-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Kadalasang naririnig sa mga matatanda ang katagang lagnat laki, sabay pagwawalang-bahala sa kondisyon ng bata. Kaya marami ang nagtatanong kung may iba-iba bang klase ng lagnat at paano ang paggamot sa mga ito.
Ano ang lagnat laki?
Kilala sa sinaunang tawag na lagnat laki ang pagkakaroon ng lagnat na mababa lang (low-grade fever) o sinat, lalo na kapag lumalaki na ang bata. Pero ayon sa mga doktor, malamang na wala itong medical basis.
“Kasi lagnat laki is a layman term used sa sinat na sandali lang. Parang folklore lang,” sabi Dr. Ronald John Unico, isang general practitioner.
Dagdag naman ni Dr. Remy Tahil, isa pang general practitioner, “Fever is fever and every fever is our body’s reaction towards infection, may it be bacterial or viral cause.” Ibig sabihin, isa lang ang pagkakakila sa lagnat.
Tamang aksyon sa lagnat
Isang pangkaraniwang kondisyon ang lagnat at hindi ito sakit, bagkus sintomas ng kung anumang sakit. Ito ang sabi ni Dr. Luis P. Gatmaitan, na isa ring premyadong manunulat ng mga kuwentong pambata, tulad ng Nilalagnat Si Enat!
Nagbigay ng paliwanag si Dr. Gatmaitan sa dati niyang panayam sa SmartParenting.com.ph. Aniya, hindi na kailangang sundin ang turo ng mga matatanda na ikulob ang batang may lagnat para pagpawisan siya at bumaba ang temperatura ng katawan.
Imbes daw na ibalot ang bata sa makapal na kumot at isara ang mga bintana, maaaring painumin na lang ng “regular anti-fever medication,” gaya ng para saan ang paracetamol. Pareho rin daw ang epekto nito sa batang may lagnat.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWSang-ayon naman si Dr. Gatmaitan sa tradisyonal na gawaing paglalagay ng “bolsa de yelo” o basang bimpo sa noo ng batang nilalagnat. Dalasan pa raw ang paggawa nito kapag mataas ang lagnat. Makakatulong daw ito para makarating ang lamig sa hypothalamus, na siyang parte ng brain na responsable sa balanse ng temperatura sa katawan.
Bilin ni Dr. Gatmaitan na komunsulta sa doktor kung hindi humuhupa ang lagnat kahit binibigyan ng tamang dosage ng paracetamol ang bata. Dagdag pa diyan ang pagsulpot ng iba pang mga sintomas, gaya ng rashes at seizures. Tandaan din daw na sa mga sanggol na wala pang 3 months at may temperature na 38 degrees Centigrade pataas, ipatingin kaagad sa doktor.
Mga dapat tandaan kung may lagnat ang bata
May mga payo si Dr. Gatmaitan sa mga magulang at tagapangalaga ng batang nilalagnat:
- Huwag mataranta. Isipin mo na lang na lahat naman ng tao sa mundo ay nakaranas na ng lagnat.
- Alamin ang temperatura ng bata gamit ang thermometer.
- Bukas ang mga bintana sa lugar kung saan nakapirmi ang bata para pumasok ang hangin. Mahalaga na maayos ang daloy ng hangin sa lugar.
- Kung kaya na ng bata, sabihan siya na magsuot ng manipis lang na kasuotan. Mainam daw ang sando o iyong walang manggas at saka shorts o di kaya pajama pants.
- Bigyan ang bata ng manipis lang na kumot sakaling ginawin siya.
- Punas-punas na lang muna ng katawan ng bata o iyong sponge bath imbes na totoong ligo. Pero iwasan ang paglagay ng alcohol o di kaya suka sa tubig na gagamitin sa sponge bath. Giginawin daw ang bata dahil sa alcohol at mangangamoy naman siya dahil sa suka.
- Painumin lang ng paracetamol ang bata kada apat na oras kung nilalagnat pa rin siya.
- Komunsulta sa doktor para malaman kung ano talaga ang sanhi ng lagnat.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosIlan sa mga posibleng sanhi ng lagnat, ayon sa United Kingdom National Health Service (NHS), ang mga sumusunod:
- Upper respiratory tract infections (RTIs)
- Trangkaso (flu)
- Impeksyon sa tenga (ear infections)
- Roseola virus, na nagdudulot ng pagtaas ng temperatura at pagkakaroon ng rashes
- Pamamaga ng tonsils (tonsillitis)
- Problema sa bato (kidney) o di kaya urinary tract infections (UTIs)
- Mga pangkaraniwang sakit na pambata, gaya ng chickenpox at whooping cough
Puwede rin daw lagnatin, at hindi lang lagnat laki, ang bata kung katatanggap lang niya ng kailangan niyang bakuna. Isa pa kung masyadong makapal ang kanyang suot o di kaya ang kumot na gamit niya sa pagtulog.
Lagnat Laki Lang Nga Ba? Ito Ang Sabi Ng Mga Doktor
Source: Progress Pinas
0 Comments