-
Oktubre ngayong taon nang lumabas ang balitang isang labindalawang gulang na bata ang namatay dahil sa severe lice infestation.
Dahil dito, nahaharap sa mga kasong second-degree murder at second-degree child cruelty ang kanyang mga magulang.
Kamakailan naman ay may mga nanay sa aming Facebook group na Smart Parenting Village ang nagtanong kung pwede bang magkakuto ang bata kahit walang may kuto sa bahay.
Ano nga ba ang head lice o kuto?
Ito ang mga maliliit na insektong namamahay sa anit ng isang tao at nabubuhay sa pamamagitan ng pagsipsip ng dugo.
Ayon sa Mayo Clinic, malimit na mga bata ang nagkakaroon nito. Mabilis itong kumalat dahil madali lang mailipat ang kuto mula sa buhok ng isang bata papunta sa iba.
Paano mahahawa ng kuto ang anak ko?
Common misconception tungkol sa pagkakaroon ng kuto na dahil ito sa poor personal hygiene. Kahit sino, ano man ang antas sa buhay ay maaaring magkaroon nito.
Kumakalat ito sa pamamagitan ng close personal contact. Mahahawa ang anak mo kung didikit ang ulo o buhok niya sa ibang tao o kapwa bata na may kuto.
Paano kung wala namang may kuto sa bahay ninyo at wala naman siyang nakakahalubilong may kuto? Maaaring nagamit ng taong may kuto ang suklay, brush, twalya, o sumbrero niya.
Sa ilang pagkakataon, maaaring gumapang ang kuto sa damit at umakyat sa anit.
Hindi nakakalipad ang kuto kaya hindi ito maaaring lumipad mula sa ibang bahay papunta sa inyo. Hindi rin nabubuhay ang kuto ng higit sa isang araw kung wala itong makakain.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWPaano ko maiiwasang magkakuto ang anak ko?
Ugaliing huwag ipahiram ang mga gamit ng anak mo sa kung kani-kanino. Kung hindi naman maiiwasang i-share o pagsaluhan ang mga gamit, siguraduhing lilinisin mo muna ito bago ipagamit sa anak mo o sa iyo.
Kailangang may kanya-kanya kayong gamit sa pamilya. Kanya-kanya dapat ng twalya, suklay, sumbrero, at hair accessories.
Isampay ang mga twalya o damit nang hiwalay sa mga kapitbahay hanggat maaari.
Paano ko magagamot ang kuto ng anak ko?
Kung sakali namang magkaroon ng kuto ang anak mo, huwag kang magpanic. Unang kailangan mong gawin ay bumili ng lice comb o suyod.
Mabisa itong pantanggal ng mga lisa o iyong mga itlog at palaki pa lang na kuto sa ulo ng anak mo.
Kung may nakahalubilong iba ang anak mo at may suspetsya kang may maaari siyang mahawa ng kuto, suklayin mo lang ng suyod ang ulo niya araw-araw sa loob ng tatlong linggo.
Pwede mo ring gawin ang tinatawag na wet-combing. I-spray mo lang ng conditioner ang basang buhok ng anak mo saka mo ito suklayin ng suyod.
Mas matagal lang itong gawin kaysa sa pagsusuyod sa tuyong buhok, ngunit epektibo ito. Maginhawa rin ito lalo na kung makati na ang ulo ng anak mo.
Kung hindi naman ito gumana, pwede mong i-suffocate ang kuto gamit ang olive oil o almond oil—alin man ang mayroon kayo sa bahay.
Ipahid lang ito sa buhok ng anak mo at saka ito sukalayin nang suklayin gamit ang suyod. Pagkatapos suklayin ang buhok ng anak mo, hugasan ito gamit ang shampoo niya.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosHuwag kalimutang banlawan ang suklay o suyod na ginamit mo para wala nang iba pang mahawa. Labhan mo ring mabuti ang gagamitin ninyong twalya.
Ibabad muna ito sa 10% bleach solution at tubig sa loob ng 30 minutes.
Maaari rin kayong kumonsulta sa doktor dahil may mga prescription medications at shampoo na ngayon na nakakatulong para magamot ang kuto ng anak mo.
—
Mayroon ka bang mga techniques para hindi magkaroon ng kuto ang anak mo? I-share mo na iyan sa comments section.
Pwede ka ring sumali sa aming Facebook group na Smart Parenting Village.
0 Comments