-
Maraming Pinoy ang nakakaranas ng acid reflux o ang pag-backwash ng acid galing sa tiyan paakyat ng esophagus. Ang scientific term para dito ay gastroesophageal reflux. Madalas mangyari ang acid reflux kapag nasobrahan ka sa pagkain o kaya ay nakainom ng maraming acidic na inumin kagaya ng softdrinks, maasim na juice, o kape.
Kapag paulit-ulit kang nakakaranas ng acid reflux (dalawa o higit pang beses sa isang linggo), malaki ang posibilidad na meron kang gastroesophageal reflux disease o GERD. Kadalasan, may kasabay din na ibang sintomas ang acid reflux kagaya na lang ng heartburn.
Meron ding mga sitwasyon kung saan mas at-risk ang isang tao na makaranas ng acid reflux. Halimbawa, ang mga babaeng nasa first o kaya third trimester ng pagbubuntis ay mas prone sa acid reflux at heartburn dahil sa mga pagbabago sa kanilang katawan at hormones. Malaking factor din ang obesity sa pagkakaroon ng acid reflux. Panghuli, merong ilang mga gamot na pwedeng magdulot ng sobrang acid sa tiyan.
Meron namang mga home remedy at mga maintenance medicine para makontrol ang acid reflux at GERD. Kung sobrang malubha na ng kaso ng GERD o kaya ay nagkaroon na ito ng mga komplikasyon, meron ding mga surgical procedure para magamot ito.
Iba’t-ibang characteristics at sintomas ng acid reflux
Madalas na nagdudulot ng burning sensation sa lalamunan ang acid reflux. Kumakalat din ito sa dibdib, na siya namang tinatawag na heartburn. Bukod sa dalawang ito, ang iba pang madalas sintomas ng acid reflux ay mga sumusunod:
- pananakit ng dibdib
- pakiramdam na parang maduduwal
- mapait o maasim na lasa sa bandang likod ng bibig
- pakiramdam na parang may nakaharang sa lalamunan
- hirap sa paglunok
- pagsusuka
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWMeron ding mga nakakaranas ng acid reflux na paulit-ulit na nasasamid o kaya naman sinisinok. Dahil sa acid na umaakyat sa lalamunan, pwede ring mamaos o maging garalgal ang boses. Ang sobrang acid ay pwede ring magdulot ng bad breath.
Sintomas ng acid reflux sa baby
Tandaan din na pwedeng makaranas ng acid reflux ang mga baby na may edad 4 buwan hanggang 1 taon. Sa katunayan, nakaranas daw ng GERD ang baby ng celebrity couple na si Sophie Albert at Vin Abrenica at wala pa siyang isang buwan noon.
Obserbahang mabuti kung sobrang dalas na mag-spit up (paglulungad sa Tagalog) o magsuka ang bata. Bantayan din kung magpapakita sila ng mga sumusunod na sintomas:
- parang nabibilaukan kahit wala namang kinakain
- nahihirapang lumunok
- ayaw o walang ganang kumain
- pagiging fussy habang kumakain o pagkatapos kumain
- pagdighay o pagsinok na madalas na may kasamang spit-up
- nahihirapang matulog
- weight loss
- madalas pagkakaroon ng ubo o pneumonia
Kapag napansin ang mga ganitong sintomas, dalhin na si baby sa doktor para ma-diagnose at mabigyan ng gamot. Ganun din, kung ikaw mismo ang nakakaranas ng mga sintomas ng acid reflux, magpakonsulta sa doktor para malaman kung ano ang pinaka-effective na gamot.
Mga pwedeng gamot sa acid reflux
Maraming over-the-counter na gamot para sa acid reflux at nangunguna na rito ang mga antacid. Ingat lang sa paggamit nito dahil pwede itong magdulot ng diarrhea at kidney problems kapag nasobrahan. Kung hindi na effective ang antacids, magpa-check up na para mabigyan ng reseta para sa ibang gamot.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosMay dalawang posibleng gamot na ibigay para sa acid reflux: H-2 receptor blockers at proton pump inhibitors.
