-
Para sa mga kababaihan, karaniwang tumatagal ang menstruation ng ilang araw. Pero may mga pagkakataon na mapapaisip na lang na parang hindi na normal ang dami at tindi ng daloy ng dugo. Kaya marami ang nagtatanong kung kailan dapat mabahala dahil sa malakas na regla.
Mga dapat bantayan sa malakas na regla
May sagot si Dr. Aubrey Seneris, isang obstetrician-gynecologist, sa tanong ng mga kababaihan. Aniya, ito ang mga palatandaan na hindi mo dapat bale-walain:
- Buo-buo ang lumalabas na regla
- Kada dalawang oras, nagpapalit ng napkin dahil tinatagusan
Ang ibig sabihin daw ng mga senyales na iyan, sabi ng doktora, higit pa sa 80 cc o lampas 5 tablespoons ng dugo ang nawawala sa iyo. Malaki ang posibilidad na heavy bleeder ka nga talaga.
Ayon naman sa Mayo Clinic, menorrhagia ang medical term para sa menstrual period na hindi normal ang lakas at tagal. Sanhi ito ng ilang factors, tulad ng:
- Hormonal imbalance
- Dysfunction of the ovaries
- Uterine fibroids
- Polyps
- Adenomyosis
- Intra-uterine device (IUD)
- Pregnancy complications
- Cancer
- Inherited bleeding disorders
- Other medical conditions (liver, kidney)
Malakas na regla dahil sa hormonal imbalance
Nagbigay ng paliwanag si Dr. Seneris tungkol sa hormonal imbalance bilang isa sa common causes ng pagiging heavy bleeder. Kapag daw ang katawan ng isang babae ay gumagawa ng estrogen na labis sa kanyang pangangailangan, nagugulo ang balanse ng kanyang sistema. Tinatawag na hyperestrogenism ang ganyang kondisyon.
Ang nangyayari, sabi pa ng doktora, pinapakapal ng sobrang estrogen ang paligid ng matris (uterine lining o endometrium), at hindi maganda ang epekto nito sa kalusugan ng pasyente.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWAniya, “Ang matris natin, parang kuweba. So every month , may grass na lumalago sa kuweba. So ’yung grass ay ‘yung endometrium. So pag di ka nagme-menstruate every month, hindi siya nalalagas. Kakapal siya nang kakapal until such time na hindi na siya kayang i-carry ng matris mo.”
Kaya mahalaga raw na magpatingin sa doktor, lalo na sa ob-gyn, upang malaman kung hormonal imbalance o may iba pang sanhi ng malakas ng regla. Makikita sa ultrasound, halimbawa, ang lagay ng iyong matris. Nakakabahala raw kung may makapal na pumapaligid sa matris o ang tinatawag na thickened endometrium.
“Pag ganyan,” babala ni Dr. Seneris sa pasyente, “nagiging prone sa cancer kapag hindi naaayos ang menstruation.” Sa loob daw ng tatlo hanggang limang taon na walang gamutan, maaaring mabuo ang endometrial cancer.
Iyan din daw ang iniiwasan sa mga pasyente naman ng polycystic ovarian syndrome (PCOS). Kaya karaniwang nireresetahan sila ng contraceptive pills para maging regular ang kanilang menstruation at maiwasan ang pagkapal ng endometrium.
Paano magagamot ang malakas na regla
Kapag napatunayan sa ultrasound na mayroon ngang thickened endometrium, sabi ni Dr. Seneris, kailangang bigyan na ng medical management ang pasyente. Importante raw kasi na hindi lang mapigilan ang pagkapal ng endometrium bagkus mapanipis pa ito hanggang sa normal na antas.
Dagdag ng doktora na walang home remedies para sa thickened endometrium. Pero makakatulong daw kung sisikapin ng pasyente na magbawas ng timbang sa pamamagitan ng tamang diet at exercise. Ang taba raw kasi sa katawan ay sanhi rin sa pagtaas ng estrogen level.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosMagandang ideya rin daw ang pag-inom ng oral supplement na ferrous sulfate upang masiguro ang supply ng iron sa katawan ng pasyenteng malakas ang regla. Isang paraan daw iyan para makaiwas sa sa sakit na anemia naman.
Paliwanag pa ni Dr. Seneris na pagkatapos ng oral medication ng pasyente, kailangan nitong sumailalim muli sa ultrasound. Kapag hindi nakuha sa gamot ang thickened endometrium, nararapat nang iraspa ang pasyete at kunan ng biopsy upang malaman kung may nabuo ng cancer cells.
Kaya bilin ng doktora, huwag bale-walain ang malakas na regla. Baka kasi mayroon ka nang thickened endometrium at hindi raw dapat iyan magtagal sa matris nang hindi na tumuloy pa sa cancer.
Bilin Ng Ob-Gyn, Huwag Bale-walain Ang Malakas Na Regla
Source: Progress Pinas
0 Comments