Allergy – Sanhi at Sintomas

  • Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Kapag meron kang allergy, ibig sabihin nito ay naglalabas ang immune system mo ng mga antibodies para labanan ang mga bagay o mga pagkain kahit hindi naman talaga ito masama o magdudulot ng sakit. Ang overreaction na ito ng iyong immune system ang siyang nagdudulot ng allergy attacks.

    Depende sa klase ng allergy, pwede itong magdulot ng sunud-sunod na pagbahing, pamamaga, o pangagati. Madalas din sa mga may food allergy na makaranas ng LBM o diarrhea kapag nakakain sila ng pagkain kung saan sila may allergy.

    Kung matindi ang allergy, kahit na sobrang kaunti lang ng amount na nainom o nakain ay pwede nang magdulot ng matinding reaksyon. Meron ding mga taong may severe case ng allergy, kung saan pwede silang mamatay kapag na-expose sila sa kanilang allergen.

    Napakaraming bagay ang itinuturing na allergen. Sa mga pagkain, nangungunang ang dairy products, iba’t ibang uri ng mani, itlog, at seafood. Sa mga pang-araw-araw na bagay naman, maraming tao ang merong allergy sa balahibo ng hayop, pollen galing sa mga halaman, at mga metal katulad ng nickel.

    Meron ding kondisyong tinatawag na aquagenic urticaria, isang rare allergy na nagdudulot ng rashes pagkatapos madikit ang balat sa tubig. Dagdag pa rito, pwedeng magkaroon ng maraming allergy ang isang tao.

    Sa kasamaang palad, halos lahat ng mga allergy ay lifetime condition na. Mabuti na lang at maraming mga gamot na pwedeng gamitin para mabawasan ang mga sintomas o para mailigtas ang buhay ng taong nagkaroon ng matinding allergic reaction.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Iba’t-ibang characteristics at sintomas ng allergy

    Katulad ng nasabi sa itaas, maraming mga bagay ang pwedeng magdulot ng allergy kaya naman maraming klase ng sintomas ang pwedeng maranasan. Depende sa klase at kung gaano kalubha ang allergy ang magma-manifest na mga sintomas; pwedeng isa o dalawa lang o kaya magsabay-sabay ang mga ito.

    Food allergy

    Pwedeng mamaga ang labi, dila, at lalamunan kapag na-trigger ang food allergy. Madalas ay kumakalat din sa buong mukha, lalo na sa bandang mata, ang pamamaga. Isa rin sa pangunahing sintomas ng food allergy ang LBM, diarrhea, at pagsusuka, ganun din ang rashes. Sa mga malulubhang kaso, pwedeng makaranas ng anaphylaxis. Ito ay kondisyon kung saan nahihilo o nahihimatay, bumababa ang blood pressure, at nahihirapan huminga ang pasyente.

    Allergic rhinitis 

    Ang allergic rhinitis o hay fever ay tinatawag din paminsan-minsan na seasonal allergy dahil may mga panahon (katulad ng pollen season) kung kailan madalas atakihin ang merong ganitong allergy. Kasama sa mga sintomas nito ang pagbahing, pangangati ng ilong at mata, runny nose, nasal congestion, at pagluluha ng mata, kaya naman minsan ay napagkakamalang sipon ang allergy na ito. Pwede ring magkaroon ng sore eyes o conjunctivitis ang mga inaatake ng allergic rhinitis.

    Atopic dermatitis 

    Ang atopic dermatitis o eczema ay isang uri ng skin condition kung saan nangangati at namumula ang balat. Bukod sa pagkakaroon ng rashes, pwede rin maging flaky o scaly ang pakiramdam ng balat.

    Allergy sa gamot 

    Merong mga taong allergic sa mga gamot na tulad ng aspirin, penicillin, at maging sa mga chemotherapy drugs na ginagamit para sa cervical cancer at iba pa. Pwedeng magdulot ng rashes, hives, pamamaga ng ilang bahagi ng katawan, at anaphylaxis ang drug allergy.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Allergy sa insect sting 

    Kung meron kang allergy sa mga insect sting o kagat ng mga insekto, katulad ng sa mga bubuyog at putakti, pwedeng mamaga ang bahaging natusok. Pwede ring magkaroon ng rashes at mangati ang buong katawan. Sa mga malalang kaso, kinakapos ng hininga at nakakaranas ng anaphylaxis ang pasyente.

