-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Hindi maiiwasan ang magkaroon ng isa o higit pang pasa sa katawan, lalo na kung madalas mabunggo o biglang naaksidente. Pero posible ring may iba pang dahilan ng pasa sa katawan tulad ng anemia at iba pang mas seryosong kondisyon.
Ano ang pasa sa katawan?
Tinawag ang pasa na bruise sa English, at contusion naman ang medical term. Isa itong pagbabago sa kulay ng balat (skin discoloration) dulot ng pinsala (injury) sa balat o di kaya sa bodily tissue. Dahil sa pinsala na iyan, nadadamay ang blood vessels sa ilalim ng balat, kaya tumatagas ang mga ito.
Kapag namuo ang dugo, ayon sa Cleveland Clinic, magkakaroon naman ng skin discoloration. Bukod sa pangingitim, nariyan ang pinaghalong blue, purple, brown, at yellow. Puwede itong kumirot, pero hindi magdudugo, puwera na lang kung nasugatan din ang balat.
May tatlong uri ng pasa, ayon naman sa Medline Plus ng United States National Library of Medicine:
- Subcutaneous – lumalabas sa ilalaim ng balat
- Intramuscular – lumalabas sa mga kalamnan
- Periosteal –lumalabas sa buto
Puwedeng magkaroon ng pasa ang sinuman dahil sa aksidente o di kaya operasyon. Pero mas madalas itong mangyari, sabi ng mga eksperto, sa older adults at iyong may medical conditions. Kabilang diyan ang:
- Pagkakaroon ng cancer o di kaya sakit sa atay
- Nasa lahi ang pagiging pasain
- Umiinon ng gamot para lumabnaw ang dugo o di kaya patigilin ang blood clot, tulad ng aspirin at blood thinner
- Regular ang pag-inom ng nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) bilang pain reliever, gaya ng ibuprofen at naproxen
- Pagkakaroon ng sakit sa dugo, tulad ng hemophilia at von Willebrand disease
- Nakakaranas ng low blood platelet count
- Kulang sa vitamin C o di kaya vitamin K
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWPasa sa katawan dahil sa anemia
Isa pang posibleng dahilan ng pasa sa katawan ang anemia, na isang medical condition kung saan may kakulangan sa red blood cells o di kaya hemoglobin. Ang hemoglobin kasi ang protina na mayaman sa mineral na iron. Tinutulugan ng hemoglobin ang red blood cells na dalhin ang oxygen mula sa lungs hanggang sa iba-ibang parte ng katawan.
Dahil sa kakulangan sa iron, mas kilala ang isang uri ng anemia na iron deficiency anemia. Ika nga ng mga Pinoy, kulang sa dugo o anemic (basahin dito). Kadalasang nagsisimula itong na mild lang, kaya hindi kaagad nabibigyan ng atensyon. Pero mainam na bantayan ang iba pang sintoma bukod sa pasa sa katawan, tulad ng:
- Madaling mapagod at manghina
- Pamumutla
- Kinakapos sa hininga (shortness of breath)
- Pananakit ng ulo
- Hindi regular ang tibok ng puso
- Pagkahilo
- Panlalamig ng kamay at paa
Payo ng mga eksperto na komunsulta sa doktor, na siyang magrerekomenda ng blood test upang makumpirma ang iyong kondisyon at mabigyan ng tamang treatment.
Hindi ordinaryong pasa sa katawan
May mga pagkakataon na senyales na ang mga pasa sa katawan ng ibang kondisyon na mas seryoso pa sa anemia. Unang-una diyan ang leukemia, na siyang cancer sa dugo at bone marrow.
Paliwanag ng United Kindom Leukaemia Care na isa ang pagkakaroon ng pasa sa “most common symptoms associated with a blood cancer diagnosis.” Katunayan, lumabas daw sa patient survey noong 2008 na napansin ng 24 percent ng mga pasyente ang madalas nilang pagkakaroon ng pasa bago nila nalaman na may leukemia na pala sila.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosMay ilang senyales na posibleng dulot ang pasa ng leukemia:
Sumusulpot ang mga pasa sa mga hindi inaasahang parte ng katawan
Sadya raw nakakapagtaka ang mga pasa sa likod, pati na sa mga kamay at binti. Para naman sa mga bata, malimit nagkakaroon sila ng mga hindi inaasahang pasa sa mukha, puwitan, tenga, dibdib, at ulo.
Madami ang mga sumusulpot na pasa
Sabi ng isang pasyente sa survey, nakaranas siya na magkaroon ng 40 na pasa. Pero inakala pa rin daw niyang pasain lang siya.
Hindi maipaliwanag ang pagsulpot ng mga pasa
Kung hindi ka naman nabunggo o di kaya naaksidente, nakakapagtaka talaga na magkaroon ng mga pasa.
Matagal gumaling ang mga pasa
Kalimitang gumagaling ang ordinaryong pasa sa loob ng dalawa hanggang apat na linggo, sabi ng mga eksperto. Kaya kung higit pa diyan ang pagtagal ng mga pasa, mainam daw na ipatingin na sa doktor.
Hindi normal na pagdudugo
Isang uri ng pagdudugo (bleeding) ang pasa, pero sa ilalim lang ng balat at lumalabas sa iba-ibang paraan. Kabilang diyan ang malakas na regla, madalas na pagdugo ng ilong, at pagdudugo ng gilagid. Kaya mainam na magpatingin na sa doktor para masuri ang mga pasa sa katawan nang malaman kung dahil ba sa anemia o dulot na ng leukemia.
Matagal Gumaling Na Pasa Sa Katawan? 5 Senyales Na HIndi Lang Anemia Meron Ka
Source: Progress Pinas
0 Comments