-
Kamot sa tiyan ang kadalasang tawag sa stretch mark dahil karaniwang mga buntis ang nagkakaroon nito. Makati raw kasi ang kanilang tiyan kaya kinakamot nila, pero dusa naman sa maiiwang marka hanggang manganak na sila. Ang tanong tuloy nila: paano mawala ang stretch mark.
Ano ang stretch mark?
Isang uri ng peklat (scar) ang stretch mark, ayon sa American Academy of Dermatology Association (ACOG). Nagkakaroon ng stretch mark kapag nababanat ang balat at bigla ring nawawala ang pagkabanat. Ang nangyayari tuloy, napapatid at pumuputok ang collagen at elastin, na siyang nagbibigay ng suporta sa balat. Nagkakaroon tuloy ng peklat.
Pinaniniwalang may kinalaman ang biglang pagbabago sa hormone levels, kaya malimit nagkakaroon ng stretch mark ang mga buntis, lalo na raw kung nasa lahi ninyo ito. Iba pang posibleng sanhi ng stretch mark ang biglang pagbabawas o di kaya pagdagdag ng timbang, pati na ang pagpapahid ng corticosteroid sa balat sa loob ng mahabang panahon.
Kung buntis, malamang magkaroon ng stretch mark sa hips, abdomen, at breasts. Magsisimula ito sa mga mapupulang marka hanggang maging purple at tuluyang mamuti. Maaaring mapansin mo ito sa iyong Week 20, sabi naman ng obstetrician-gynecologist-sonologist na si Dr. Margarita Santella-Jara sa panayam niya dati sa SmartParenting.com.ph.
Bakit hindi lahat ng buntis nagkakaroon ng stretch mark?
Lahad naman ni Dr. Diona Reina Jacoba-Mabus, isang dermatologist, sa dati rin niyang panayam sa amin, may ilang factors kung bakit hindi lahat nagkakaroon ng stretch mark. Kabilang diyan ang:
- Genetic factors
- Weight issues
- Activities involved
- Use of steroids
Kapag daw nagkaroon ng stretch mark ang nanay mo noon, malamang magkaroon ka rin ngayong buntis ka. Tataas lalo ang tyansa kapag overweight at obese ka o di kaya kung grabe ka mag-stretching, magbuhat ng mabibigat na bagay, at gumamit ng topical steroids.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWDagdag naman ni Dr. Santella-Jara, may kinalaman din ang nakukuha mong nutrisyon habang buntis sa pagkakaroon ng stretch marks. Kung panay daw ang kain mo ng karne, puwede kang tumaba nang husto at magkaroon ng stretch marks. Pero kung panay gulay at prutas naman, malamang hindi ka tumaba at magkaroon ng stretch marks.
Maaari bang mapigilan ang stretch mark?
Aminado ang dalawang doktor na walang 100 percent na paraan para mapigilan ang pagkakaroon ng stretch marks. Pero may pag-asa naman na mabawasan kung susundin ang kanilang mga suhestiyon:
- Bantayan ang timbang at huwag magdagdag ng lampas sa 25 pounds
- Magpahid ng cocoa butter sa tiyan dalawang beses kada araw sa simula pa lang ng pagbubuntis
- Magpahid ng germ oil para dumulas ang balat pag nakalampas na sa first trimester
- Kumain ng mas maraming gulay at prutas
Paano mawala ang stretch mark?
Prangkang sabi ng mga doktor na panghabang-buhay na ang stretch mark. Pero, saad ni Dr. Jacoba-Mabus, may mga paraan ang tulad niyang dermatologist para mabawasan ang stretch mark hanggang 80 percent. Kabilang diyan ang derma rollers at lasers na ginagawa sa dermatological clinic. Makakatulong din daw ang regular na pagpapahid ng topical glycolic acid at tretinoin.
Lumabas din daw sa mga pag-aaral na makakatulong ang fractional laser resurfacing, bukod pa sa topical ointments at creams, upang mabawasan ang stretch mark. Hindi kailangang gumastos nang husto dahil may mga produktong abot-kaya sa bulsa (basahin dito). Puwede ring sumubok ng sariling solusyon (basahin dito).
Paalala lang ng mga doktor na hindi rin kailangang ma-stress dahil sa stretch mark. Kasama na raw ang mga iyan sa kung tawaging battle scars ng mga nanay. Kahit ang mga artistang sina Andi Eigenmann, Lara Quigaman, Kylie Padilla, Denise Laurel, Sheena Halili, at marami pang iba ay hindi naging ligtas sa stretch marks.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosSabi nga ni Andi, hindi dapat ikahiya ang pagkakaroon ng stretch marks at huwag pigilan ang sariling magsuot ng cropped top at bikini. Aniya, “I’ve grown to be more comfortable and proud of them.” Kaya hindi na kailangang mag-isip pa kung paano mawala ang stretch mark.
0 Comments