    Kadalasan, nalalaman na lang ng isang tao na meron pala siyang allergy sa isang bagay o pagkain pagkatapos niyang makaranas ng allergic reaction. Pero meron din namang mga skin test at blood test na nakakatulong sa pagda-diagnose kung merong mga allergy ang isang tao. 

    Mga pwedeng gamot sa allergy

    Dahil isang immune response ang allergy, hindi ito pwedeng gamutin at tuluyang mawala. Ang pwede lang gawin ng mga doktor ay magbigay ng mga treatment para mabawasan ang sintomas at para hindi mauwi sa pagkamatay ang severe allergic reactions.

    Ang number one na pwedeng gawin para hindi atakihin ng allergy ang ang pag-iwas sa mga bagay at pagkain na sanhi ng iyong allergy. Bukod pa rito, pwede ring gamitin ang mga sumusunod:

    • antihistamines
    • nasal decongestants at nasal sprays
    • eye drops
    • corticosteroids
    • skin creams para sa mga rashes

    Para sa mga may life-threatening allergies, advisable na palagi silang may dalang epinephrine para kung aksidenteng ma-expose sila sa kanilang allergen ay maagapan ang malalang sintomas. Pwede ring sumailalim sa tinatawag na immunotherapy ang mga may severe allergy na hindi nagre-respond sa mga common na gamot.

    Samantala, marami ring mga home remedy para sa mga sintomas ng allergy. Kasama na rito ang mga sumusunod:

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW
    • cold compress para sa pangangati
    • moisturizing creams at mga lotion para sa panunuyo ng balat
    • paggamit ng HEPA filter para mabawasan ang mga airborne allergen

    Mga sanhi at risk factor ng allergy

    Hindi pa natutukoy ng mga experts ang tunay na dahilan kung bakit nagkakaroon ng reaction ang immune system ng mga taong may allergy sa mga bagay na madalas ay harmless naman. Ang siguradong bagay pa lang sa ngayon ay may genetic component ang allergy. Ibig sabihin, kung merong allergy ang magulang ay pwede ring magkaroon ng allergy ang anak.

    Tandaan lang na hindi ang eksaktong allergy ang namamana kundi ang tendency na magkaroon ng allergic reaction. Halimbawa, pwedeng may peanut allergy si mommy pero wala naman si baby at sa halip ay sa shellfish naman may hindi magandang reaksyon ang kanyang katawan.

    Bukod sa family history, mataas din ang risk ng isang tao na magkaroon ng allergy kung meron siyang asthma o meron siyan existing allergy.

    Karaniwang allergy triggers

    Pagdating naman sa mga allergen, narito ang mga pinaka-common na bagay na nagdudulot ng allergic reactions:

    1. peanuts
    2. tree nuts kagaya ng almonds, hazelnuts, at pistachios
    3. wheat at soy, kasama na ang taho at tofu
    4. isda tulad ng salmon at tuna
    5. hipon, lobster, tahong, oyster, at iba pang shellfish
    6. itlog at manok
    7. dairy products, lalo na ang gatas
    8. balahibo at dander (skin flakes) ng mga hayop katulad ng aso at pusa
    9. alikabok
    10. molds o amag
    11. pollen at spores ng mga halaman
    12. dagta at balat ng mga halaman gaya ng poison ivy
    13. mga gamot tulad ng aspirin, penicillin, at ilang antibiotics
    14. latex, na madalas gamitin sa surgical gloves at maging sa mga condom
    15. metals, gaya ng nickel at cobalt
    16. kagat o sting ng mga hayop o insekto katulad ng gagamba, bubuyog, at putakti (wasp)
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Paano iwasan ang allergy

     Dahil namamana ang allergy, hindi talaga ito pwedeng maiwasan. Ang pinakamabuting gawin ay umiwas sa mga bagay na nakakapag-trigger ng iyong allergy. Halimbawa, kung meron kang pollen allergy, mas mabuting mag-stay na lang sa loob ng bahay kung panahon na ng pagkalat ng mga pollen (madalas, kasabay ito ng pamumulaklak ng mga puno at halaman). Kung kailangan lumabas, magsuot ng mask para hindi malanghap ang pollen.

    Makakatulong din ang madalas na pagva-vacuum at paggamit ng air filters para maiwasan ang pagdami ng airborne allergens. Ganun din, ugaliin ang madalas na pagpapalit ng mga gamit katulad ng bedsheet, pillow case, at towels.

    Kung meron ka namang food allergy, kailangang umiwas sa mga pagkain na merong ingredients na nakaka-trigger sa iyong allergy. Kung kakain sa mga restaurant, tanungin ang staff tungkol sa mga ingredients na ginagamit nila. As much as possible, magluto na lang sa bahay para sigurado ka sa mga sangkap.

    Mabuti rin na basahin mabuti ang label ng mga pagkain para malaman kung paano sila nai-process. Halimbawa, meron mga tinapay na ginagawa sa parehong factory kung saan ginagawa din ang wheat bread. Kung meron kang wheat allergy, mas mabuting ibang brand tinapay na lang ang bilhin para siguradong walang exposure sa wheat ang produktong bibilhin mo.

    Para naman sa mga severe allergy, magdala ng identification card o magsuot ng tinatawag na medical alert bracelet. Kung sakaling magkaroon ka ng matinding allergic reactions, pwede pa ring malaman ng mga tao lalo na ng mga medical responders na meron kang allergy.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Kung hindi ka pa sigurado kung meron ka ngang allergy o kung ano ang mga triggers ng iyong allergy, gumawa ng sariling allergy record. Ilagay dito kung ano ang iyong mga kinain at mga bagay kung saan ka na-expose kung kailan nag-flare up ang iyong allergic reactions. Kapag nakakita ka ng mga patterns, mas madali mo nang maiiwasan ang iyong mga triggers.

    Panghuli, kung meron kang family history ng allergy, pwede kang magpa-test para malaman kung meron ka ring allergy. May dalawang uri ng test na madalas ginagawa: skin test at blood test. Sa skin test, tinutusok ang balat at ine-expose ito sa maliliit na amount ng proteins galing sa mga allergens. Kapag nag-react ang balat, ibig sabihin ay allergic ka sa bagay na iyon.

    Sa blood test naman, sinusukat sa pamamagitan ng radioallergosorbent test kung gaano karami ang mga antibodies na nagdudulot ng allergy sa iyong dugo. Depende sa dami ng antibodies, pwedeng malaman kung gaano ka ka-sensitive sa mga allergens.

    Tandaan na pwedeng maging false positive o false negative ang mga ganitong test kaya naman mas maganda talagang sumailalim dito kung meron kang mga family history.

    Mga posibleng komplikasyon ng allergy

    Dahil maraming uri ng allergy, marami ring pwedeng komplikasyon ang kondisyon ng isang tao. Ang pinakamalala sa mga ito ay ang anaphylaxis na kung hindi agad mabigyan ng first aid ay pwedeng magdulot ng pagkamatay.

    Pagdating naman sa mga skin allergy, pwedeng maging komplikasyon ang pagnipis ng balat. Pwede rin itong kumapal at magkaroon ng discoloration dahil sa madalas na pagkamot.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Samantala, kung related naman sa respiratory system ang iyong allergy, mas mataas ang risk na magkaroon ka ng asthma. Pwede ring mas madalas kang magkaroon ng sinusitis at mga impeksyon sa tenga at ilong.

    Sources:

    Healthline, Mayo Clinic, Cleveland Clinic, NHS, American College of Allergy, Asthma & Immunology

    What other parents are reading

Post a Comment

0 Comments