Nanganak Sa Edad 11 Ang Sinasabing Pinakabatang Nanay Sa UK: Report

  • Nanganak kamakailan sa edad 11 ang sinasabing pinakabatang nanay sa United Kingdom. Ito ay ayon sa report ng British news outlet na The Sun at ibinalita ng iba pang media platform, tulad ng Parents.

    Sabi sa ulat, nabuntis ang bata noong 10 years old siya nang lingid sa kaalaman ng kanyang pamilya. Kaya makalipas ang higit 30 weeks, bandang May 2021, nagulat ang kanyang mga kaanak na manganganak pala siya. “A big shock,” ika nga ng isang source na malapit sa pamilya.

    Mabuti naman daw ang lagay ng new mom at kanyang newborn. Binibigyan din daw ang batang ina ng expert help, at sinusuri ang kanyang kalagayan ng social services at council chiefs. Marami daw silang tanong kung bakit walang nakaalam sa pagbubuntis ng menor de edad.

    Iyan na raw ang pinakabatang nanganak sa UK na narinig ni Dr. Carol Cooper, ang medical expert na kinausap sa ulat, at, aniya, “very worrying” ang sitwasyon. Noon daw 2006, napabalita ang panganganak ng 12-year-old. Taong 2014 naman dumating ang balita ng sanggol na 12 years old ang nanay at 14 years old ang tatay.

    Paliwanag ni Dr. Cooper, maraming kaakibat na panganib o risks ang pagbubuntis at panganganak ng nanay na pre-teen pa lamang. Kabilang diyan ang low-birthweight baby, pre-eclampsia, premature labor, at marami pang infections. Isa pang epekto nito ang posibleng pagtigil ng batang ina sa pag-aaral.

    Sa Pilipinas, ayon sa ulat ng Philippine News Agency (PNA) noong February 2021, nakapagtala ang Civil Registry Statistics ng Philippine Statistics Authority (PSA) ng panganganak ng dalawang batang babae na 10 years old. Ang isa ay mula sa National Capital Region (NCR) at ang isa pa mula naman sa Region 4-A (Calabarzon).

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Sabi pa sa datos ng PSA, nakapagtala sa NCR ng 369 kaso ng mga sanggol na ipinanganak ng mga nanay na may edad mula 10 years old hanggang 14 years old noong 2018. Sa sumunod na taon, 2019, bumaba ang mga kaso sa 345.

    Pero dapat pa rin bantayan ang pagbubuntis nang maaga, sabi ni Commission on Population and Development (Popcom)-NCR Director Lydio Español Jr. sa ulat ng PNA. Mapanganib nga raw talaga ito para sa mga 10-year-old at kanilang mga magiging anak.

    Sabi nga ng World Health Organization (WHO), ang mga kumplikasyon na dulot ng pagbubuntis at panganganak ang nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga bata mula 15 hanggang 19 years old sa buong mundo.

    What other parents are reading
    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

Post a Comment

0 Comments