-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Bawat pagbubuntis ay natatangi o unique. Kaya kung naging madali ang pagbubuntis ng iyong kapatid o kaibigan, hindi garantisadong magiging madali rin ang sa iyo. Ang importante lang maging alerto sa maaaring mga sintomas ng maselang pagbubuntis.
Si Miriam Quiambao, halimbawa, parehong maselan ang dalawang beses niyang pagbubuntis: kay Elijah noong February 2019 at kay Ziki nitong July 2021. Pero magka-iba ang kanyang karanasan. Nagkaroon siya ng premature contractions sa una at subchorionic hemorrhage sa ikalawa.
Mabuti na lang at parehong nalampasan ni Miriam ang mga pagsubok at naipanganak niya nang ligtas ang mga anak nila ng asawang si Ardy Roberto.
Mga sintomas ng maselang pagbubuntis
Lahat ng mga buntis, pati na ang kanilang mga asawa at pamilya, ay kailangang maging maalam sa mga senyales na mapanganib ang kanilang kondisyon. Ito ay ayon sa Counselling for Maternal and Newborn Health Care: A Handbook for Building Skills na posted sa United States National Library of Medicine (NIH).
Ilan sa dapat bantayan ang tinatawag na “danger signs” habang buntis, tulad ng:
- Pagdudugo mula sa puwerta (vaginal bleeding)
- Kumbolsyon (convulsions/fits)
- Sobrang sakit ng ulo at panlalabo ng paningin (blurred vision)
- Sobrang panghihina kaya hindi makabangon sa kama
- Sobrang pananakit ng tiyan
- Mabilis o hirap na paghinga
- Mataas na lagnat
- Grabeng paghilab ng tiyan
- Masamang pakiramdam
- Pamamaga ng mga daliri at binti, maging ang mukha
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWKailangan din daw masabi kaagad ng buntis ang kanyang nararamdamang mga senyales upang matawag ang kanyang doktor o di kaya madala siya sa ospital.
Bakit nagkakaroon ng maselang pagbubuntis?
May dalawang dahilan kung bakit nagiging maselan o high risk ang pagbubuntis: kompromiso sa kalusugan ni mommy at kompromiso sa kalusugan ni baby. Ito ay ayon naman kay Dr. Maynila Domingo, isang obstetrician-gynecologist na ispesyalista sa maternal-fetal medicine, sa panayam niya dati sa SmartParenting.com.ph.
Paalala lang ni Dr. Domingo na hindi paniguradong mauuwi sa masamang kapalaran ang high risk pregnancy. Magagawan daw ng paraan para ligtas na makumpleto ang pagbubuntis at maayos na makapanganak.
Maaaring maging high risk pregnancy dahil sa ilang factors.
Pagbubuntis sa unang beses
Kapag nabuntis ka sa unang pagkakataon, naninibago ka nang lubos sa mga pagbabago sa iyong katawan. Dinidiskubre mo pa kung paano ang pagdadala ng sanggol sa sinapupunan. Baka may mga sintomas ng maselang pagbubuntis ka nang nararamdaman, pero hindi ka aware sa mga ito. Kaya kailangan ka talagang alalayan ng doktor.
Kung ikalawa o higit mo pa itong pagbubuntis, puwede pa ring maging high risk pregnancy, depende sa agwat sa nauna. Mainam daw kung hayaan mo munang magpalakas bago mabuntis ulit, siguro mga tatlong taon na pagitan, sabi ng doktor. Pero kung lampas limang taon na ang lumipas, baka mangalay ka sa pagbubuntis ulit tulad ng unang beses.
Pagkakaroon ng pre-existing medical condition
Kung bago ka mabuntis ay may iniinda ka ng sakit o kondisyon, mailalagay ka na sa high risk pregnancy. Kabilang diyan ang mga sumusunod:
CONTINUE READING BELOWRecommended Videos- Hypertension
- Diabetes
- Cancer
- Blood disease
- Epilepsy at iba pang neurological condition
- Mental health issue
- Reproductive health condition, tulad ng polycystic ovarian syndrome (PCOS)
Depende sa edad
Kapag nabuntis nang wala pang 18 years old o di kaya lampas 34 years old na, ilalagay ka na sa high risk pregnancy. Ang edad ni Miriam Quiambao na 43 sa unang beses ng pagbubuntis at 46 naman sa ikalawa ang isang dahilan kung bakit naging maselan ang kanyang pagbubuntis.
Pagkakaroon ng pregnancy complication
Habang buntis, maaari kang magkaroon ng kumplikasyon, gaya ng Antiphospholipid Antibody Syndrome (APS o APAS). Ito ang isa pang dahilan kung bakit naging maselan ang pagbubuntis ng dating beauty queen at actress.
Bukod sa APAS (basahin dito), ang iba pang immunological conditions ay pre-eclampsia, gestational diabetes, at thyroid problems na sumulpot habang buntis (basahin dito).
Pagbubuntis sa tulong ng siyensya
Kaung nabuntis ka sa pamamagitan ng assisted reproductive technology (ART), gaya ng in vitro fertilization (IVF), mailalagay ka na rin sa high risk pregnancy.
Pagbubuntis sa kambal o higit pa
Kung hindi lang isa ang sanggol sa sinapupunan mo (kadalasan twins o triplets), masasabing high risk pregnancy ka.
Pagkakaroon ni baby ng congenital condition
May ilang mga kondisyon na puwedeng magkaroon si baby. Kabilang diyan ang:
- Hydrocephaly
- Spina bifida
- Heart problems
- Chromosomal abnormalities, tulad ng Down syndrome
Kaya bilin ng doktor na ibayong ingat ang pairalin kung high risk pregnancy ka at maging alerto sa mga sintomas ng maselang pagbubuntis nang ligtas mong madala si baby hanggang mailuwal mo siya.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW
10 Sintomas Na Maselan Ang Pagbubuntis At Kailangan Maging Doble Ingat
Source: Progress Pinas
0 Comments