo sa loob ng mga mata. Bibigyan din siya ng X-ray upang masiyasat ang mga buto, partikular sa mga braso, binti, at tadyang, pati na sa bungo.

    Isa pang paraan ng pagsuri kay baby ang computed tomography (CT) o di kaya magnetic resonance imaging (MRI). Dito malalaman kung may mga baling buto sa ulo (skull fractures), pamamaga ng brain, at pagdudugo ng brain.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Kadalasang hindi mabuti ang kahihinatnan ng sanggol na dumadanas ng shaken baby syndrome, sabi ng mga eksperto. Kahit sabihin pang mild lang ang pinsalang natamo niya, puwede siyang magkaroon ng developmental problems. Kabilang diyan ang mga sumusunod:

    • Cerebral palsy
    • Paralysis
    • Vision loss o blindness
    • Mental retardation
    • Epilepsy
    • Seizures

    Pero kung malubha ang pinsalang natamo ni baby, puwedeng mamaga at magdugo nang husto ang kanyang brain at humantong sa kamatayan. Kaya paalala ng mga eksperto na sikaping iwasan ang pagyugyog sa sanggol at huwag nang hintayin na magkaroon ng sintomas ng shaken baby syndrome. Baka ikaw mismo ay kailangan ng tulong kung may problema sa temper o di kaya may pinagdadaanang depression.

    What other parents are reading

Shaken Baby Syndrome: 12 Sintomas Na Dapat Bantayan
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments