-
Kapag nakaupo si baby sa high chair, walang mintis na isa-isa niyang itatapon ang ibibigay mong pagkain o kung ano pang mahawakan niya. Siyempre, pupulutin mo naman ang kalat. Kaso lang, paulit-ulit itong nangyayari kaya hindi imposibleng mapagod o mainis ka.
Bakit ito ginagawa ni baby?
May paliwanag si Dr. Sarah Berger, isang psychologist, sa artikulo ni Lizzie Goodman para sa The Everymom. Sabi ng doktor, na namumuno sa Child Development Lab sa College of Staten Island sa New York, U.S.A., para raw “little scientists” ang mga baby na dinidiskubre ang kanilang sariling mundo.
Kaya kapag nakaupo si baby sa high chair at nagtatapon ng pagkain, malamang daw sinusubukan niyang maintindihan ang “cause and effect relationships.” Ganito raw siguro ang tumatakbo sa isip ni baby: “Anong mangyayari kapag tinapon ko ito? Mahuhulog kaya? Tatalamsik kaya? Magagalit kaya si mommy?”
Kung ano man ang magiging resulta, ayon pa kay Dr. Berger, magiging “interesting” kay baby, kahit pa umani ito ng “emotional reactions” mula kay mommy. Basta raw para kay baby, “all done” na siya.
Sabi naman ni Johanlie de Bruin, isang occupational therapist, sa parehong artikulo, hindi lang laro ang habol ng mga batang nagtatapon ng pagkain mula sa high chair. Mas interesado daw sila sa “exploration,” kaya habang nilalaro nila ang pagkain, inaaral din nila ang amoy, kulay, at itsura ng mga ito.
May dagdag na paliwanag si Dr. Amy Nasamran, isang licensed child psychologist at founder ng Atlas Psychology, sa artikulo pa rin. Aniya, isang paraan ni baby ang pagtatapon ng pagkain para mahasa ang kanyang motor skills. Sinasanay din daw ni baby ang control ng kanyang mga daliri at kamay.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWAnong puwede mong gawin?
Wala ka raw magagawa para tumigil si baby sa pagtatapon ng pagkain, sagot ng mga eksperto. Hindi raw talaga titigil ang babies, kahit pa toddlers, sa kanilang “little research studies” na talaga namang nakakasubok ng pasensya. Bahagi raw iyan ng sistema para sila matuto at lumago.
Pero may pag-asa raw na maayos mo ang sitwasyon. Ang payo ni Dr. Berger, subukan mo na ibaling ang atensyon at reaksyon palayo sa pagtatapon ng pagkain ni baby. Kailangan mo lang talagang mag-isip ng iba pang paraan upang hindi sa oras ng pagkain gawin ng anak ang “explorative play.” May katagalan nga lang daw ang pagbunga ng ganyang paraan.
Para sa older toddlers, “embracing natural consequences” ang suhestiyon ni Devon Kuntzman, isang toddler parenting coach at founder ng Transforming Toddlerhood. Aniya sa artikulo, puwede mong sabihan ang anak na tumulong sa paglilinis ng kinalat na pagkain. Pero gawin mo raw ito hindi bilang parusa sa maling gawain ng anak bagkus paraan para makatulong sa kanyang “growth and learning.”
Higit sa lahat, kailangan mo raw maging mahinahon kapag nagtatapon ng pagkain ang anak. Imbes daw na nakatuon ang atensyon mo sa panghihinayang sa nasayang na pagkain, mas bigyan pansin ang gustong sabihin ni baby. Doon daw kayo magkakaroon ng komunikasyon. (Basahin dito para sa iba pang tips.)
CONTINUE READING BELOWRecommended Videos
May Dahilan Kung Bakit Nagtatapon Ng Pagkain Si Baby Kapag Nakaupo Sa High Chair
Source: Progress Pinas
0 Comments