-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Marami pa ring nagkakasakit ng bulutong tubig kahit may bakuna na para dito. Kaya mahigpit ang bilin ng mga doktor at eksperto sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak nang makaiwas sa nakakahawang sakit na ito.
Ano ang bulutong tubig?
Tinatawag ang bulutong tubig sa English na chickenpox. Isa itong nakakahawang sakit na dulot ng varicella-zoster virus (VZV), ayon sa mga eksperto ng United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC). Puwede itong maging seryosong kondisyon, lalo na sa mga baby, teenager, adult, buntis, at taong mababa ang immune system.
Sabi pa ng CDC, dating common disease ang chickenpox sa U.S. at umabot pa sa 4 million na average ang mga nagkasakit noong dekada 1990s. Pero nang magkaroon daw ng chickenpox vaccine bandang 1995, tuloy-tuloy nang bumaba ang bilang na mga nagkakasakit.
Madali na ring nakakakuha ng chickenpox vaccine sa Pilipinas, pero marami pa rin ang nagkakasakit ng bulutong tubig. Naulat noong 2019 ang tungkol sa chickenpox outbreak na nangyari sa Iloilo at Davao.
Mga sintomas ng bulutong tubig
May mga pagkakapareho ng sintomas ang chickenpox sa iba pang viral diseases. Kabilang sa mga sintomas ng bulutong ang mga sumusunod:
- Lagnat
- Pananakit ng ulo
- Pangangati ng lalamunan
- Pagsakit ng tiyan
- Pagkakaroon ng rashes
Ang talagang palatandaan kung may bulutong tubig ang anak mo ay ang mga rashes na magsusulputan sa kanyang tiyan, likod, at mukha. Sa simula, aakalain mo lang na pimples, pero makati ang mga ito
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWSa loob ng 24 oras, sabi ng mga eksperto sa Seattle Children’s, magbabago-bago ang anyo ng mga rashes. Mula sa itsurang tigyawat, magiging paltos (blisters) ang mga ito na may nakapaloob na tubig. Magsusugat-sugat ang mga ito, at pagkatapos, matutuyot hanggang magkulay brown.
Samantala, maaaring makaramdam ng iba pang sintomas ang anak mo, tulad ng:
- Mga sugat (ulcers) sa bibig, pilik-mata, o di kaya sa maselang parte ng katawan
- Patuloy na lagnat, lalo na kung madami ang rashes
- Pangangati ng rashes, kaya iwasan hanggat maaari ang pagkamot para hindi magkaroon ng infection
Mga dapat gawin kung may bulutong tubig ang bata
Paalala ng mga eksperto na lubhang nakakahawa ang chickenpox, kaya ihiwalay ang anak na maysakit sa isang kuwarto. Gawin ito lalo na kung may ibang bata sa bahay o di kaya may buntis at hindi pa nakakatanggap ng chickenpox vaccine.
Nakakahawa ang bulutong tubig dalawang araw bago pa magsulputan ang rashes hanggang matuyo ang mga ito. Maaaring maipasa ng maysakit ang virus sa ganitong mga paraan:
- Droplets mula sa pag-ubo o pagbahing
- Galing sa mucus o laway at fluid ng mga paltos
Base sa mga sintomas, malalaman mong may bulutong tubig ang iyong anak. Pero para makasiguro, payo ng mga eksperto na komunsulta sa doktor. Mainam ang telemedicine o online consultation para hindi na lumabas pa ng bahay ang bata. Magbibigay ng payo ang doktor kung anong gamot ang dapat mong ipainom sa anak.
Matutulungan mo pa ang anak na maibsan ang kanyang nararamdam kung gagawin mo ang mga ganitong home remedy, ayon sa Kids Health:
CONTINUE READING BELOWRecommended Videos- Dampian ng basa at malamig na bimpo ang katawan ng bata
- Bigyan ang bata ng sponge bath gamit ang maligamgam na tubig
- Subukan gamitin ang oatmeal soap para mabawasan ang pangangati ng katawan
- Iwasan ang pagkuskos sa balat ng bata habang pinapatuyo ito gamit ang tuwalya
- Pahiran ng calamine lotion ang mga makating parte ng katawan ng bata
- Siguraduhing maiksi ang mga kuko ng bata para hindi magsugat ang rashes kapag kinamot niya ang mga ito
- Subukang suutan ng mittens ang bata habang natutulog nang hindi mangamot
- Bigyan ang bata ng mga malamig at matabang na pagkain dahil hirap pa siyang ngumuya
- Iwasan ang pagbibigay ng maasim at maalat na pagkain
Paano maiwasan ang bulutong tubig
Nagkakaisa ang mga eksperto na chickenpox vaccine ang pinakamabisang panlaban sa bulutong tubig. Narito ang immunization schedule mula sa Philippine Pediatric Society (PPS) at Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines (PIDSP), katuwang ang Philippine Foundation for Vaccination (PFV):
- Dapat nakakatanggap ng dalawang dose ng chickenpox vaccine ang bata
- Ang unang dose ay sa pagitan ng mga edad 12 at 15 months
- Ang ikalawang dose ay sa pagitan ng mga edad 4 at 6 years
Ayon naman sa CDC, ang mga batang 13 years old pataas na hindi pa nagkakasakit ng bulutong tubig o nakakatanggap ng bakuna ay dapat makatanggap ng dalawang dose sa pagitan ng 28 na araw.
Nakakahawa Ang Bulutong Tubig, Kaya Ito Ang Payo Ng Mga Eksperto Para Makaiwas
Source: Progress Pinas
0 Comments