Kapag Nabukulan Sa Ulo Ang Bata, Ito Ang Tamang Gawin, Sabi Ng Pedia

  • Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Natural sa mga bata, lalo na kung toddler, ang hindi mapirmi sa isang puwesto. Takbo diyan, takbo doon. Akyat sa upuan, mesa, at pati na sa hagdan. Kaya hindi rin maiiwasan na madapa, mauntog, o di kaya mahulog. Kailangan lang alam ng magulang at tagapangalaga ang gagawin, halimbawa, bilang gamot sa bukol sa ulo.

    Mga dapat malaman sa bukol sa ulo ng bata

    Natural din sa mga magulang at tagapangalaga na mag-alala sa tuwing matatamaan ang ulo ng bata kapag naglalaro. Pero sabi ni Dr. John Atkinson sa artikulo sa Mayo Clinic, bihira itong magresulta sa seryosong pinsala.

    Paliwanag ni Dr. Atkinson, ang anit at noo ay sagana sa blood supply. Sakaling napinsala ang mga parteng iyon ng katawan, magkakaroon ng pagdudugo sa ilalim ng balat. Kung sa isang lugar lang ang pagdudugo, magkakaroon ng pasa at pamamaga, na tinatawag na hematoma.

    Paalala pa ni Dr. Atkinson na malaki ang pamamaga kahit maliit lang ang bukol. Idagdag pa diyan ang bilis at lakas ng pagkakauntog, pati na kung saan nauntog ang bata.

    Anong dapat gawin bilang gamot sa bukol sa ulo

    Una sa lahat, bilin ng mga doktor, iwasan na mag-panic at baka lalong matakot ang bata sa nangyari sa kanya. Kadalasang yelo at yakap lang ang katapat niyan, pahayag ni Dr. Claire McCarthy sa Harvard Health Publications.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    May tip naman si Dr. Faith Buenaventura-Alcazaren, isang pediatrician, na ibinahagi sa dati niyang panayam sa SmartParenting.com.ph. Imbes daw na buong yelo na binalutan sa tuwalya ang ilapat sa bukol bilang cold compress, maglagay na lang ng tubig-yelo sa resealable plastic bag at iyon ang ilapat sa bukol. Mas tolerable raw iyon para sa bata.

    Makakatulong din daw kung sasabihan mo ang bata na ipatong ang ulo sa mas mataas na bagay habang binibigyan siya ng cold compress. Hayaan lang daw ang cold compress sa loob ng 10 minuto. Pagkatapos, ulitin ito ng ilang beses hanggang maibsan ang pamamaga at pananakit ng bukol.

    Kailan dapat mag-alala sa bukol sa ulo

    Payo ng mga pediatrician na obserbahan ang iyong anak. Kung walang senyales ng seryosong pinsala maliban sa simpleng bukol at walang pagbabago sa sigla ng bata, malamang mild lang ito at hindi na kailangan pang dalhin sa ospital.

    Pero kung hindi lang simpleng bukol at may kalakihan ito, mainam daw na komunsulta sa doktor. May pagkakataon kasi, paliwanag ni Dr. Atkinson, na maaaring magdulot ang untog sa ulo ng pagdudugo sa paligid ng utak. Ang ganyang klase raw ng pagdudugo ay sanhi ng intracranial hematoma, na isang seryosong kondisyong nagbibigay ng pressure sa brain.

    Samantala, ayon sa mga pediatrician, kailangan ng emergency medical care kung may ganitong mga senyales ang bata:

    • Biglang pagkalito o di kaya tuluyang nawalan ng malay
    • Sobrang pananakit ng ulo, at gumagrabe pa
    • Hindi kayang ibalanse ang sarili
    • Puwersahang pagsusuka
    • Pagbago-bago ng mood, pero madalas iritable
    • Kapag nakatulog, mahirap gisingin
    • Nangingisay ang mga braso at binti
    • Kung may bukol pati ang mata, o di kaya may pamumula at hirap igalaw
    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Paano gawing mas ligtas ang bahay

    May mga paraan na puwede kang gawin sa bahay para bumaba ang tyansa na maaksidente ang anak at hindi na kailanganin ang gamot sa bukol sa ulo. Nagbahagi ng ilang halimbawa ang interior decorator na si  Marilen Faustino Montenegro sa dati niyang panayam sa SmartParenting.com.ph. Kabilang diyan ang mga sumusunod:

    • Ayusin ang bahay mula sa perspective ng bata
    • Sikaping malinis at maayos ang bahay
    • Siguraduhin na matatag ang pagkakasandal ng mga free-standing bookshelf at dresser sa dingding
    • Ilagay ang mga mapanganib na mga bagay sa lugar na hindi maaabot ng bata
    • Magtalaga ng lugar sa bahay para sa paglalaro
    What other parents are reading

Kapag Nabukulan Sa Ulo Ang Bata, Ito Ang Tamang Gawin, Sabi Ng Pedia
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments