-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
May iba-ibang dahilan kung bakit masama ang lagay ng tiyan, kaya iba-iba rin ang tamang gawin para dito. Isa diyan ang gamot sa sinisikmura herbal na klase bilang unang hakbang sa nararamdamang hindi tama.
Ano ang pakiramdam ng sinisikmura?
Sinasabing sinisikmura kapag nakakaramdam ka ng pangangasim, pag-init, o di kaya paghapdi sa tiyan. Kadalasang sanhi ito ng sobrang stomach acid o hyperacidity, na ayon sa Merriam-Webster dictionary, ay “condition of containing more than the normal amount of acid.”
Lumalala ang kondisyon kapag ang stomach acid, umakyat pabalik sa dinaanan na nitong esophagus, o ang tubo na kumukonekta sa bibig at tiyan. Acid refluxang tawag sa ganyang pangyayari sa katawan. Makakaramdam ka ngayon ng pag-init sa may lalamunan, na heartburn kung tawagin. Puwedeng dumalas itong mangyari at tuluyang magkaroon ka ng gastroesophageal reflux disease (GERD).
Bukod sa heartburn, may iba pang sintomas na sangkot sa sinisikmurang pakiramdam, ayon sa mga eksperto:
- Panay na pagdighay na puwedeng may kasamang maasim na lasa
- Pagkahilo
- Pagbigat ng tiyan na tila hindi natunawan (indigestion)
- Pagkakaroon ng kabag
Narito ang mga posibleng dahilan kung bakit ka sinisikmura:
- Labis na pagpupuyat
- Sobrang stress
- Naparami ng pag kain at inom, lalo na iyong maasim
- Madalas malipasan ng gutom o di kaya maling oras ng pag kain
- Maling pag-inom ng anti-inflammatory drugs (aspirin at ilang klase ng pain relievers)
- Mabibigat o biglaang ehersisyo, gaya ng pagbubuhat at pagtakbo
- Biglang pagdagdag o pagbawas ng timbang
- Buntis, partikular sa second trimester
- Nalalapit na menopause
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWGamot sa sinisikmura
May over-the-counter medication para sa sinisikmurang pakiramdam at iba pang sintomas ng acid reflux, tulad ng heartburn, ayon sa Mayo Clinic. Kabilang diyan ang antacid, na bumalanse ang stomach acid, para sa madaliang remedyo.
Para naman sa mas matagalang ginhawa, puwede raw subukan ang H-2-receptor antagonists (H2RAs), pati na ang proton pump inhibitors, gaya ng lansoprazole (Prevacid 24HR) at omeprazole (Nexium 24HR, Prilosec OTC).
Payo pa ng mga eksperto na baguhin ang lifestyle, tulad ng pag kain nang tama at sa oras. Makakatulong din daw na bawasan ang stress at iwasan ang maling pagda-diet. Kung magpatuloy at lumubha ang karamdaman, mainam daw na komunsulta ka na sa doktor upang mabigyan ng tamang gamot sa sinisikmura.
Alin ang dapat at hindi dapat na herbal tea sa sinisikmura?
Kung paminsan-minsan ka lang sinisikmura at hindi naman grabe, puwede mo raw subukan ang home remedies. Isa diyan ang herbal tea. Pero ingat lang kasi hindi lahat ng herbal tea ay pare-pareho ang epekto sa tiyan.
Mint at peppermint tea
Kilala ang peppermint, noon pang sinaunang panahon, sa benepisyong hatid nito sa digestion at iba pang sistema sa katawan. Napapa-relax kasi ng peppermint oil ang smooth muscle cells na palibot ng gastrointestinal tract, ayon sa mga eksperto ng Harvard Medical School. Kaya mainam ang peppermint para sa irritable bowel syndrome (IBS) at indigestion.
Pero pagdating sa heartburn at GERD, hindi maganda ang epekto ng peppermint, sabi pa ng mga eksperto. Napapa-relax din kasi nito ang sphincter, na matatagpuan sa pagitan ng esophagus at stomach. Ang lower esophageal sphincter ang sanhi ng GERD at heartburn. Kaya dapat iwasan ang mint at peppermint tea kung sinisikmura.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosGinger tea
Pabor ang mga eksperto na uminom ng nilagang luya o salabat bago kumain. Mabisa daw kasi ang luya laban sa pananakit ng tiyan. Paliwanag ng mga eksperto ng Johns Hopkins Medicine na alkaline at anti-inflammatory ang luya kaya naiibsan nito ang iritasyon sa digestive tract. (Basahin dito ang iba pang benepisyo ng luya.)
Chamomile tea
Isa pang rekomendado ng mga eksperto ang pag-inom ng chamomile tea para mabalanse ang acidity level sa tiyan. Gawin daw ito 30 minutes hanggang 1 hour bago matulog. Makakabawas din ang chamomile tea ng stress level na isa pang rason kung bakit nagkakaroon ng heartburn.
Bukod sa gamot sa sinisikmura herbal na klase, may iba pang home remedy sa acid reflux. Kabilang diyan ang pag-inom ng cucumber water, aloe vera juice, at apple cider vinegar.
Chamomile Vs. Peppermint: Bakit Hindi Lahat Ng Herbal Tea Puwede Sa Sinisikmura
Source: Progress Pinas
0 Comments