Endometriosis – Sanhi at Sintomas

  • Ang endometriosis ay isang uri ng reproductive disorder sa mga kababaihan kung saan may tissue na kapareho ng endometrium — ang tissue na nagsisilbing lining sa loob ng uterus o matris — na tumutubo sa labas ng uterus.

    Madalas nangyayari ang endometriosis sa ovaries at fallopian tubes, pero pwede rin itong mapunta sa vagina, cervix, vulva, pantog o bladder, at maging sa puwetan. Meron ding mga rare na kaso ng endometriosis na may tumutubong tissue sa mga intestine, balat, lungs, at pati na rin sa utak.

    Sa mga babaeng walang endometriosis, kapag na-break down na ang endometrium, lumalabas ito sa katawan kasabay ng menstruation.

    Pero kapag merong endometriosis, walang paraan o daanan para makalabas ang na-break down na tissue. Ito ang nagdudulot ng pananakit ng puson at heavy menstrual bleeding sa mga pasyente. Madalas, nahihirapan ding mabuntis ang mga babaeng may endometriosis.

    Karamihan sa mga nagkakaroon ng endometriosis ay mga babaeng tumuntong na sa reproductive age. Sa katunayan, halos walang kaso ng endometriosis sa mga batang babae na hindi pa dinadatnan ng kanilang firstperiod.

    Hanggang ngayon, hindi pa alam ng mga scientist ang tunay na dahilan kung bakit nagkakaroon ng endometriosis ang isang babae, kaya naman wala pa talagang gamot para sa sakit na to.

    Ganun pa man, maraming treatment option para sa mga sintomas. Maliban sa mga pain reliever, pwede rin sumailalim sa hormone therapy at surgery ang mga babaeng may endometriosis.

    Iba’t-ibang characteristics at sintomas ng endometriosis

    Ang pinakakaraniwang sintomas ng endometriosis ay pananakit ng puson, tiyan, at lower back. May mga babae na karaniwang may dysmenorrhea at menstrual cramps kapag may regla. Sa kaso ng endometriosis, mas matindi ang sakit at cramps na nararanasan. Minsan, dahil sa intense pain, hindi na ito kayang tiisin at hindi na makakilos ang pasyente.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Ang iba pang sintomas ng endometriosis ay ang mga sumusunod:

    • sobrang lakas na flow ng menstruation
    • intermenstrual bleeding o pagdurugo sa pagitan ng bawat menstrual cycle
    • pananakit kasabay o pagkatapos ng sexual intercourse
    • infertility at iba pang issue sa pagbubuntis

    Meron ding mga babaeng may endometriosis na nakakaranas ng diarrhea, constipation, bloating, at pagkahilo o pagsusuka kasabay ng kanilang period. Minsan ay nahihirapan din silang umihi o dumumi.

    May apat na stages o degrees ang endometriosis: minimal, mild, moderate, at severe. Nakadepende ito sa kung gaano karami, kalaki, at saang bahagi ng katawan tumubo ang mga endometrial implants.

    Kung mapapansin, hindi kasama sa factors ang level of pain na nararamdaman ng pasyente. Ito ay dahil pwedeng wala kang maramdamang kahit anong sakit o sintomas kahit na meron kang severe endometriosis. Pwede ring makaramdam ka ng matinding sakit kahit na mild lang ang kaso ng endometriosis.

    Dapat ding tandaan na minsan ay napapagkamalang pelvic inflammatory disease (PID), ovarian cysts, o di kaya ay irritable bowel syndrome (IBS) ang endometriosis. Ito ay dahil maraming magkakaparehong sintomas ang mga sakit na ito, lalo na ang pelvic at abdominal pain. 

    Kaya naman importante ang regular na pagpapakonsulta sa doktor para malaman kung meron kang sakit (endometriosis man ito o hindi) at para magamot ito nang maayos.

    Mga pwedeng gamot sa endometriosis 

    Dahil wala pang siguradong dahilan ang endometriosis, wala pa ring gamot para sa kondisyong ito. Sa ngayon, ang magagawa ng mga doktor ay magreseta ng gamot o magrekomenda ng procedures para ma-manage ang mga sintomas.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Ilan sa mga posibleng treatment para sa endometriosis ang mga sumusunod:

    Pain relievers

    Kung nakakaranas ka ng severe pain kasabay ng iyong endometriosis, pwede kang bigyan ng pain relievers para mabawasan ang pananakit. Madalas ay OTC o over-the-counter lang ang mga gamot na ito, katulad ng ibuprofen o naproxen sodium. Kung kailangan ng mas mataas na dosage, kailangan mo na ng prescription.

    Hormonal contraceptives

    May mga ingredients ang birth control pills at iba pang hormonal contraceptives na kayang pigilan ang pamumuo ng endometrial tissue. Dahil dito, nababawasan ang sakit na nararamdaman ng pasyente.

    Progestin therapy

    Ginagamit ang progestin para sa birth control at menopausal hormone therapy. Nagagawa ng progestin na pigilan ang menstruation, pati na rin ang pamumuo ng endometrial implants.

    Gonadotropin-releasing hormone (Gn-RH) agonists at antagonists

    Kapag uminom ka ng ganitong klaseng gamot, makaka-experience ka ng artificial menopause. Ito ay dahil pinipigilan ng mga gamot na ito ang production ng estrogen. Dahil dito, hindi ka na dadatnan ng iyong monthly period at mababawasan na ang mga sintomas ng endometriosis na nararamdaman mo.

    Fertility treatments

    Para sa mga babaeng gustong mabuntis pero may mild case ng endometriosis, pwedeng maging effective ang fertility treatments katulad ng ovary stimulation. Pwede ring solusyon ang in vitro fertilization.

    Conservative surgery

    Sa operasyong ito, tinatanggal ng mga doktor ang endometrial implant. Nakakatulong ito para mabawasan ang sakit at mapataas ang chances na mabuntis.

    Hysterectomy

    Ang hysterectomy ay isang procedure kung saan tinatanggal na nang tuluyan ang uterus at ovaries. Kapag ginawa ito, hindi ka na magkaka-menstruation at hindi ka na rin pwedeng mabuntis. Kaya lang, hindi masyadong inirerekomenda ang hysterectomy sa mga babaeng wala pang 35 years old.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Kung may balak ka pang magka-anak in the future, mas magandang sumailalim sa conservative surgery o fertility treatments. Kung hindi naman, mas magandang sumailalim sa hormone therapy o hysterectomy.

    Tandaan lang na merong side effects ang mga hormonal treatments at surgery sa katawan kaya dapat na mag-usap kayo nang masinsinan ng iyong doktor para malaman kung ano talaga ang mas bagay na treatment.

    Mga sanhi at risk factor ng endometriosis

    Kagaya ng nabanggit kanina, hindi pa talaga alam ng experts kung ano ang eksaktong dahilan ng endometriosis, pero meron nang mga theory na patuloy pang nire-research.

    Isa sa mga pinakasikat na theory ay ang tinatawag na retrograde menstruation. Ito ay isang bodily process kung saan sa halip na lumabas ang menstrual blood ay bumabalik ito paakyat sa uterus.

    Meron ding ibang theory na nagsasabing may mga hormones na nagdudulot ng transformation ng cells sa labas ng uterus para maging katulad ng endometrium. Ang ibang researchers naman ay naniniwalang immune system disorder ang dahilan ng endometriosis.

    Isang sikat na theory din ang tinatawag na surgical scar implantation. Ito ay isang kondisyon kung saan kumakapit ang endometrial cells sa peklat pagkatapos ng isang operasyon sa tiyan katulad ng cesarean section. Ang isa pang tawag sa kondisyong ito ay abdominal wall endometriosis.

    Madalas na nagsisimulang mabuo ang endometrial implants ilang taon pagkatapos datnan ng first period ang isang babae. Dagdag pa diyan, merong mga bagay na nagpapataas ng risk na magkaroon ng endometriosis ang isang babae. Ilang lamang ang mga sumusunod sa mga risk factor na dapat tandaan:

    • Madalas na nagkakaroon ng endometriosis ang mga babaeng edad 25 hanggang 40.
    • Kung meron sa pamilya mo na merong endometriosis, mas mataas ang chance na magkaroon ka rin nito.
    • Kung maaga kang nag-menstruate o kung late ka nang nag-menopause.
    • Kung less than 27 days ang iyong menstrual cycle.
    • Kung hindi ka pa nabubuntis.
    • Kung mas mataas ang level ng estrogen sa iyong katawan.
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Maiiwasan ba ang endometriosis?

    Sa kasamaang palad, hindi talagang maiiwasan ang pagkakaroon ng endometriosis. Ang good news naman ay meron kang magagawa para mabawasan ang risk na magkaroon nito. Heto ang ilang tips:

    • Mag-exercise para bumaba ang body fat percentage at para bumaba din ang estrogen levels sa katawan.
    • Kung walang balak magka-anak, humingi ng payo sa doktor kung ano ang hormonal birth control method na bagay sa iyo.
    • Umiwas sa pag-inom ng maraming alak, dahil napapataas ng alcohol ang estrogen. Kung iinom, huwag lalagpas sa one drink per day na recommendation.
    • Umiwas sa pag-inom ng mga inuming mataas sa caffeine. Katulad ng alcohol, napapataas ng caffeine ang estrogen levels.

    Iba’t-ibang uri ng endometriosis 

    Bukod sa stages ng endometriosis, meron din itong iba-ibang uri: ang peritoneal superficial endometriosis, ovarian endometriomas, at deep infiltrating endometriosis (DIE).

    Ang peritoneal superficial endometriosis ang pinaka-mild sa tatlo. Ito ay isang kondisyon kung saan namumuo ang endometrial tissues sa peritoneum, ang manipis na membrane o lining na nakapalibot sa tiyan.

    Ang ovarian endometriomas ay tinatawag din paminsan-minsan na chocolate cysts dahil sa dark brown na kulay ng mga namumuong tissue. Pwedeng tumubo ang mga cyst na ito sa iba-ibang parte ng tiyan at reproductive system, pero pinakakaraniwan ito sa mga ovary kaya ovarian endometriomas ang itinawag dito.

    Ang DIE naman ang pinaka-rare at pinakamalalang klase ng endometriosis. Ayon sa records, nangyayari lang ang DIE sa 1% hanggang 5% lang na kaso ng endometriosis.

    Kapag merong DIE ang pasyente, ibig sabihin nito ay kumalat na ang endometrial tissue sa ibang organs, katulad ng bladder at mga bituka. Sa pinakamalalang sitwasyon, nagkakaroon ng tinatawag na frozen pelvis ang pasyente dahil nagkadikit-dikit na ang mga organ.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Sources:

    Mayo Clinic, Healthline, UCLA Health, Women’s Health, Johns Hopkins Medicine, NIH.gov

    What other parents are reading

Post a Comment

0 Comments