Pwede Ba Na Maibalik Ang Gatas Ng Ina? Payo Ng Mga Eksperto Kung Desidido Ka Na

  • Tulad sa panganganak, iba-iba ang karanasan ng bawat nanay sa pagpapasuso o breastfeeding. Mayroong hindi nahirapan kaya tuloy-tuloy ang kanilang pagpapadede. Mayroon din naman masyadong nahirapan kaya tumitigil muna sa pagpapade hanggang handa na silang sumubok ulit. Gusto lang nilang malaman kung puwede pa ba at paano maibalik ang gatas ng ina.

    Posibleng magpadedeng muli, sabi ng birthing coach at childbirth educator na si Chiqui Brosas-Hahn. Nagbigay siya ng talk sa isang online event na dinaluhan ng SmartParenting.com.ph. Aniya, tinatawag ang prosesong ito bilang relactation.

    Sang-ayon ang marami pang mga eksperto, partikular sa hanay ng La Leche League International. Isa itong non-governmental at nonprofit organization na nago-organisa ng mga talakayan, pag-aaral, at pagsasanay na may kinalaman sa breastfeeding.

    Pangalawang pagkakataon na magbigay ng gatas ng ina

    Sinasabi ng La Leche advocates na relactation ang pangalawang pagkakataon para sa breastfeeding. Kadalasan daw kasing tumitigil ang mga nanay dahil nahihirapan sila o di kaya kulang sila sa kaalaman at suporta. Pero paglipas ng panahon, nagkakaroon sila ng panghihinayang sa kanilang desisyon.

    Bukod diyan, ayon pa sa mga eksperto, may iba pang mga rason. Marahil nawalay si mommy kay baby dahil sa pagkakasakit ng isa sa kanila, o di kaya isang medical emergency. Nang maging maayos ang lahat, gusto na ni mommy na balikan ang breastfeeding. Puwede rin namang kinailangang bumalik na sa trabaho si mommy, kaya nang maging maluwag na ang kanyang schedule, gusto na niyang magpadede ulit.

    Kuwento ng isang mommy noon sa SmartParenting.com.ph, two months old ang anak niyang dumedede ng formula milk nang magkasakit ito. Niresetahan ang sanggol ng antibiotics. Pero naisip ni mommy na mas mainam ang antibodies na hatid ng breast milk, na siyang magpapalakas ng immune system ni baby. Doon siya nagpasya na subukan ang relactation sa tulong ng mga kaibigan sa grupo ng breastfeeding advocates.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Nangyayari ang relactation kapag nagpasusong muli ang nanay, ayon sa What to Expect. Puwedeng maiksi lang ang pagitan, gaya ng ilang araw, at puwede ring umabot ng maraming linggo, buwan, at taon. Pero pansin nila na malaki ang tyansa ng relactation sa mga nanay na natigil lang saglit sa pagpapadede.

    Tips kung paano maibalik ang gatas ng ina

    Bagamat posible ang relactation, diin ng birthing coach at childbirth educator na nangangailangan ito ng “hard work.” Makakatulong din kung malusog ka, nakakakuha ng tamang pahinga, at sumusunod sa proper diet. Kung desidido ka, kailangan mo itong pagtrabahuan.

    Bilin ni Brosas-Hahn: “You need to stimulate the breast. So a pump would really help a lot to sustain the stimulation.”

    Isipin mo rin daw na nakasanayan na ng anak mo na dumede sa tsupon, kaya kailangan niya pang mag-adjust na sumuso sa iyo. Pero huwag ka panghinaan ng loob dahil makakahabol din si baby.

    Ikaw mismo makakaranas din ng paninibago sa breastfeeding, kaya mainam kung dadagdagan mo ang iyong kaalaman at hahanap ka ng support group para sa relactation. Kalaunan daw, magkakasundo kayo ni baby at magiging matumpay sa breastfeeding.

    May mga puwede ka pang gawin para maparami ang iyong milk supply, tulad ng malimit na pagpapadede at paggamit ng breast compression.

    Para sa malimit na pagpapadede, suhestiyon ng mga eksperto na bigyan mo ang anak ng gatas kada isa o dalawang oras. Dapat daw kasi nakakasuso ang sanggol nang hindi bababa sa 10 hanggang 12 beses sa loob ng 24 oras. Gawin mo ito hindi lang para mabusog si baby bagkus pati na rin makalinga siya.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Paghandaan mo lang daw ang pagpapadede sa gabi dahil maaaring pagod ka sa mga oras na iyan. Subukan mo rin daw ang “laid back breastfeeding positions” upang tumaas ang hormone levels na siyang responsable sa pagpapadami ng gatas ng ina.

    Pagdating naman sa breast compression, isa itong technique na magpapaenganyo kay baby na dumedede sa iyo at makakuha ng maraming gatas.

    Ganito raw ang gagawin mo: una, suportahan ang iyong suso sa isang kamay, kung saan ang hinlalaki ay nasa isang tagiliran at ang ibang mga daliri ay nasa kabilang tagiliran. Malalaman mong dumedede si baby nang husto kung gumagalaw ang kanyang panga hanggang sa bandang tenga.

    Hintayin na tumigil saglit si baby sa paglunok, at kunin ang pagkakataon na siksikin ang suso para dumami ang daloy ng gatas hanggang lumunok muli ang sanggol. Siguraduhin lang daw na pisiling mabuti ang suso habang dumedede si baby at saka mo alisin ang iyong kamay.

    Pagkatapos, paikutin ang iyong kamay sa paligid ng suso at hintayin na muling dumede nang husto si baby. Kung tumigil siya sa paglunok, ulitin mo lang daw ang mga naunang hakbang. Payo pa ng mga eksperto na huwag matakot mag-eksperimento kung paano maibalik ang gatas ng ina dahil darating ka rin doon.

    Basahin dito para sa benepisyo ng pagpapasuso at dito sa mga paraan ng pagpapasuso.

    What other parents are reading

Pwede Ba Na Maibalik Ang Gatas Ng Ina? Payo Ng Mga Eksperto Kung Desidido Ka Na
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments