Ano Ang Ibig Sabihin Kung Masakit Ang Puson, Parang Nadudumi Pero Walang Regla?

  • Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Karaniwang karanasan ng mga babae ang sakit sa puson. Kung minsan pa nga, idinaraing ng iba ang masakit na puson na parang natatae. Naranasan mo rin ba ito?

    Ayon sa ob-gyn na si Dr. Carol Taruc, ang pagsakit ay maaaring sa kaliwa, kanan, gitna, o sa buong puson. Puwede ring mild lamang o namimilipit ang pasyente sa sobrang sakit, may regla man o wala. Mayroong pagkakataong tuloy-tuloy ito o patigil-tigil, katulad ng dysmenorrhea na nararamdaman kasabay ng buwanang dalaw.

    Narito ang paliwanag kung bakit may pakiramdam na parang natatae kasabay ng masakit na puson.

    Period poop

    Bakit masakit ang puson at para kang natatae kapag may regla? Ang pagsakit ng parte ng babae kasabay ng buwanang dalaw ay kilala bilang dysmenorrhea o menstrual cramps. Kapag nagko-contract ang matris, mas nagiging madali ang pagkadurog at pag-expel sa lining nito.

    Prostaglandins ang tawag sa hormone-like substances na nakapagti-trigger sa pag-contract ng matris. Habang tumataas ang dami ng prostaglandins, mas nakararanas ng matinding pagsakit ng puson.

    Kapag mas maraming prostaglandins ang napo-produce ng iyong katawan, pumapasok din ang mga ito sa daloy ng iyong dugo at nagkakaroon ng magkaparehong epekto sa ibang muscles, tulad ng iyong bowels o bituka.

    Tandaan ding kapag may buwanang dalaw, mayroon ding pressure na nararamdaman sa iyong likod, balakang, at puwet. Pain relievers at pills ang karaniwang inirereseta ng mga doktor sa mga babaeng dumaranas ng dysmenorrhea.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Abnormal ang dysmenorrhea kung nakaaapekto na ito sa pang-araw-araw mong buhay at mga gawain.

    “Any period pain that interferes with your life is not normal,” paliwanag ni Dr. Joseph Stanford, fertility specialist mula sa University of Utah.

    Karaniwang naiibsan ang menstrual cramps sa paglipas ng panahon at kapag naranasan na ng isang babae ang manganak.

    Paano kung masakit ang puson sa mga araw na walang buwanang dalaw?

    Ano-ano ang iba pang posibleng mga dahilan ng pagsakit ng tiyan, lalo na sa bahagi ng puson? Alamin ang mahahalagang impormasyon mula sa mga eksperto!

    Kidney stones o mga bato

    May mga pagkakataong may nabubuong mga bato sa kidney. Kapag bumaba ang bato sa ureter, makararamdam ng matinding sakit sa puson, hita, at baywang ang pasyente. Kapag maiiwan ang bato sa urinary bladder, maaaring irekomenda ang pagpapaopera o surgery.

    Irritable bowel syndrome

    Ayon sa Johns Hopkins Medicine, isa ang irritable bowel syndrome o IBS sa mga dahilan ng pagsakit sa tiyan. Karaniwang nararanasan ito kapag katatapos mo pa lang kumain o kaya kapag ikaw ay stressed. Kasama sa sintomas ang pakiramdam na parang natatae.

    Gastroenteritis

    Kung mahilab ang iyong tiyan at nagtatae ka, posibleng gastroenteritis ito. Kadalasan, sa panis o maruming pagkain nagmumula ang impeksyon.

    Amoeobiasis

    Posibleng amoebiasis ang sanhi ng madalas na pagdumi, lalo na kung mayroong bahid ng dugo at sipon ang iyong inilalabas. Agad na kumunsulta sa doktor.

    Ectopic pregnancy

    Kung buntis ang babae, maaari ding sumakit ang puson niya dahil sa ectopic pregnancy. Nangyayari ito kapag nasa fallopian tube at wala sa bahay-bata o matris ang fertilized egg. Tinatawag din itong extrauterine pregnancy. Posibleng makararanas ng masakit na puson at parang natatae kapag ectopic ang pagbubuntis.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Urinary tract infection

    Ang ihi ay nanggagaling sa dalawang bato o kidneys. Sa ureters dumaraan ang ihi at naiipon sa pantog o urinary bladder. Makararamdam ng sakit sa puson kapag nagkaroon na ng impeksyon sa pantog or UTI. Posible ring makaramdam ng sakit sa balakang at hita, at maaaari ding magkaroon ng nana o dugo sa ihi.

    Endometriosis

    Isa sa pinakakaraniwang sintomas ng endometriosis ang dysmenorrhea. Ayon sa mga doktor, hindi pa rin malinaw ang pinagmumulan nito. Posible diumanong genetic ito o na-e-expose sa environmental factors ang dumaranas ng ganitong sakit.

    Ang endometrium, o lining sa loob ng matris, ay dapat na nagpapalit buwan-buwan. Mahalaga ito upang hindi magdikit-dikit ang bahay-bata.

    Nangyayari ang endometriosis kapag ang mga piraso ng endometrium ay tumutubo sa labas ng matris at napupunta sa iba pang pelvic organs. Karaniwang napupunta ito sa obaryo, fallopian tube, bituka, at posible ring sa baga, ayon sa mga eksperto.

    Kapag nagdikit-dikit ang mga bukol, sumasakit ang puson kapag nireregla, dumudumi, umiihi, at nakikipagtalik.

    Kapag ang mga tissue ay hindi nailalabas ng katawan, kumakapal ito at nagkakaroon ng mas maliliit pang mga bukol sa obaryo (ovarian cysts). Kapag napunta ang endometrium sa ibang organs tulad ng pelvic organs at baga, nata-trap ang mga ito at lumalaki nang wala sa tamang lugar. 

    Nagdudulot din ito ng matinding pagdurugo at maaaring magdulot ng pagkabaog. 
    Hindi ito madaling ma-diagnose at madalas na inaakalang irritable bowel syndrome lamang o premenstrual syndrome (PMS) lamang.

    Inirerekomenda ang ultrasound at laparoscopy upang makasiguro sa wastong gamutang kailangang ibigay sa pasyente. Tableta o hormones at opera ang karaniwang mga paraan ng gamutan para sa karamdamang ito.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Kung nakararanas ng masakit na puson na parang natatae, huwag matatakot na kumunsulta sa iyong doktor. Kapag matindi ang naidudulot na sakit, maaari itong makaapekto sa pang-araw-araw na gawain. Tandaang hindi dapat matakot dahil para ito sa ikabubuti ng kalusugan.

    Payo ng mga eksperto ang pagbisita sa ob-gyn upang makakuha ng wastong impormasyon at maiiwasan lumala ang anomang medikal na kondisyon.

    What other parents are reading

Ano Ang Ibig Sabihin Kung Masakit Ang Puson, Parang Nadudumi Pero Walang Regla?
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments