Paano Malaman Kung Mild, Moderate, O Severe Ang Asthma Attack

  • Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Isa ang hika (asthma) sa “most common chronic disease” na umaapekto sa mga kabataan sa buong mundo, ayon sa World Health Organization (WHO). Kaya mainam na alam ng magulang ang dapat gawin kapag inatake ng hika ang anak.

    Ano ang asthma at mga sanhi nito?

    Paliwanag ng WHO na long-term condition ang asthma. Nangyayari ito kapag ang daluyan ng hangin sa baga (lungs) ay kumikitid dahil sa pamamaga at paninikip ng muscles sa paligid ng mga daluyan na iyon.

    Diyan na raw lumalabas ang mga ganitong sintomas:

    • Pag-ubo (coughing, wheezing)
    • Pag-iksi ng hiniga
    • Pagsikip ng dibdib

    Lumalala pa raw ang pakiramdam sa gabi o di kaya habang nage-exercise. Iba-iba raw ang sanhi ng asthma depende sa tao, pero kadalasang kabilang diyan ang:

    • Viral infections, tulad ng sipon
    • Alikabok
    • Usok (smoke, fumes)
    • Pagbabago sa panahon
    • Damo
    • Balahibo ng hayop
    • Matapang na sabon o pabango

    Sabi pa ng WHO, maraming kaso ng asthma ang hindi natitignan at nagagamot ng doktor, lalo na raw doon sa mga bansang may low at middle income, gaya ng Pilipinas. Kaya hangad nila na umangat ang kalagayan ng mga pasyente at mabigyan nila ng tamang atensyon na medikal.

    Paano malalaman na may hika ang anak

    Dahil lubhang mapanganib ang respiratory problems sa mga bata, ayon naman sa The Handbook na isinulat ni Dr. Stuart H. Young, mahalaga na ito ay “recognized, properly diagnosed and treated.”

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Dapat daw bantayan ang ganitong sintomas ng hika sa bata:

    • Ayaw dumede (kung sanggol pa) at kumain
    • Hindi mapakali
    • Hirap at mabilis ang paghinga
    • Tuloy-tuloy na pag-ubo
    • Lumalaki ang butas ng ilong kapag humihinga
    • Pagkakaroon ng “retractions,” na tila naiipit ang balat sa may rib cage
    • Patango-tango dahil sinusubukang huminga

    Ibig sabihan daw hindi lang simpleng sipon meron ang bata, kaya ipatingin na sa doktor para ma-refer ang bata sa asthma specialist at masimulan ang asthma management.

    Dapat gawin kapag inatake ng hika ang bata

    Bilin ng mga eksperto sa magulang na alamin muna ang lagay ng atake ng hika nang mabigyan kaagad ng lunas.

    Mild asthma attack

    Maaaring banayad pa ang atake kung ang bata ay:

    • Hinihingal kapag gumagawa ng physical activity, kahit walking
    • Nakakapagsalita ng buong pangungusap o sentences
    • Nakakahiga pero tila nababalisa

    Moderate asthma attack

    Malaki ang posibilidad na moderate na ang atake kung ang bata ay:

    • Hinihingal habang nagsasalita
    • Mahina at maiksi ang iyak, lalo na kung sanggol pa
    • Hirap sa pagdede o pag kain

    Severe asthma attack

    Dapat mabahala ang magulang na baka severe na atake kung ang bata ay:

    • Hinihingal kahit nagpapahinga lang
    • Walang interes sa dede o pagkain
    • Ayaw umupo nang tuwid
    • Mga salita (words) lang kayang sambitin, hindi makabuo ng sentences
    • Kadalasang nababalisa
    • Mukhang inaantok at nalilito

    Paano matutulungan ng magulang ang anak na may hika

    May mga payo si Dr. Rosanne Sugay, isang internist at pediatrician, sa artikulong isinulat niya noon sa SmartParenting.com.ph sa mga magulang may anak na hikain o asthmatic.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Alamin ang asthma triggers ng bata

    Kung sigarilyo ang dahilan ng hika, sabi ng doktor, hindi sapat na direktang iiwas ang bata sa usok. Dapat din daw siguraduhin na hindi amoy usok ng sigarilyo ang mga damit at muebles sa bahay. Ganyan din daw ang gawin kung matapang na pabango ang asthma trigger.

    Kung alikabok naman daw ang asthma trigger, makakabuti kung huwag na lang maglagay sa bahay ng ano mang mangongolekta lang ng alikabok. Kabilang diyan ang mga kurtina, carpet, at stuffed toys.

    Pero hindi naman daw kailangan pagbawalan ang bata na mag-exercise basta pag-usapan muna sa kanyang doktor ang mainam na pamantayan. Hangga’t maaari rin daw na hindi magkasipon o iba pang infection ang bata.

    Maging katuwang ang doktor sa pagbantay sa asthma

    Payo ni Dr. Sugay sa magulang na gumawa ng tinatawag na “Asthma Action Plan” sa tulong ng doktor ng anak. Diyan mo raw isusulat ang lahat ng specific signs, triggers, at treatment options.

    Turuan ang bata na malaman ang kanyang sintomas at sanhi ng hika

    Malaking tulong hindi lang sa bata, bagkus sa magulang na rin, na alam ng bata kung ano ang nagdudulot ng kanyang hika at mga senyales nito. Mas madaling tatatak sa kanyang isipin ang dapat gawin kapag inatake ng hika.

    What other parents are reading

Paano Malaman Kung Mild, Moderate, O Severe Ang Asthma Attack
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments