Pinalayas Sa Bahay At Dating Palaboy, Iskolar Na Ngayon Sa Ateneo!

  • Bittersweet ang kuwento ng kabiguan at tagumpay sa buhay ng incoming college freshman na si Eugene Dela Cruz. Pero kung meron mang aral sa kuwento niya, ito ay ang huwag susuko sa buhay.

    Si Eugene ay isang iskolar at incoming freshman sa Ateneo de Manila University para sa kursong Bachelor of Science in Economics. Pumasa rin siya sa University of the Philippines-Los Baños at De La Salle University.

    Kamakailan ay nag-viral ang Facebook post ng binata na tubong Leyte. Noong August 5, 2021, naglunsad si Eugene ng panawagan niyang “Piso para sa Laptop, Piso Para sa Pangarap.”

    Sa mahabang post, kumakatok sa puso ng mga netizen ni Eugene para manghingi ng piso para makaipon ng pambili ng laptop sa pagsisimula ng kanyang online classes sa napiling unibersidad. Nabanggit dito ni Eugene kung paano na-scam ang inipon niyang pera pambili sana ng laptop.

    Naikuwento rin niya rito ang malungkot niyang nakaraan: mula sa paghihiwalay ng mga magulang, pagpapalayas sa kanya ng kanyang lola, at pamumuhay bilang palaboy.

    Inilahad din niya ang kanyang pagbangon at makamit ang highest honors sa high school sa Leyte. Ang makulay niyang kuwento ang dahilan para maitampok siya sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), noong Linggo, August 15, 2021.

    Eugene the honor student

    Nito lamang June, 2021, nakamit ni Eugene ang pinakamataas na karangalan bilang senior high sa Hilongos National Vocational School sa Leyte. Siya ang kauna-unahang graduate sa eskuwelahan na nakakuha ng 98 percent general average.

    Ani Eugene, ang lahat ng kanyang mga medalya ay umabot ng 150 dahil sa pagiging honor student. Pagmamalaki pa niya, nakakuha pa siya ng 100 na grade sa General Mathematics sa subject sa school.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Paglalarawan sa kanya ng guro na si Leilana Rubillos sa panayam ng KMJS, “Magaling, matalino, maasahan sa gawain, very diligent.”

    Para mapaghandaan ang kanyang pagkokolehiyo, nag-sideline si Eugene, gaya ng pagtu-tutor sa elementary students at students mula sa lower years para makapag-ipon ng pambili ng laptop. Lahad niya, “Naging mahalaga po yung bawat piso po na kikitain ko po, kasi alam ko po yung pakiramdam na talagang walang-wala po.”

    Nakaipon si Eugene at bibili na sana ng laptop via online selling. “Bibili na po sana ako ng laptop sa Facebook page, kasi chi-neck ko naman po yung reviews nila.”

    Hindi raw niya inasahan na masi-scam siya. “Lahat po ng pinag-ipunan ko mula September [2020] hanggang May [2021] po naglaho lang po na parang bula.”

    Naglayas at nagpalabuy-laboy

    Pero ang naranasan niyang scam ay maliit na bagay kumpara sa mabigat na pinagdaanan niya noong bata pa siya. Hindi maiwasan ni Eugene na maiyak nang balikan ang kanyang mapait na nakaraan.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    “Hindi ko po ine-expect na mapapalayas po ako, mamumuhay po ako sa kalye, na mawawalan po ako ng tirahan, ng pamilya. Natutulog na lang po ako sa ilalim ng tulay, sa gilid ng riles ng tren,” lahad niya.

    Natuto siyang manlimos at ng piso-piso niyang nakukuha ang pinambibili niya noon ng pandesal para laman tiyan mula umaga hanggang gabi.

    Sa kanyang Facebook post, binanggit ni Eugene na limang anyos pa lamang siya noong maghiwalay ang kanyang mga magulang. Inihabilin siya sa kanyang lola sa father’s side.

    Noong elementary, nagtapos siya ng Second Honorable Mention sa Gregorio Del Pilar Elementary School. “Nais ko itong ialay sa aking mga magulang upang ako’y mapansin — at mahalin,” bahagi ng post niya.

    Matapos daw magtapos sa elementary, makalipas lamang ang tatlong linggo ay pinalayas umano siya ng kanyang lola. Binanggit ni Eugene sa KMJS na hindi niya gusto ang pagpapalaki sa kanya ng kanyang lola, dahil sa pagpalo nito sa kanya gamit ang dos-por-dos, o kaya ay panungkit.

    Pero ang pinakamalaking dahilan daw ng pagpapalayas sa kanya ng kanyang lola ay dahil sa kanyang pagiging bakla. Napadpad umano sa Maynila si Eugene at dito na siya nanlimos at naging palaboy.

