-
Mula sa panlilimos sa kalsada at paninisid ng barya sa pier para may pangkain, nakaahon ang isang babaeng Badjao.
Nakatapos siya ng kolehiyo sa pagpupursige at naging isang guro.
Ngayon, nagtuturo siya sa mga batang kanyang katribo.
Ito ang kuwento ni Arlene E. Alex, 28.
Noon lamang February, 2021, isa si Arlene sa tatlong babaeng pinarangalan bilang Natatanging Batangueño RotAwardees ng Rotary Club of Batangas.
Ganito ang paglalarawan kay Arlene sa post: “A 28year old Badjao teacher who started as a beggar and ‘maninisid ng barya sa pier’ but changed her life by finishing her education and even having Master’s Degree.
“She now teaches IPED [Indigenous people education] learners, also Badjao children, and aims to help her own people and educate them the same way she was educated.”
Si Arlene ay kasalukuyang teacher sa Wawa Elementary School sa Batangas City.
Arlene E. Alex (far right) as one of the three Natatanging Batangueño RotAwardees of Rotary Club of Batangas last February 2021.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWArlene, half-Badjao, half-Batangueño
Hindi naging madali ang buhay para kay Arlene habang lumalaki.
Pero hindi ikinakahiya ni Arlene ang kanyang nakaraan at ang kanyang lahing pinagmulan.
“Ako po ay half-Badjao half-Tagalog.”
Taga-Batangas ang kanyang ama at isang Badjao ang kanyang ina.
“Mula pagkabata ko po, hindi po ako pinapayagan ng tatay ko na manlimos, manisid ng barya.
“Yung pride po na Tagalog siya, ‘tapos baka makita ako ng mga kamag-anak ko. So yun po ay hindi ko gawain sadya,” lahad niya sa programang PIA Ngayon Calabarzon sa J101.5FM Radio noong March 31, 2021.
Pero kinailangan ng pagkakataon na manlimos siya para makatulong sa pamilya.
“Dumating lang po sa point na kailangan ko po siyang gawin para po makatulong ako sa pamilya ko.
“Lalo po nang magkasakit yung tatay ko, hanggang sa mamatay po siya nung ako po ay 12 years old.”
Sa murang edad, nagsimulang manisid ng baryang inihahagis sa pier ng mga pasaherong naaawa sa mga Badjao.
“Eight years old po nag-start na akong manisid sa pier para lang po maka-survive sa araw-araw at may panustos sa pag-aaral.
“’Tapos po yung panlilimos, nag-start po siya nung mamatay si Tatay, kasi wala nang pipigil sa akin na pumunta ako sa lansangan.
“Kasi po na-amaze po ako sa mga pinsan ko na meron po silang dala-dalang barya, mga pinalimusan nila, na naitutulong nila sa mga pamilya nila.
“Kaya ako naging nanlilimos at naninisid sa pier.
“Hindi ko naman po pinagsisihan kasi natuto po ako sa buhay na hindi ganoon kadali ang kumayod sa araw-araw sa murang kaisipan.
CONTINUE READING BELOWRecommended Videos“Kailangan mong mabuhay, pero kailangan mong paghirapan.”
Dalawa lang daw silang magkapatid at siya ang panganay.
Ang kanyang ina ay isang “dakilang labandera.”
Good Samaritans
Matagal ding nanlilimos sa lansangan si Arlene. Napapadpad siya sa malalayong lugar para lamang manlimos.
“Hanggang 14 years old ako na nanlilimos sa lansangan dine po sa Batangas City.
“’Tapos minsan po dumadayo kami sa Maynila pag panahon ng Pasko at mga summer po, gano’n.
“Kami po ay dumadayo sa malalayong lugar.”
Sa tulong daw ng kanyang mga tiyahin at tiyuhin, nakapagtapos siya sa elementarya sa Batangas.
“After po maka-graduate, umalis po kami sa pinakalugar ng tatay ko dahil po yung nanay ko ay dumaranas po ng depression. Nakikita niya ang memories ng tatay ko.
“Kailangan po naming pumunta ng isla. Isla po ng mga Badjao.”
Sa kanilang isla, may mag-asawang misyonaryo na tumutulong sa kanyang mga ka-tribo.
“So ako po ay nakita nila ng potensiyal na gustong mag-aral. So ako po ay tinulungan nila.”
Ipinadala raw siya ng mag-asawang misyonaryo sa isang youth camp sa Laguna na naghahanap ng out-of-school youths na maaaring mag-aral.
“So ako po ay dinala nila sa Cabuyao, Laguna. Isa po siyang orphanage o puwede kang mag-aral do’n, pero hindi ka po uuwi.
“So tiniis ko po yung dalawang taon para lang po makapag-aral dahil po nakakasawa yung nasa lansangan, ‘tapos hindi ka po makakain kapag walang magbibigay sa amin.”
Determinado raw si Arlene na makapag-aral sa pangarap na makaahon sa kahirapan.
“Sabi ko po sa sarili ko, ‘Parang ang hirap mabuhay na nakadepende ako sa tao.’
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW“Kaya sabi ko kailangan kong mag-aral kahit hindi na ako makauwi, basta makatapos ako.”
Ayaw raw niyang sayangin ang pagkakataon.
“Sabi ko sa sarili ko, ‘Hindi pupuwede na hanggang dito na lang ako. Babalik na naman ako sa lansangan.’”
Nagkataon daw na may mga tao sa paligid ni Arlene na nag-alok na tulungan siya.
“Sabi po ng pastor namin, papag-aralin niya ako sa University of Batangas [UB], panggabi po iyon.”
Si Arlene daw ang nag-iisang nag-aaral sa high school habang ang iba pang tinutulungan ng pastor ay nasa elementarya.
“So meron pong dalawang empleyado do’n na pinag-aral din ako. Nagpa-tuition po sa akin.
“Talagang yung pagsusumikap po para maabot yung pangarap, talagang kailangan kong kayanin.”
Divine intervention
Pero nang makatapos ng second year high school, sinabihan raw siya ng pastor na hindi na niya kayang tustusan ang pag-aaral ni Arlene.
Marami pang Badjao na pinag-aaral sa elementarya ang pastor.
Pero may bagong biyayang dumating sa buhay ni Arlene.
“Nung ako po ay tumigil, sakto po yung will ni Lord, na yung mga tao… yung mga programa…
“Dumating po yung program po ng ALS [alternative learning system] ng out-of-school youths na gustong magpa-diploma.”
Sa payo raw ng kanilang pastor ay nag-review si Arlene at nakapasa sa pagsusulit para makapagtapos ng high school.
Hindi na raw umaasa si Arlene na makatuntong pa ng kolehiyo. Tagumpay nang maituturing na nakapagtapos siya ng secondary education.
Pero pinaboran ng tadhana si Arlene dahil nagkaroon ng programa ang Batangas State University College of Teacher Education.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW“Nakita po nila yung potential ko kasi po gumawa ako ng talambuhay ko.
“So nabasa po ng isang professor, sabi po niya, puwede daw po ako maging scholar nila.”
Kumuha ng entrance examination si Arlene at nakapasa siya.
“Kinuha po nila akong scholar.”
Ani Arlene, “Sabi ko nga po ayoko habang buhay nasa lansangan. Ayoko habang buhay humihingi ng awa ng tao, kasi wala kang magawa kasi wala kang natapos.”
Naging emosyunal si Arlene sa mga sumunod niyang pahayag, dahil sa diskriminasyong nararanasan ng kanyang lahing Badjao.
“Naisip ko rin yung mga katribo ko na yung binu-bully, kasi wala kaming natapos.
“Yung masakit po, yung sakit ng ulo kami ng lipunan.
“Sabi ko sa sarili ko, hindi habang buhay ganito niyo makikita sa amin.
“Kasi meron kaming magagawa at merong mababago sa sarili namin.
“So, salamat naman po sa Lord kasi nakatapos [ako].
“Nagkaroon po ng isang professional na gurong Badjao dito po sa Batangas City, at parang ang alam ko po sa buong Calabarzon [Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon], ako po yung unang nakatapos sa kolehiyo.”
Nang maka-graduate sa college si Arlene, ikinasal ito sa isang katribo.
Nabuntis siya, pero sa tulong na rin ng kanyang mga kaklase ay naglakas loob siyang mag-review ng anim na buwan.
Pumasa si Arlene sa board exam. Isa na siyang ganap na guro.
“Sobrang napaiyak [ako] dahil ito na yung bunga ng paghihirap. Ito na yung tagumpay na sinasabi.
“After po ng LET [Licensure Examination for Teachers] di po ako agad nagtrabaho dahil kailangan kong alagaan muna yung baby ko.”
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWNagtrabaho muna siya sa Batangas State University bilang isang substitute teacher sa loob ng dalawang buwan.
Pagkatapos nito ay isang taon siyang nagturo sa University of Batangas sa Elementary Department.
Napagod daw si Arlene at nagbitiw para makapagpahinga muna. Isa na namang biyaya ang kumatok kay Arlene.
“Hinahanap po ako ng DepED dahil po may program ang DepEd ng indigenous people education, kung saan po yung tuturuan ay tribong Badjao.
“So tama po na pag-resign ko. Tinawagan po nila agad ako napa-in po ako ng DepEd ng 2017 hanggang ngayon po.”
Nakatapos din si Arlene ng kanyang Master’s Degree.
God’s plan
Pag-amin ni Arlene, hindi sana kursong Education kundi Computer Science ang nais niyang kunin, pero limitado ang kanyang choices.
Marahil ay itinadhana raw ng Diyos na siya ay naging teacher.
“Ngayon ko lang po napagtanto, ngayong nandito na ako sa program ng DepED, na yun talaga ang plano ng Lord.”
Naniniwala raw siya na “dakilang plano” ng Diyos na maging guro siya ng kanyang mga katribo.
Nang tanungin si Arlene tungkol sa kanyang mga pinagdaanan, binigyang-diin niya ang hirap na dinanas dahil sa pagiging Badjao.
Matinding pambu-bully raw ang sinapit niya noong nasa elementarya siya.
Tinatawag daw siyang “Badjao,” “mabaho,” “nanlilimos.”
“Nasa isang tabi ka na lang kasi wala kang ibang kaibigan. Sobra pong hirap ng elementary ko,” himutok ni Arlene.
“Kaya po nung high school parang ayoko nang pumasok. Iniisip ko na lang gusto kong makatapos ako.”
Naging mabuti naman daw ang trato sa kanya ng mga kaklase pagsapit ng kolehiyo.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW“Na-build up ko yung sarili ko. Kailangan kong magkaroon ng tiwala sa sarili ko.
“Wala po akong naramdaman ng kahit anong diskriminasyon, na kahit anong pambu-bully.”
Ngayong panahon ng pandemya, patuloy raw ang pagtuturo ni Arlene.
Nagbabahay-bahay siya para puntahan ang mga estudyanteng Badjao at tulungan ang mga ito sa kanilang modules.
Final words
Tanging pasasalamat lang daw ang nasa puso ni Arlene kapag binabalikan niya ang kanyang pinagdaanan.
Malaking biyaya na ibinigay ng Diyos ang makarating siya sa kanyang kinatatayuan ngayon.
May mensahe naman si Arlene sa mga “nagdi-discrimiate, nambu-bully, nangmamata sa mga ka-tribo namin.”
“Hindi po habang buhay yung mga minamata niyo hanggang doon na lang.”
Hangad daw niyang mabago ang mababang pagtingin ng mga tao sa katulad niyang Badjao.
Gusto niyang patunayan ang kaisipang wala silang nararating sa buhay.
“Meron po,” giit ni Arlene.
Sa mga katulad naman niyang may pangarap, ani Arlene, “Patuloy na magtiwala, umasa at merong mababago.
“Isa po akong totoong patunay sa inyo. Merong pag-asa.
“Patuloy kumapit sa Lord at pagkapit sa Lord lagyan ng tiyaga, sikap, at tiwala sa sarili.”
This story originally appeared on Pep.ph.
*Minor edits have been made by the SmartParenting.com.ph editors.
0 Comments