Binabawasan ng H-2 receptor blockers ang production ng acids sa tiyan. Medyo mas mabagal bago maramdaman ang epekto ng mga H-2 receptor blockers kumpara sa mga antacid pero mas nagtatagal naman ang bisa nila (minsan ay umaabot ng 12 hours)
Ang mga proton pump inhibitors (PPI) ay mas malakas ang effects kaysa sa H-2 blockers kaya mas nakaka-recover ang tiyan at esophagus bago umatake ulit ang acid reflux. Isang sikat na PPI ang omeprazole.
Home remedy sa acid reflux para sa bata
Meron ding mga treatment para sa acid reflux na hindi na kailangan ng medications. Halimbawa para sa mga bata:
- Pakainin sila nang unti-unti pero mas maraming beses sa isang araw kaysa sa three full meals.
- Huwag silang sanayin sa pag-inom ng mga carbonated beverages dahil malakas makapagpadighay ang mga ito.
- Iwasan din ang mga spicy at acidic foods.
- Itaas ang ulo kapag natutulog para hindi makaakyat ang acid. Gumamit ng bed risers sa halip na mga unan para masigurado ang tamang support sa likod at leeg.
Home remedy sa acid reflux para sa matatanda
Bukod sa mga tips sa itaas, pwede ring gawin ang mga sumusunod para mabawasan ang epekto ng acid reflux:
- Tumayo pagkatapos kumain para makatulong ang gravity na panatilihin sa tiyan ang acid.
- Magbawas ng timbang.
- Huwag manigarilyo.
- Ngumuya ng chewing gum para tumaas ang production ng laway, na pwedeng maka-neutralize sa stomach acids.
Kung hindi na talaga effective ang kahit anong gamot o lifestyle changes, pwedeng sumailalim sa surgery para mawala ang acid reflux. Ang pinaka-common na procedure ay tinatawag na Nissen fundoplication, kung saan sinisikipan ang junction o tagpuan ng tiyan at esophagus.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWMga sanhi at risk factor ng acid reflux
Ang number one cause ng acid reflux ay ang hindi tamang pag-function ng lower esophageal sphincter o LES. Ang LES ay binubuo ng mga muscle sa dulo ng esophagus na bumubukas para makalunok ng pagkain at inumin. Kapag hindi mo kailangan lumunok, nakasara ang LES.
Sa mga taong may acid reflux, hindi sumasara nang maayos o kaya ay naka-relax ang muscles ng LES. Dahil dito, nakaka-akyat ang mga acid at iba pang laman ng tiyan pabalik sa esophagus.
Meron ding kondisyon na tinatawag na hiatal hernia, kung saan may butas ang diaphragm kaya may bahagi ng upper stomach na nakakapasok sa chest cavity. Madalas na nagiging sanhi ito ng acid reflux at GERD.
Pagdating naman sa risk factors, marami sa mga ito ay mga lifestyle choices na pwedeng maiwasan o makontrol. Ilan sa mga ito ang sumusunod:
- paninigarilyo at paglanghap ng second-hand na usok ng sigarilyo
- pagiging overweight o obese
- kakulangan sa exercise
- sobrang stress
- pag-inom ng mga gamot katulad ng matatapang na painkillers, antidepressants, at iba pa
- sobrang pagkain
- paghiga pagkatapos kumain
- pagsusuot ng masikip na damit na nakakaipit sa tiyan
- pagkain o pag-inom ng mga bagay na mataas ang acidity
Katulad ng nasabi kanina, mataas din ang risk ng mga babaeng buntis na makaranas ng acid reflux. Ito ay dahil mas tumatagal sa tiyan ang mga pagkain bago ma-digest. Pagdating naman ng third trimester, nagkakaroon ng mas matinding pressure sa mga internal organs habang lumalaki si baby sa loob ng sinapupunan. Ito ang nagdudulot ng heartburn at acid reflux.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWMeron na ring findings na nagsasabing maraming may asthma ang meron ding acid reflux. May mga gamot kasi para sa hika na pwedeng maging dahilan ng pagre-relax ng mga muscle sa dibdib at lalamunan kaya may posibilidad na umakyat ang acids. Kapag naman sumabay ang acid reflux sa asthma attack, malaki ang risk na mas matindi ang maranasang sintomas ng hika.
