Sakit Sa Puso (Heart Disease)

  • Ang sakit sa puso o heart disease, na madalas ding tinatawag na cardiovascular disease (CVD), ay isang grupo ng mga sakit na nakaaapekto sa puso at sa mga blood vessel. Kasama na rito ang heart rhythm problems, mga congenital heart defect o mga sakit sa puso na na-develop habang nasa sinapupunan pa, at sakit sa mga muscle ng puso.

    Kadalasan, related ang sakit sa puso sa pamumuo ng taba sa loob ng mga artery na nagpapataas ng risk ng blood clot. Pero pwede rin naman na may link ang sakit sa puso ng isang tao sa ibang sakit sa kanyang mga organ, katulad ng utak, mga bato o kidney, at mga mata.

    Ang mga klase ng sakit sa puso

    Kasama sa mga main type o classification ng sakit sa puso ang mga sumusunod:

    Coronary Heart Disease

    Ang mga may coronary heart disease ay nababawasan o nahaharangan ang pagdaloy ng oxygen-rich blood papunta sa puso.

    Arrhythmia

    Ito ay ang pagkakaroon ng hindi normal na bilis na tibok ng puso. Pwedeng maging sobrang bilis o sobrang bagal ng heartbeat, at parehong kondisyon ay nagdudulot ng problema.

    Stroke at Transient Ischemic Attack

    Ang stroke ay isang kondisyon kung saan napuputol ang supply ng dugo papunta sa utak. Ang transient ischemic attack naman ay parang maliit na stroke kung saan sandali lang ang pagkaputol ng supply ng dugo sa utak.

    Aortic Disease

    Ang aortic disease ay isang grupo ng mga sakit na nakaaapekto sa aorta, ang pinakamalaking blood vessel sa katawan at siyang nagdadala ng dugo mula sa puso papunta sa iba-ibang bahagi ng katawan.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Maraming sintomas ang pwede ma-associate sa sakit sa puso, depende kung ano ang dahilan nito. Sa kabutihang palad, maraming klase ng heart disease ang pwede magamot o maiwasan sa pamamagitan ng healthy lifestyle habits.

    Iba’t-ibang characteristics at sintomas ng sakit sa puso

    Dahil maraming klase ng sakit sa puso, marami ring sintomas ang pwedeng maramdaman ng pasyente. Ganun pa man, ang pinakamadalas na senyales na meron kang sakit sa puso ay ang heart attack o kaya ay stroke.

    Kasama sa mga sintomas ng heart attack ang mga sumusunod:

    • pananakit ng dibdib, lalo na sa gitnang bahagi
    • pananakit ng panga, mga braso, kaliwang balikat, likod, at siko
    • kakapusan ng hininga
    • pagkahilo at pagsusuka
    • malamig na pawis

    Samantala, ang mga sumusunod ang karaniwang sintomas ng stroke:

    • panghihina o pamamanhid ng kaliwa o kanang bahagi mukha, braso, o binti
    • pagkalito
    • hirap sa pagsasalita
    • panlalabo ng paningin sa isa o parehong mata
    • hirap maglakad nang tuwid
    • pagkahilo o pagkawala ng balanse sa pagtayo o paglalakad
    • matinding pananakit ng ulo na hindi alam ang dahilan
    • pagkahimatay

    Samantala, heto naman ang iba-ibang mga sintomas ng sakit sa puso depende sa klase nito.

    Sintomas ng coronary heart disease

    Kadalasang sanhi ng coronary heart disease ay ang atherosclerosis, o iyong pamumuo ng fat sa mga artery. Madalas ay wala itong sintomas.

    Sa katunayan, may mga taong nada-diagnose lang na may coronary heart disease kapag inatake na sa puso o na-stroke na. Dahil dito, mas okay kung sasailalim sa regular checkup para maagang ma-diagnose at maagapan ang atherosclerosis.

    Kasama sa mga sintomas ng coronary heart disease ang:

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos
    • matinding pananakit ng dibdib (angina)
    • madalas at sobrang pagkapagod (fatigue)
    • kakapusan ng hininga
    • nausea o pagduduwal

    Pwede ring makaramdam ng pananakit o pamamanhid ng braso o hita dahil sa paninikip ng mga mga ugat sa mga bahaging ito.

    Karaniwan ding senyales ng coronary heart disease ang pananakit ng panga, leeg, lalamunan, itaas na bahagi ng tiyan (sa ilalim ng puso), at likod.

    Sintomas ng arrhythmia

    Kung meron kang sakit sa puso na dulot ng abnormal heartbeats o arrhythmia, mapapansin o mararamdaman mo ang sobrang bilis (tachycardia) o sobrang bagal (bradycardia) na pagtibok ng puso.

    Madalas ay may kasabay itong pananakit ng dibdib at pagkakapos ng hininga. Pwede ka ring makaranas ng madalas na pagkahilo o pagkahimatay. 

    Sintomas ng congenital heart disease o defects

    Mabilis malaman kung merong congenital heart defects ang isang kapapanganak ng baby. Isang indikasyon nito ang pagiging pale gray o blue ng kulay ng balat ng bata (cyanosis). Pwede ring mamaga ang paligid ng mga mata, tiyan, at legs. Posible rin na makaranas ng shortness of breath ang baby habang dumedede, na nauuwi sa poor weight gain.

    Kung hindi naman malubha ang congenital heart defect, pwedeng sa pagtanda na ma-diagnose ang sakit. Ganun man, makakaranas pa rin ang pasyente ng mga sumusunod na sintomas:

    • mabilis hingalin kapag nag-e-exercise
    • mabilis mapagod sa kahit anong strenuous physical activity
    • pamamanas ng mga kamay at paa 

    Sintomas ng valvular heart disease

    Merong apat na valve ang puso: ang aortic, mitral, pulmonary, at tricuspid valves. Bumubukas at sumasara ang mga ito para maging maayos ang pagdaloy ng dugo sa puso. Kapag nagkaroon ng problema ang mga valve na ito, pwedeng magkaroon ng mga issue katulad ng pag-leak ng dugo pabalik sa puso.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Depende sa kung anong valve ang na-damage o hindi gumagana nang maayos ang mararamdamang sintomas ng pasyente. Ang mga pinaka-common na senyales ay ang pagkapagod, kakapusan ng hininga, arrhythmia, at pamamaga ng mga paa at bukung-bukong (ankle). 

    Meron ding mga sakit sa puso katulad ng endocarditis na dulot ng infection. Madalas na may kasamang lagnat ang ganitong heart disease. Bukod dito, karaniwang sintomas din ang fatigue at arrhythmia. Pwede rin makaranas ng paulit-ulit na dry cough, rashes, at pamamaga ng tiyan o legs ang pasyente.

    Mga pwedeng gamot sa sakit sa puso

    Maraming pwedeng gawing treatment para sa sakit sa puso, depende sa klase at kung gaano ito kalala. Unang-unang pwedeng gawin ay lifestyle changes, na nire-recommend sa kahit sinong may sakit sa puso. Kasama sa mga lifestyle changes na ito ay ang pagkain ng diet na mababa sa sodium at fat at pagkain ng mas maraming prutas at gulay.

    Syempre, dapat din ay mag-exercise ng at least 30 minutes bawat araw at matulog ng pito hanggang walong oras gabi-gabi. Malaki rin ang maitutulong ng paghinto sa paninigarilyo at pagbabawas sa pag-inom ng alak.

    Kung hindi kayang daanin sa good lifestyle habits ang sakit sa puso, pwede rin mag-reseta ang doktor ng iba-ibang klase ng gamot. Kasama sa mga common na gamot na ibinibigay para ma-control ang sakit sa puso ang mga sumusunod:

    • anticoagulants na tinatawag ding blood thinners para maiwasan ang blood clots
    • ACE inhibitors para mapaganda ang daloy ng dugo
    • beta blockers para mapababa ang blood pressure
    • mga gamot na nagpapababa ng cholesterol
    • digitalis preparations para mapalakas ang contraction ng puso
    • vasodilators para ma-relax ang blood vessels at bumaba ang blood pressure
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Panghuli, kung hindi na madaan sa gamot ang sakit sa puso, merong mga surgical procedures na pwedeng gawin. Kasama na rito ang angioplasty, atherectomy, bypass surgery, cardiomyoplasty, at heart transplant.

    Tandaan lang na may mga pasyente na hindi pwedeng sumailalim sa mga ganitong operasyon, lalo na kung meron silang iba ang health condition kasabay ng sakit sa puso. Maayos na maipapaliwanag ito sa iyo ng doctor batay sa iyong heart disease.

    Mga sanhi at risk factor ng sakit sa puso

    Dahil maraming klase ng heart disease, marami rin itong posibleng sanhi. Kasama sa mga nangungunang dahilan ng pagkakaroon ng sakit sa puso ang atherosclerosis, diabetes, mataas na cholesterol, at high blood pressure. Pwede ring magdulot ng sakit sa puso ang paggamit ng illegal drugs, ganun din ang sobrang pag-inom ng alak at caffeine.

    Pagdating naman sa congenital heart disease o defect, nade-develop ito habang nasa sinapupunan pa ang baby. Kadalasan, nangyayari ito sa unang buwan ng pagbubuntis. Minsan din ay nakaka-apekto ang genes, mga sakit, o mga gamot na iniinom ng isang babae habang siya ay buntis sa pagkakaroon ng congenital heart disease o defect ng kanyang anak.

    Pwede ring makapasok ang mga bacteria, fungi, at virus sa puso na siyang nagdudulot ng heart infections.

    Kung mga risk factor naman ang pag-uusapan, mas mataas ang chance na magkaroon ng sakit sa puso ang mga taong:

    • may family history ng heart disease
    • may edad na, dahil humihihina na ang puso at mga blood vessel
    • malakas manigarilyo at uminom ng alak
    • may diabetes, high blood pressure, at high cholesterol
    • overweight o obese
    • hindi tama ang diet
    • may poor dental health
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Malakas din maka-contribute sa risk ng heart disease ang mataas na level ng stress. Ganun din, mas mataas ang chance na magkaroon ng sakit sa puso ang mga kalalakihan, lalo na sa pagtanda.

    Ayon sa mga pag-aaral, halos pareho lang ang risk ng mga babae at lalaki na magkaroon ng sakit sa puso kapag edad 20 to 59. Pagdating ng 60 years old, mas mataas na ang chance ng mga lalaki na magkaroon ng heart disease.

    Paano iwasan ang heart disease

    May mga pagkakataong hindi pwedeng maiwasan ang heart disease, lalo na kung congenital ito. Pero in general, madaling maiwasan ang sakit sa puso lalo na kung kumakain ka ng balanced diet at nag-e-exercise ng 30 minuto kada araw. Mas mabuti rin kung hindi ka naninigarilyo at hindi umiinom ng sobrang alak at caffeine. 

    Nakakatulong din sa pagpapababa ng risk na magkaroon ng sakit sa puso ang pagpapahinga. Humanap ng oras para gawin ang iyong mga hobby. Pwede ring magbakasyon muna o kaya ay mag-meditate.

    Mga komplikasyon ng heart disease

    Kapag hindi naagapan ang sakit sa puso, pwede itong magdulot ng mas malalang kondisyon, katulad ng nabanggit kanina na heart attack at stroke. Marami namang nakaka-survive nito, pero meron ding hindi pinapalad na tuluyang maka-recover.

    Bukod sa dalawang ito, marami pang pwedeng komplikasyon ang heart disease, kasama na ang mga sumusunod:

    Peripheral Arterial Disease

    Ito ang tawag kapag nagkakaroon ng blockage ang mga artery papunta sa mga braso, hita, at binti. Nagdudulot ito ng pananakit ng mga extremity habang kumikilos.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Heart Failure

    Nangyayari ang heart failure kapag hindi na nakakapag-pump ang puso ng sapat na dami ng dugo para sa buong katawan. Dahil dito, pwedeng maapektuhan ang ibang bahagi ng katawan at magkaroon ng ibang sakit katulad ng sakit sa liver at kidney. Umiikli rin ang buhay ng mga taong may heart failure.

    Cardiac Arrest

    Ang cardiac arrest ay ang biglaang pagtigil ng heart function at paghinga ng isang tao. Kapag nangyari ito, dalhin kaagad ang pasyente sa ospital para mabigyan ng tamang medical attention at maisalba ang buhay.

    Aneurysm

    Isa sa mga pinakaseryosong komplikasyon ng sakit sa puso ang aneurysm. Ito ay isang kondisyon kung saan meron umbok o bukol na namumuo sa arterial walls sa iyong katawan.

    Kapag pumutok ang aneurysm, pwede itong magdulot ng internal bleeding na pwedeng ikamatay. Kasama sa pinakamalalang kaso ng anuerysm ay ‘yung mga namumuo sa utak o cerebral aneurysm at aortic aneurysm.

    Sources:

    Mayo Clinic, NHSCenters for Disease Control and Prevention, Healthline, World Health Organization, American Hearth Association

    What other parents are reading

Post a Comment

0 Comments