Bago Ipahilot Ang Bata, Alamin Muna Kung Anong Klaseng Pilay Meron Siya

  • Kapag naaksidente ang bata, tulad ng pagkahulog sa hagdan o pagkadapa habang naglalaro, at saka nilagnat, kadalasang ipinapahilot sa matanda dahil baka raw may pilay.

    Pero, babala ni Dr. Ronald John Unico, isang general practitioner, nararapat na alamin muna ng magulang kung anong klaseng pilay meron ang anak. Aniya, “Sa kulturang Pilipino, madalas nababanggit ang salitang ‘pilay’ kapag ang bata ay nagkakalagnat.”

    Paliwanag ni Dr. Unico sa SmartParenting.com.ph: “Maaaring ito ay isang sprain lamang, kung saan ang mga muscles at ligaments ng buto o joints ang naapektuhan ng pagkahulog. Madalas na dinadala sa manghihilot ang bata upang ipahilot ang pilay.”

    Diin pa niya, “Ito ay hindi nirerekomenda ng mga doktor dahil kapag tunay na may pilay o fracture ang bata, mas lalo itong lalala kapag hinilot. Maaaring ma-displace ang fracture dahil sa hilot. Mas mainam na sa doktor muna magpakonsulta upang malaman kung ito ba ay tunay na pilay o fracture, o di kaya sprain lamang.”

    Pilay na sprain lamang

    Ang kadalasang napupuruhan ng sprain ay ang bukong-bukong o ankle, ayon sa Mayo Clinic. Napipinsala rito ang bands of tissue na kumukonekta sa dalawang buto. Iba rin ito sa strain, kung saan napipinsala ang muscle naman o di kaya ang band of tissue na nakakabit sa muscle at buto.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Ito ang mga karaniwang sintomas ng sprain:

    • Pananakit ng apektadong parte ng katawan
    • Pamamaga at pagkakaroon ng pasa
    • Pagiging limitado ng galaw
    • Pakiramdam o pagkarinig ng “pop” sa joint nang maaksidente

    Kapag may sprain ang iyong anak, siguraduhin na nagpapahinga siya. Lapatan ng ice pack ang apektadong parte ng katawan, at pagkatapos, bigyan ng compression at elevation.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Pero kapag hindi umubra ang home remedy at hindi na maigalaw ng bata ang apektadong parte ng kanyang katawan, mainam na dalhin na siya sa doktor. Baka kasi hindi lang masabi ng bata na direkta sa buto ang sakit na nararamdaman niya kaya may pamamanhid na rin sa apektadong parte ng kanyang katawan.

    Pilay na fractured bone na pala

    Paliwanag ni Dr. Unico na ang pilay sa medical term na “fracture” ay pagkabali ng buto ang ibig sabihin. Maging alerto raw sa mga ganitong senyales:

    • May history ng pagkalaglag o pagkabangga ang bata
    • May pamamaga, kirot, o sakit sa apektadong parte ng katawan
    • Hindi maigalaw ang parte na may pilay

    Mga dapat gawin ng magulang

    Kapag nakita ng magulang o sino mang nakakatanda na nahulog o nadulas ang bata, bilin ni Dr. Unico na huwag kaagad galawin o buhatin ito sa puwesto. Tingnan muna nang mabuti kung ano ang mga parte ng katawan na tinamaan.

    Kung may pilay o masakit na parte raw, siguruhin na hindi ito magagalaw nang todo. Sikapin na dahan-dahan ang pagbuhat sa bata. Maaaring lagyan ng “splint”o brace ang parteng may pilay para hindi magalaw. Hangga’t maaari raw ay dalhin agad sa doktor upang ma-assess ang pilay at magamot nang wasto.

    Dapat ding malaman ng mga magulang ang pagkakaiba ng mga buto ng bata sa nakakatanda, ayon sa Boston Children’s Hospital. Mas flexible ang growing bones ng mga bata, kaya nagkakaroon sila ng kakaiba o unique fracture patterns. Ito ang dahilan kung bakit minsan ay hindi pantay ang bali sa kanilang buto.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Isa pa raw na pagkakaiba sa mga buto ng mga bata ay ang pagkakaroon ng “vulnerable growth plates.” Matatagpuan ang mga ito sa mga malalambot na bahagi ng cartilage sa dulo ng mga buto. Ang mga ito rin ang kadalasang apektado kapag napilay ang bata at baka dalhin niya pa hanggang paglaki.

    Ang magandang balita, sabi ng mga eksperto, mas madaling maghilom ang pinsalang dulot ng pilay sa mga bata. Makapal pa raw kasi ang kanilang connective tissue na kung tawagin ay periosteum. Nagiging manipis daw ito sa paglipas ng panahon at pagtanda ng isang tao.

    May dagdag namang paalala si Dr. Unico sa mga magulang: “Upang makaiwas sa pilay ang mga bata, laging gawing ligtas ang paligid sa mga maaaring makadulot ng pagkadulas or pagkahulog. Huwag pabayaan ang maliliit na bata maglaro nang mag-isa.”

    What other parents are reading

Post a Comment

0 Comments