-
May mga pamahiin tungkol sa pagbubuntis na pinaniniwalaan hanggang ngayon dahil sabi nga ng mga matatanda, wala namang mawawala kung susundin. Pero ang dapat talagang pakinggan ay ang payo ng mga doktor na bawal sa buntis.
Mga bawal sa buntis, ayon sa pamahiin
Marahil nasabihan ka ng nanay, biyenan, at iba pang nakakatandang kamag-anak tungkol sa mga paniniwalang naipasa sa kanila ng mga mas naunang henerasyon. Bagamat wala silang klarong eksplinasyon, maliwanag naman ang pag-aalala nila sa iyo at sa iyong pinagbubuntis.
Pagsusuot ng kuwintas
Hindi raw dapat nagsusuot ng kuwintas o di kaya nagbabalabal ng tuwalya sa leeg kapag buntis. Pupulupot daw kasi ang umbilical cord kay baby at makakaranas ng tinatawag na “cord coil.” Nangyayari talaga iyan, sabi ng mga eksperto, pero dahil sa madalas na paggalaw ni baby. Kaya sinusuri muna iyan ng iyong doktor bago mo iluwal ang anak.
Pagligo sa gabi
Kapag buntis ka raw at naligo sa gabi, o kahit uminom lang ng malamig ng tubig, sisipunin daw ang sanggol sa iyong sinapupunan. Ang totoo, sabi ng mga eksperto, hindi mararamdaman ni baby ang lamig dahil kontrolado ng amniotic fluid ang temperatura sa sinapupunan.
Pananahi o pagsusulsi
Kapag nahiligan mo raw manahi o kahit magsulsi man lang habang buntis, mahihirapan ka raw sa panganganak. Kaya mauuwi ka raw sa Cesarean delivery, at saka tatahiin.
Pag-iyak nang madalas
Kung panay daw ang iyak mo habang buntis, baka maging iyakin ang anak mo at biruin siyang ipinaglihi sa sama ng loob. Pero ibang usapan daw kung umiiyak ka dahil sa stress. May masamang epekto ang stress hindi lang buntis, pero sa lahat ng tao.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWPaghakbang sa asawa
Kapag nahakbangan mo ang asawa, halimbawa, habang nakahiga, makakaramdam din daw siya ng mga sintomas ng pagbubuntis. Pero malamang excited din lang siya sa magiging anak ninyo.
Mga bawal sa buntis, ayon sa mga doktor
Base naman sa science, may mga dapat kang iwasan para hindi mailagay sa alanganin ang iyong kalusugan at ang kalagayan ng iyong sanggol.
Laser treatment
Kung may balak kang ipagawa sa dermatological clinic, iwasan mo muna ang anumang klase ng laser treatments para sa mukha o di kaya bilang hair removal man. Ito ay ayon kay Dr. Eunicia Osoteo, na ispesyalista sa aesthetic dermatology. Aniya, bawal din ang karamihan sa mga injectable at minimally invasive aesthetic treatments.
Paliwanag ng dermatologist, “Kapag buntis, limitado lang ang puwedeng treatments kahit maraming lumalabas na skin issues secondary to pregnancy.”
Harsh ingredients sa balat
Sa paggamit ng beauty products at facial treatments, payo ni Dr. Osoteo na iwasan iyong may matapang na sangkap (harsh ingredients). Piliin daw iyong “gentle, all-natural, organic, at soothing.” (Basahin dito para sa beauty tips para sa mga buntis.)
Paninigarilyo
Kung smoker ka, panahon na para isuko ang iyong bisyo. Tataas kasi ang tyansa mong makaranas ng miscarriage, ayon sa United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC). Tataas din ang tyansa ng iyong baby sa birth defects, gaya ng cleft lip o cleft palate, pati na sa premature birth, low birth weight, at infant death.
Bukod sa mismong paninigarilyo at vaping, iwasan din ang exposure sa usok dahil second-hand smoking iyon. May panganib pa ring dulot ang nicotine, na isang harmful substance.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosPag-inom ng alak
Walang ligtas na dami ng alak, kahit pa tikim lang, para sa buntis, ayon pa rin sa CDC. Puwede raw magdulot ang alcoholic drinks kay baby ng abnormal facial features, pati na growth at central nervous system problems. Nariyan pa ang panganib ng Fetal Alcohol Spectrum Disorders (FASDs).
Ang mga batang may FASDs ay maaari raw magkaroon din ng:
- Hirap sa pagdede at pagtulog habang sanggol
- Problema sa coordination
- Mapurol na memorya
- Hirap maka-focus
- Pagkakaroon ng learning disabilities
- Hirap sa pag-aaral
- Delay sa pagsasalita at wika
- Mababang IQ
- Problema sa paningin at pandinig
- Sakit sa puso, buto, o di kaya sa bato
Pagkaing di luto
Habang buntis, mainam na iwasan muna ang pagkaing di luto (raw), tulad ng sashimi, ceviche, at kinilaw. Tataas kasi ang panganib mong tamaan ng listeriosis at toxoplasmosis, na maging sanhi ng seryoso at nakamamatay na sakit. (Basahin dito ang bawal kainin ng buntis at dito sa tamang pagkain para sa buntis.)
Litter Box
Kung may alaga kang pusa, bilin ni Dr. JoLyn Seitz ng Stanford Health, na iwasan mo muna ang paglilinis ng litter box. Napakarami raw kasing parasite ang nasa dumi ng pusa. Isa raw diyan, ang toxoplasma gondii, ang pinakamapanganib sa mga buntis. Maaari raw iyang magdulot ng miscarriage o di kaya stillbirth, at iba pang health problems kay baby kaya talagang bawal sa buntis.
Maraming Sabi-sabi Na Bawal Gawin Ng Buntis, Pero Ito Ang Sabi Ng Mga Doktor
Source: Progress Pinas
0 Comments