Paano iwasan ang acid reflux
Ang pinaka-effective na mga paraan para makaiwas sa acid reflux ay ang mga nabanggit din na treatment sa itaas. Pinakamagandang halimbawa nito ay ang food habit na small frequent meals instead of three big meals. Malaki din ang magagawa ng pag-iwas sa mga pagkain at inumin na nakaka-trigger ng acid reflux. Kasama na rito ang mga maanghang, oily, maasim, at minty na pagkain.
Makakatulong din ang pagkakaroon ng healthy lifestyle, lalo na ang pag-e-exercise, hindi paninigarilyo, and hindi pag-inom ng alak.
Effective din ang pag-iwas sa stress at mga activity katulad ng meditation. Meron kasing mga tao na nakakaranas ng acid reflux kapag kinakabahan o naco-conscious. Para mabawasan ang epekto ng ganitong mga emotion, makakatulong ang pagfo-focus, breathing exercises, at iba pa.
Mga komplikasyon ng acid reflux
Katulad ng nabanggit sa itaas, kapag naging chronic o paulit-ulit na ang acid reflux, malaki ang posibilidad na GERD na ito. Kung tutuusin, madali naman ang treatment at maintenance ng GERD pero syempre, pwede rin itong maka-apekto sa quality of life.
Isa lang ang GERD sa mga pwedeng maging komplikasyon ng acid reflux kung hindi ito ma-manage nang maayos. Nandyan din ang esophagitis o ang pamamaga ng esophagus. Pwede ring mauwi ang acid reflux sa mga sakit na nakalista sa ibaba:
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWEsophageal stricture
Sa kondisyong ito, nagiging mas makipot (narrow) ang esophagus. Ang resulta, nahihirapan lumunok ang pasyente. Pwede itong magdulot ng problema sa pagkain.
Esophageal ulcer
Kapag madalas umakyat ang acid sa lalamunan, numinipis ang tissue sa esophagus kaya mas mabilis itong magkasugat. Pwedeng magdulot ng bleeding ang esophageal ulcer; syempre, mahihirapan din kumain at lumunok ang mga taong merong mga sugat sa lalamunan.
Pagkakaroon ng acid sa lungs
Tinatawag na aspiration ang reflux o pagpasok ng mga fluid sa lungs. Pwede itong magdulot ng pag-ubo at iba pang komplikasyon. Kapag masyadong nagtagal ang acid sa lungs, pwedeng ma-damage ang mga tissue nito. Pwede ring mauwi ito sa pneumonia.
Barrett’s esophagus
Isa itong precancerous stage kung saan nagbabago ang tissue lining ng esophagus. Dahil dito, tumataas ang risk ng pasyente na magkaroon ng esophageal cancer. Mas common ang Barrett’s esophagus sa mga matatandang merong acid reflux.
Esophageal cancer
Mas mataas ang risk ng mga taong may acid reflux at GERD na magkaroon ng esophageal cancer. Tandaan na halos walang pinapakitang sintomas ang esophageal cancer kapag nasa early stages pa lang ito kaya kung meron kang GERD, mas mabuting magpa-screening nang maaga.
Minsan din ay nakaka-aggravate ng mga sakit katulad ng sinusitis ang acid reflux dahil magkalapit lang ang ilong at lalamunan.
Sources:
Mayo Clinic, Medical News Today, Healthline, NHS, Harvard Health
Sintomas Ng Acid Reflux Sa Baby Hanggang Adult
Source: Progress Pinas
0 Comments