-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Sinasabing maselan ang mga mata, kaya kailangan ng ibayong pag-iingat lalo na sa mga bata. Makakatulong na alam mo ang gagawin kung biglang masakit ang mata ng anak mo.
Mga dahilan kung bakit masakit ang mata
Sa pagkakataong biglang umaray ang anak sabay hawak sa mga mata para kusutin ang mga ito, mainam na huwag munang mataranta. Mas makakatulong na tanungin muna ang bata kung anong nangyari nang malaman mo ang posibleng dahilan at anong dapat gawin.
Na-puwing
Kapag sinabi ng bata na nahanginan at may pumasok sa kanyang mata, malamang napuwing siya. Ganito ang dapat mong gawin, sabi ni Dr. Claire McCarthy, isang pediatrician para sa Harvard Health Publications: linisin ang mga mata ng anak gamit ang maraming tubig. Puwede rin daw ang contact lens solution kung meron ka sa bahay.
Siguraduhin lang daw na malinis din ang mga kamay mo bago tulungan hugasan ang mga mata ng anak. Pagkatapos, obserbahan kung magiging okay na ang pakiramdam ng bata at wala na ang pamumula sa kanyang mga mata.
Pero kapag patuloy na masakit ang mga mata at namumula pa ang mga ito, mainam daw na komunsulta sa doktor. Baka kasi hindi lang maliit na bagay ang dahilan ng puwing at mayroon nang pagdudurugo kaya apektado na ang paningin ng bata.
Sore eyes
Ang tinatawag ng mga Pinoy na sore eyes ay kilala rin bilang pink eyes at sa medical term nitong conjunctivitis. Bukod sa masakit ang mata, may ilang pang sintomas. Kabilang diyan ang pagmumuta, pagluluha, pamumula, at pangangati ng mata.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWKaraniwan na viral ang sanhi ng pagkakaroon ng conjunctivitis. Pero puwede rin naman na mula sa bacteria o allergy. Nakakahawa ang impkesyon sa mata na dulot ng bacterial at viral conjunctivitis kaya kailangan ng tamang paggamot (basahin dito).
Eye strain
Maaaring masakit ang mga mata ng anak dahil babad ang mga ito sa screen. Bukod kasi sa gadgets, nakatutok na rin ang mga bata sa laptop o tablet para sa kanilang remote learning. Kaya mainam na bigyan ng limitasyon ang screen time upang maipahinga ang mga mata.
Sikapin rin na maarawan ang anak dahil kailangan ang liwanag para sa kalusugan ng mga mata. Simula raw mangyari ang COVID-19 pandemic, dumadami na ang mga batang nagiging nearsighted dahil madalas nakapirme na lang sa bahay ang lahat. (Basahin dito).
Dry eyes
Ang dry eyes o ang panunuyo ng mga mata ay malimit na problema ng mga taong nagkakaedad dahil tumatanda rin ang mga mata. Pero sabi ni Dr. Frances Hope Yap, isang opthalmologist, ang iba pang sanhi ng dye eye ay may kinalaman sa environmental elements, lalo na ang:
- Hangin at humidity
- Medical conditions
- Hormonal imbalance
- Prolonged focused near vision activities (tulad ng pagbababad sa TV, computer, at gadget)
May mga bilin si Dr. Yap para mabawasan o maiwasan ang dry eyes sa mga bata:
- Ipahinga ang mga mata mula sa pagtutok sa screen
- Siguraduhin ang natural na pagkurap (blinking) para lubricated ang mga mata kada 15 seconds
- Iwasan na itapat ang mukha sa electric fan o air con para hindi malantad ang mga mata sa “direct evaporative elements”
- Tandaan ang 20-20-20 rule: Huminto sa paggamit ng computer o kaya gadget kada 20 minutes sa loob ng 20 seconds at tumingin sa malayo na may 20 feet na distansya.
- Siguraduhin na tama ang taas ng mesa at upuan para sa bata
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosPamamaga ng upper eyelid
Isa pang posibleng dahilan kung bakit masakit ang mata ng anak ay ang pamamaga ng talukap o upper eyelid. Nangyayari ito kapag nakagat ng insekto o di kaya nadikit sa isang bagay na allergic ang bata. Kadalasan, kusang gumagaling ito sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo.
Puwede ring tinubuan ng kuliti (stye) ang talukap kaya masakit ang mata ng bata. Ito iyong maliit na bukol at puno ng nana (pus) na parang tigyawat. Makakatulong na linisin ang kuliti hanggang pumutok ito at matanggal ang nana.
5 Kadalasang Dahilan Kung Bakit Masakit Ang Mata Ng Bata
Source: Progress Pinas
0 Comments