Ang Magandang Almusal Ng Buntis Kung Hindi Na Maganda Ang Panlasa Mo

  • Ang almusal ang pinakamahalagang pagkain sa araw-araw, kaya hindi dapat ito nilalaktawan. Pero ito rin ang pinakamahirap na oras ng pagkain lalo sa mga maseselang magbuntis. Kahit nga ang tubig, mahirap inumin dahil sa nagiging mapait o lasang kalawang ito kapag buntis ka. Kaya ano ba dapat ang maging almusal ng bunts?

    Naiiba ng pagbubuntis ang panlasa dahil dumarami rin kasi ang pag-produce ng saliva o sobrang paglalaway. Mapapansin mo ito sa panahong nasa first semester ka ng pagbubuntis at posibleng dulot din itong morning sickness na naaranasan mo.

    Almusal ng buntis

    Tayong mga Pilipino, nakagawian na ang almusal ay kape at pandesal. Ngunit ngayong nagbubuntis ka mahalaga ang pagkonsumo ng masustansiyang pagkain. Bilang isang mom-to-be gusto mo ring masiguro na magiging malusog ang iyong baby kaya dapat na sapat ang nutrisyong nakukuha mo sa mga pagkain na iyong ikokonsumo.

    Heto ang ilang tips para sa masustansiyang almusal

    Cereal o oatmeal

    Ang mga ganitong pagkain ay nagtataglay ng vitamins at mineral na kailangan ng iyong katawan. Sagana rin ito sa fiber na makatutulong para maiwasan ang constipation habang nagbubuntis. Maaari mo itong lagyan ng gatas at haluan ng prutas. Puwede ring lagyan ng nuts gaya ng almond, mani, pistachios dahil makapagkunan din ito ng dagdag na bitamina at protina.

    May cereal din na nagtataglay ng folic acid na kailangan sa pagbubuntis. Paborito kong almusal ito noong buntis ako dahil madali lang ang paghahanda. Magandang pambalanse rin ito ng carbohydrates para magkaroon ng sapat ng lakas.

    Gatas at yoghurt

    Dapat na isama sa diet ng buntis ang pag-inom ng gatas o soy milk dahil mapagkukunan ito ng calcium at protein. Importante ang calcium sa pagpapatibay ng buto ng iyong baby.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Sa simula, karaniwang ipinapayo muna ng mga ob-gyn ang pag-inom muna ang nonfat o low-fat milk. Sa karanasan ko, dahil sa madalas ang aking pagduduwal kapag umiinom ng pregnancy milk, ito ang gatas na ipinayo ng ob-gyn ko na inumin muna

    Nang matapos na ako sa ganitong stage, saka niya inirekomenda na ang pag-inom ng gatas na para talaga sa buntis dahil ang mga sangkap nito ay makatutulong ito sa development din ng baby.

    Itlog

    Mayaman sa protina ang itlog na mahalaga sa debelopment ng iyong ipinagbubuntis, Nagtataglay ito ng calories, bitamina, at minerals na mga kailangan mo bilang isang mom-to-be. Bukod sa masustansiya ito, madali ring lutuin. Maaaring nilagang itlog o scrambled egg at gawing palaman ito sa iyong wheat bread.

    Prutas

    Ang prutas ay mapagkukunan ng vitamins, minerals, at fiber. Ilan sa maaaring bahagi ng iyong almusal ang pagkain ng mansanas, saging, o berries. Ang mga citruis fruits gaya ng orange, lemon, grapefruit at iba pa na mayaman sa vitamin C ay makabubuti para sa nagbubuntis dahil nakapagpapatibay ito ng resistensya nang makaiwas sa sakit.

    Maaari mo rin gawing shake o smoothie ang mga prutas dahil nakaka-refresh ang pag-inom ng malamig dahil sa mainit na pakiramdam ng buntis.

    Kamote

    Mapagkukunan ito ng vitamin C, folate, at fiber. Taglay rin nito ang beta-carotene na nagiging vitamin A kapag pumasok sa ating katawan. Noong nasa ikatlong trimester na ako, ito ang madalas kong almusal. Nakatutulong din ito sa akin na makadumi nang maayos at maiwasan talaga ang constipation.

    Prune and cranberry juice

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Bukod sa pag-inom ng maraming tubig sa pagbubuntis, ang pag-inom ng isang baso ng fruit juice lalo na ng prune ay makatutulong para palagiang hydrated at maiwasan din ang constipation na palagiang problema sa pagbubuntis.

    Safe rin ang pag-inom ng cranberry juice, para mabawasan ang tsansa na magkaroon ng impeksyon sa ihi at ginamit din itong tradisyonal na panggamot sa UTI.

    Payo ng doktor na kainin kung buntis

    Narito naman ng ilan sa mga kaibigan kong mommy na nagbahagi ng naipayo sa kanila.

    “Since na-diagnose po ako ng GDM (gestational diabetes mellitus), iwas lang masyado sa sweets, saka hinay sa rice. As much as possible, ‘yung okay rin sa digestion gaya ng banana, oatmeals, and egg. Better if there’s at least half serving of fruits.” – Mommy Angeli

    “Wala naman siya sinabi na specific breakfast sa akin. Eat small frequent meals lang kasi nagsusuka ako lagi.” – Mommy Anna

    “Wala naman siyang in-advise or nirestrict sa akin when it comes to food. Alak siyempre bawal. Coffee pinayagan naman ako pero 1 cup lang.” – Mommy Chast

    “Naging watchful lang sa matamis kasi nag-GDM ako. Kain ng gusto basta maipasok at di maisuka. Bawal ma-constipate at umire di ba, eh, na-constipate ako nung kumain ako ng kayomito na favorite ko.

    “Pinainom ako ng prune juice pero haluan ng water para di masyadong sweet. Kumakain din ako ng orange, pagkasipsip nito kakain ako ng kutsaritang peanut butter.” – Mommy Lyle

    “Sabi lang ‘wag kumain ng masyadong maaalat and mataba. That I must watch my weight.”  – Mommy Clara

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    “Normal lang naman sa akin pero talagang nagbawas ako ng sweets, salty, at pork. Mas kumain ako ng isda, gulay, at chicken usually.” – Mommy Cala

    Maayos na diet ng buntis

    Sa kabilang banda, importante sa lahat na dapat mong gawin ay tingnan ang iyong eating habits. Kumain ng mga pagkaing mayaman sa folic acid na makatutulong sa development ng iyong baby. Magkonsumo rin ng mga pagkain na mayaman sa calcium at protein.

    Pinapayagan naman ang pagkonsumo ng mga may caffeine. Gaya ng kape, pinayagan din ako ng akin gob-gyn noon pero may limit lamang na isang maliit na tasa. Iyong tama at sapat na maibsan ang paghahanap ng panlasa pero kung maiiwasan ang mga ito mas mainam para maiwasan din ang anumang komplikasyon na maaaring maidulot.

    Tandaan na iba-iba ang karanasan ng mga buntis. Mayroon iyong wala namang bawal at mayroon talagang masaseselan. Dapat mag-ingat lalo na kapag maagang na-diagnose ng mga sakit sa pagbubuntis. Mahalaga ang pagkonsulta sa iyong ob-gyn upang mabigyan ka ng tamang payo pagdating sa pagkain o almusal ng buntis.

    What other parents are reading

Ang Magandang Almusal Ng Buntis Kung Hindi Na Maganda Ang Panlasa Mo
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments