-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Minsan hindi maiwasan na mahilo dahil siguro sa init ng panahon o di kaya kulang sa tulog. Pero ibang usapan na kapag parang gumagalaw ang paligid mo at umiikot pa. Baka vertigo na iyan.
Ano ang vertigo?
Ang vertigo, ayon sa Merriam-Webster dictionary, ay “sensation of motion in which the individual or the individual’s surroundings seem to whirl dizzily.” Ito raw ang pakiramdam na gumagalaw ka mismo o ang kapaligiran mo.
Umaatake ang may ganyang pakiramdam ng pag-ikot (spinning), pagtagilid (tilting), at paggulo ng direksyon (disorientation) kahit nakaupo, ayon naman sa mga eksperto ng NYU Langone Health sa United States. Sa sobrang lakas nito, mahirap makalakad nang tuwid at baka maduwal pa.
Nangyayari raw ang vertigo kapag nagugulo ang posisyon na alam ng katawan (body’s perception of its position in space). Bigla na lang daw itong umaatake at kusa namang lumilipas. Maaari rin daw itong pasulpot-sulpot sa loob ng ilang linggo o buwan.
Isang sintomas ang vertigo at hindi ang sakit mismo, sabi naman ng mga eksperto mula sa National Health Service (NHS) ng Scotland. Kasabay nito, puwede ka rin daw makaramdam ng iba pang sintomas, tulad ng pagkawala ng balanse (loss of balance) at pagsama ng lagay ng katawan (feeling of getting sick).
Mga dapat gawin kapag inaatake ng vertigo
Kung sa tingin mo ay hindi lang simpleng hilo ang nararanasan mo at malamang vertigo ito, rekomendado ng mga eksperto sa National Health Service (NHS) ng United Kingdom na gawin ang mga sumusunod:
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW- Mahiga sa tahimik at madilim na lugar para mabawasan ang pakiramdam ng paggalaw at pag-ikot.
- Ipatong ang ulo sa dalawang unan para mapanatili itong elevated.
- Kung babangon sa kama, dahan-dahan munang pumuwesto sa bandang dulo bago tuluyang tumayo.
- Kapag hindi posibleng mahiga muna, umupo na lamang nang tuwid.
- Dahan-dahang igalaw ang ulo kung may kailangang gawin.
- Relax lang muna dahil nakakalala ng sitwasyon ang anxiety.
- Gumamit ng walking stick kung kailangan lumakad.
Ito naman daw ang mga dapat iwasan mong gawin:
- Huwag yumuko kung may pupulutin. Sa halip, mag-squat para maabot ang kukunin.
- Huwag pahabain ang leeg, halimbawa, kung may aabutin sa mataas na lalagyan.
Kung dumadalas at gumagrabe ang iyong vertigo, payo ng mga eksperto na magpatingin ka na sa iyong doktor. Sa ganitong paraan matutukoy ang sanhi ng iyong kondisyon at mabigyan ito ng kaukulang lunas.
Mga sanhi at uri ng vertigo
May iba-iba at samu’t-saring dahilan kung bakit nagkakaroon ng vertigo. Pero sabi ng mga eksperto mula sa University of Iowa Health Care (UIHC), ito ang common causes ng vertigo:
- Sakit mula sa sipon (cold viruses)
- Pinsala sa ulo (head trauma)
- Meniere’s disease
May paliwanag naman ang eksperto ng NYU Langone Health. Anila, nagbibigay ng diagnosis ang doktor kung vertigo nga ang nararanasan mo base sa dalawang uri nito: peripheral at central.
Peripheral vertigo
Maaaring peripheral vertigo ang umaatake kung may problema sa loob ng tenga (inner ear). Nagsisimula ang peripheral vertigo sa vestibular system, na isang grupo ng maliliit na organs at canals. Kabilang diyan ang pinakamalalim na parte ng tenga. Ang grupong ito ang kumokontrol ng balanse sa katawan.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosBukod sa pagkahilo, maaari rin itong magdulot ng pagkabingi (hearing loss) at pagtunog sa loob ng tenga (tinnitus).
Ang pinakapangkaraniwang uri ng peripheral vertigo ay ang benign paroxysmal positional vertigo (BPPV). Nangyayari ito kapag nawala sa ayos ang mga maliliit na kristal (tiny crystals) sa inner ear. Sila kasi ang nakakaramdam ng paggalaw at responsable sa pagmintina ng balanse sa katawan.
Dahil wala sa ayos ang tiny crystals, mapipilitan ang inner ear na magpadala ng mensahe sa brain na gumagalaw ang katawan kahit nakatigil ka lang naman. Nati-trigger din ang BPPV kapag biglang nabaling ang ulo mo sa isang direksyon. Kaya bigla ka rin daw nahihilo at naduduwal, o di kaya nakakaranas ng nausea.
Isa pang nakakagambala sa inner ear upang umatake ang vertigo ay ang nabanggit ng Meniere’s disease. Disorder ito na gumugulo sa balanse ng katawan. Idagdag pa sa listahan ang labyrinthitis, na siyang pamamaga ng nerve na naglalakbay mula sa inner ear papunta sa brain.
May kinalaman din daw ang acoustic neuroma, isang noncancerous growth sa nerve pathway sa pagitan ng inner ear at ng brain, sa pagkakaroon ng vertigo. Pati na raw ang certain medications na sumisira ng inner ear, kaya umaatake ang vertigo. Kabilang ang mga ganitong gamot:
- Chemotherapy drugs
- Partikular na antibiotics
- Loop diuretics para sa mga sakit sa bato at puso
- Aspirin, kapag napadami ang inom
Central vertigo
Malamang na meron kang central vertigo kung apektado ang parte ng iyong brain na kumokontrol sa balance at spatial awareness. Bihirang mangyari ang central vertigo kumpara sa peripheral vertigo, sabi ng mga eksperto. Bago kasi ito mangyari, kailangan muna magkaroon ng malubhang sakit o pinsala sa brain.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWMga halimbawa niyan ang concussion, stroke, at migraine. Apektado kasi nila ang brain stem o ang cerebellum, na siyang mga parte sa brain na kumokontrol sa balanse ng katawan.
Paano nasusuri ang vertigo?
Kapag magpapatingin sa doktor, mainam na komunsulta sa isa sa mga ispesyalista sa tenga, ilong, at lalamunan. Kilala sila bilang ear, nose, and throat (ENT) doctors o otolaryngologists. Maaari ka rin nilang i-refer sa audiologists, na ispesyalista naman sa disorder sa tenga para masuri ang iyong vertigo at matukoy ang tunay na sanhi nito.
Paalala ng mga eksperto na may proseso ang pagsusuri ng iyong vertigo hanggang matukoy ang sanhi nito at tamang paggamot.
Aalamin ang iyong medical history
Tatanungin ka ng iyong doktor kung kailan nagsimula ang pag-atake ng iyong vertigo at gaano kadalas itong mangyari. Kaya mainam na alalahanin mabuti ang bawat atakeng naranasan. Baka kasi may partikular kang ginagawa kaya ito umaatake o di kaya partikular na oras na umaatake ito.
Tatanungin ka rin daw ng doktor kung may iba pang miyembro ng iyong pamilya na nagkaroon ng kondisyon na apektado ang balanse ng katawan o di kaya pangdinig. Kailangan mo ring sabihin kung nagkaroon ka ng infection o injury, pati na surgery sa tenga o brain.
Bibigyan ka ng physical exam
Sa pamamagitan ng physical exam, maaaring makita ng doktor ang sanhi ng iyong vertigo. Gumagamit siya ng mga instrumento na titingin sa iyong ear canal at eardrum. Titignan niya rin ang galaw ng iyong mga mata. Kung nakakaranas ka ng rapid eye movements o di kaya blurred vision, puwedeng i-refer ka niya sa eye doctor naman.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWBibigyan ka ng hearing test
Ang ispesyalistang audiologist ang gagawa ng hearing test sa iyo para tuluyang maintindihan kung may problema ka sa tenga. Malalaman dito ang lagay ng nerve na kumokonekta sa inner ear at brain, pati na ang gumagambala sa pareho mong tenga.
Bibigyan ka ng iba pang test kung kinakailangan
Kapag hindi pa rin natukoy ang sanhi ng iyong vertigo at patuloy ang paglala ng iyong kondisyon, maaari kang bigyan ng iba pang test. Kabilang diyan ang:
- Videonystagmography para sa evaluation ng function ng inner ear
- Rotational chair testing para malaman kung peripheral o central ang pinagmulan ng vertigo
- MRI scan para makita kung may buildup ng fluid o di kaya pamamaga sa inner ear, pati na kung may bukol sa nerve
- Neurological testing na gagawin naman ng iba pang ispesyalista
Bilin pa ng mga eksperto na huwag balewalain ang vertigo nang maagapan ito at hindi na lumala pa.
Hindi Lang Simpleng Hilo Ang Vertigo: Bakit Ito Nangyayari At Anong Dapat Gawin
Source: Progress Pinas
0 Comments