‘May Insekto Sa Loob Ng Tenga Ng Anak Ko!’: Heto Ang Dapat Mong Gawin Nang Mabilis

  • Isa na siguro sa mga ikinakatakot ng mga magulang ay ang may pumasok na insekto o ano mang maliit na bagay sa bibig, ilong, at tenga ng mga anak nila.

    Kamakailan nga ay may mga kaso ng mga batang pinasok ng insekto ang tenga. Noong bata ako, naaalala kong nang mangyari ang ganito, ang sabi ng mga matatanda ay dapat bugahan ng usok ng sigarilyo ang tenga ng bata para kusang lumabas ang insekto.

    Pero ngayong nagbago na ang teknolohiya at mga gamit medikal at mabilis na rin ang access sa impormasyon, marami nang mas ligtas at epektibong paraan para alisin ang kung ano mang nakapasok sa tenga ng mga bata.

    Tinanong namin ang mga nanay sa aming Facebook group na Smart Parenting Village kung ano nga bang ginagawa nila kapag nangyayari ito.

    May ilang nagsabing nilalagyan nila ng pamatak sa tenga ang anak nila. Malimit, pagkatapos ng ilang minuto, lumalabas na rin kasama ng pamatak ang nakapasok na insekto.

    May mga nanay ding nag-invest sa ear pick na may ilaw para makita nila nang mabuti kung may nakapasok nga ba sa tenga at pwede nila itong tanggaling nang walang maaapektuhang bahagi ng tenga ng bata.

    Baby oil naman ang sikreto ng ibang nanay sa Village. Malimit daw ay isa hanggang dalawang patak lang ay sapat na. Kapag pinatulo ang baby oil palabas ng tenga, sumasama na rin ang ano mang insektong nakapasok sa loob.

    Sa mga pagkakataong hindi maalis ng mga nanay ang nakapasok sa tenga, agad nilang dinadala sa emergency room ang mga anak nila para medical professionals ang maingat na makapag-alis ng ano mang nakapasok.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Paano ko malalamang may nakapasok o nakabara sa tenga ng anak ko

    Kwento ng mga nanay sa Village, mayroon sa mga anak nila ang nagreklamo na masyadong makati ang tenga nila o ‘di naman kaya ay hirap silang makarinig.

    Sa mga nanay sa Village na sanggol pa ang anak, idinetalye nila na bigla na lang daw umiiyak ang anak nila.

    Sabi ng mga eksperto, kung hindi mo makita ang insekto o bagay na nakabara sa tenga ng anak mo, tignan mo ang labas at daanan. Mapapansin mo ang mga sumusunod:

    • Pamumula
    • Pamamaga
    • Pagkakaroon ng discharge na maaaring may kasamang nana (pus) o dugo

    Mapapansin mo ring kamot nang kamot ang anak mo sa tenga niya. Maaaring tanda na ito na mayroong insekto o ano mang bagay sa loob.

    Paano alisin ang insektong nakapasok sa loob ng tenga ng anak ko?

    Huwag mag-panic

    Nakakatakot mang isiping may nakapasok na insekto sa tenga ng anak mo, kailangan mo pa ring maging kalmado. Kapag kasi nag-panic ka, maaaring matakot at mag-panic din ang anak mo.

    Huwag gumamit ng mga cotton swabs

    Maaari kasi nitong mas maitulak papasok ang ano mang nakabara sa tenga ng anak. Payo ng mga eksperto, marahang hilahin ang tenga ng anak mo palikod. Sa ganitong paraan, didiretso ang ear canal.

    Saka mo marahang iyugyog ang ulo ng anak mo para maalis ang nakabara. Huwag na huwag pukpukin o tuktukin ang ulo ng bata.

    Gumamit ng baby oil o vegetable oil

    Kung nakikita mong buhay at gumagalaw ang insekto sa loob, malaki ang maitutulong ng baby oil o vegetable oil—ano man ang mayroon sa bahay ninyo. Papatayin ng oil ang insekto at aagos ito palabas ng tenga.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Gumamit ng maligamgam na tubig sa syringe

    Kung tingin mo naman ay patay na ang insektong nakabara sa tenga ng anak mo, pwede kang gumamit ng syringe na may maligamgam na tubig. Mabisa ito para ma-iflush ang insekto palabas.

    Kung hindi mo mapalabas ang insekto sa pamamagitan ng mga payong ito, mainam na dalhin agad ang anak mo sa doktor.

    Ingatang huwag niyang maipit o madaganan ang tenga niya para hindi lalong pumasok sa loob ang nakabara.

    Paano maiiwasang pasukin ng insekto ang tenga ng anak ko?

    • Panatilihing malinis ang mga sofa o kama sa bahay
    • Huwag kumain sa kama para hindi mag-imbita ng langgam at iba pang insekto
    • Regular na linisin ang tenga ng anak ninyo

    Naranasan niyo na bang may nakapasok na insekto sa tenga ng anak ninyo? Paano ninyo ito natanggal? I-share ang ginamit ninyong technique sa comment section. Pwede rin kayong sumali sa aming Facebook group na Smart Parenting Village.

    What other parents are reading

Post a Comment

0 Comments