    Lahad ni Eugene sa kanyang Facebook post, “Nagpalipat-lipat ako ng tirahan at minsa’y nakaranas na rin na matulog sa kalye habang nanghihingi ng limos sa mga dumadaan para lamang makakain ng kahit isang pandesal na siyang magtatawid sa aking gutom para sa araw na iyon.”

    Pakiramdam ni Eugene ay naging malupit sa kanya ang kapalaran. Naiinggit daw siya kapag nakakakita ng mga batang may mga magulang at hindi kailangang manlimos para lang may makain.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Ang kuwento naman na ito ni Eugene ay pinatotohanan ng naging kaibigang si Pao Velasco, taga-Tondo. Ani ni Pao sa KMJS, “Naabutan ko siya noon natutulog siya sa bangkuan ng covered court. Maaawa ka sa kondisyon niya, sobra.

    “Yung dungis niya hindi mo mahalata pero nasa damit at nasa itsura niya na sobrang payat, na akala mo hindi na siya kumakain, parang laging pagod, walang masyadong tulog.”

    Hindi raw binabanggit ni Eugene ang tungkol sa panlilimos niya, pero napansin raw ito nina Pao dahil laging may maraming barya sa bulsa noon si Eugene. Ani ni Pao, “Nahalata lang namin kasi nagtataka kami, ‘Huy, bakit ang dami mong piso-piso?’ Kasi ang dami niyang barya lagi that time.”

    Found by his father

    Pagkalipas ng tatlong taon, natunton umano siya ng kanyang ama at pinauwi sa Hilongo, Leyte. Nagpa-enroll si Eugene sa Hilongos National Vocational School para ipagpatuloy ang pag-aaral.

    Lumipat sa Bicol ang kanyang ama, kaya nakitira si Eugene sa kapatid ng kanyang madrasta. Tinulungan rin si Eugene ng kanyang mga guro at classmates.

    Kuwento niya, “Ako’y muling naiwan, ngunit sa tulong ng aking mga guro, ng paaralan, at ng aking pagsisikap na mag-aral at sustentuhan ang aking sarili sa pamamagitan ng pagtututor at pagtuturo ng sayaw, naitaguyod ko ang aking sarili at nakapagtapos ng hayskul.”

    Dahil naman sa kanyang mataas na marka, nagkatanggap ng offer si Eugene ng scholarship sa mga kilalang paaralan sa Pilipinas.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Post niya: “Sa tulong ng aking mga marka, ako ri’y nabibiyayan ng full scholarship sa De La Salle University (BS Applied Economics [Ladderized] at Ateneo De Manila University (AB Economics [Honors]). Ako ri’y nakapasa sa University of the Philippines (Los Baños) sa parehong kurso (BS Economics).”

    At Ateneo nga ang napili niyang unibersidad.

    Sa kanyang Facebook post, binanggit ni Eugene na nangangamba siya kung maipagpapatuloy pa ang pag-aaral dahil sa kailangan niya ng laptop at Internet connection para sa pagsisimula ng kanyang college life. Sa kabila nito, naglakas-loob siyang ilunsad ang kanyang Facebook campaign na humingi ng “piso.”

    Post niya, “Ako ma’y nahihiyang manghingi ng tulong, tila aking kagustuhang makapagtapos ang siyang naguudyok sa akin na gawin ito para lamang makatulong sa aking pamilya sa hinaharap kahit na ganoon man ang aking naging karanasan dulot ng kanilang mga desisyon.

    “Kung kaya’t ako’y kumakatok sa inyong mga puso para sa anumang halaga na siyang makakatulong upang makalikom ako ng sapat na salapi upang makabili ng laptop para sa aking pag-aaral.”

    May mga nagmagandang loob at nagpadala ng tulong kay Eugene, pero hindi ito sapat para makabili ng laptop. Nag-iisip na nga raw si Eugene na ipagpaliban muna ang pag-aaral.

    Sa kabilang banda, dininig naman ang panawagan ni Eugene. Nakarating sa government office ng 5th District of Leyte ang kanyang post at pinagkalooban siya ng laptop.

    Pahayag ng umiiyak na si Eugene, “Hindi ko na po kailangang matigil ulit sa pag-aaral po, kasi pinaghirapan ko po talaga na umabot po sa ganitong buhay po.”

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Makakaasa naman ang lahat ng tumulong sa kanya na hindi niya sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa kanya. Mensahe naman niya sa mga kagaya niyang may pinagdadaanan:

    “Sa mga kapwa ko po estudyante na kumpleto man kayo sa resources, wag i-take for granted. And kung meron man tayong kulang kulang, ‘wag po taong mawawalan ng pag-asa.

    “Hindi naman po ‘yan sa kung ano man po yung wala tayo, pero sa kung anuman yung meron tayo.”

    This story originally appeared on Pep.ph.

    *Minor edits have been made by the SmartParenting.com.ph editors.

    What other parents are reading

Pinalayas Sa Bahay At Dating Palaboy, Iskolar Na Ngayon Sa Ateneo!
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments