-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Ngayong panahon ng pandemya, hindi maiiwasang mapalingon sa taong umuubo. Isa kasi ang ubo sa common symptoms ng COVID-19. Pero may iba pa namang mga dahilan ng pag-ubo, tulad ng acute bronchitis.
Sabi nga ni Dr. Geraldine DC. Garcia, isang pulmonologist, “Hindi sa lahat ng pagkakataon na ang ubo ay masama. Ang ubo ay proteksyon sa daluyan ng hangin sa ano mang magtangkang pumasok sa mga daluyan ng ating hangin. Sa pamamagitan ng pag-ubo, nailalabas mo ito.”
Nagbigay si Dr. Garcia ng online talk, ang Usapang Lung: Chronic Cough, na posted sa Facebook page ng Philippine College of Chest Physicians. Bukod sa chronic cough, tinalakay niya ang dalawang cough classifications na acute cough at subacute cough. Isa sa mga sanhi ng acute cough ang acute bronchitis.
Ano ang acute bronchitis?
Kapag sinabing acute bronchitis, saad ni Dr. Garcia, ito ay kalimitang reaksyon na bunga ng iritasyon na kadalasang dulot naman ng infection. Maaari raw itong magamot sa loob ng pitong araw.
May paliwanag naman ang mga eksperto ng Standford Children’s Health kapag bata ang tinamaan ng acute bronchitis. Anila ang pamamaga ng bronchi, o iyong malalaking breathing tubes sa lungs, na sanhi ng bronchitis, ay kadalasang mild at hindi nagtatagal.
Kadalasan ding nakukuha ng bata ang respiratory illness mula sa viral infection galing naman sa ibang tao na meron na nito. Kabilang sa iba pang sanhi nito ang usok mula sa sigarilyo at polusyon, pati na sa alikabok at ilang allergens.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWMas malaki ang tyansa na magkasakit ang anak mo ng acute bronchitis kung meron na siyang ganitong mga kondisyon o di kaya sitwasyon:
- Chronic sinusitis
- Allergies
- Asthma
- Enlarged tonsils at adenoids
- Exposure sa secondhand smoke
Mga sintomas ng acute bronchitis
Maliban sa ubo, na puwedeng meron o walang kasamang plema, may iba pang mga sintomas na dapat bantayan sa bata. Kabilang dito ang:
- Pagsusuka
- Sipon, bago pa magsimulang umubo
- Pananakit o paninikip ng dibdib
- Masamang pakiramdam ng katawan
- Pangangatog (chills)
- Konting lagnat o sinat
- Pananakit ng likod o di kaya ng muscles
- Paghingal na parang huni ng ibon (wheezing)
- Pananakit ng lalamunan (sore throat)
Kadalasang tumatagal ang mga sintomas mula 7 hanggang 14 days, sabi ng mga eksperto. Pero posibleng mas tumagal ang ubo mula tatlo hanggang apat na linggo. Mainam daw kung ipapatingin ang anak sa doktor para malaman kung acute bronchitis ang sakit ng bata at hindi mas seryosong karamdaman, gaya ng pneumonia at asthma.
Maaaring sumailalim ang bata sa chest X-ray at pulse oximetry, habang susuriin naman ang kanyang sputum at nasal discharge samples. Sa ganyang mga paraan daw makikita ang germ na nagdudulot ng infection.
Paano nagagamot ang acute bronchitis sa bata?
Nakadepende sa klase ng sintomas at edad ng bata ang treatment na ibibigay sa kanya ng doktor, ayon sa mga eksperto. Kasama na rin daw diyan ang kanyang general health at gaano kalala ang kondisyon.
Paalala lang ni Dr. Garcia na hindi antibiotics ang gamot sa acute bronchitis dahil dulot ito ng viruses at hindi bacteria. May payo naman ang mga eksperto para maibsan ang sintomas ng sakit. Matutulong mo ang anak na gumaling sa ganitong mga paraan:
CONTINUE READING BELOWRecommended Videos- Siguraduhin ang tamang pahinga
- Bigyan ng acetaminophen o di kaya ibuprofen para sa lagnat at sakit ng katawan
- Painumin ng cough medicine para lamang sa lampas 4 years old
- Painumin ng maraming tubig at fruit juice
- Gumamit ng cool-mist humidifier sa kuwarto
Bilin pa ng mga eksperto na kumonsulta muna sa doktor bago painumin ng gamot ang bata para sa iniindang acute bronchitis.
Bukod Sa Ubo, Ito Pa Ang Sintomas Ng Acute Bronchitis Sa Bata
Source: Progress Pinas
0 Comments