Hindi Gamot Sa Napasong Balat Ni Baby Ang Lotion, Sabi Ng Pedia

  • Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Minsan, kahit anong ingat mo sa anak, nangyayari talaga ang aksidente. Ang mahalaga lang, alam mo kung ano ang dapat gawin, tulad ng pagbibigay ng tamang gamot sa napasong balat ng bata.

    Mga dapat malaman kapag napaso ang bata

    Dahil manipis pa ang balat ng mga bata, madali itong mapaso kapag nadikit sa kahit anong bagay na mainit. Nagbigay ng mga halimbawa si Dr. Sylvia Bernardino, isang pediatrician, sa dati niyang panayam sa SmartParenting.com.ph.

    Aniya, marami sa mga kaso ng paso sa bata na dinadala sa kanya para magamot ay sanhi ng pag-init ng tubig pangligo. Kadalasan raw kasing hindi sinasadyang masagi at matumba ang takore. Kaya tumatapon ang mainit na tubig at nababanlian ang baby. May mga pagkakataon din na makakalimutang itapon ang mainit na tubig sa sterilizer, at nagiging mitsa ito ng pagkapaso ng nangangalikot na toddler.

    May tatlong uri ng paso (burn), ayon naman sa mga eksperto ng American Academy of Pediatrics. Paliwanag nila na nagdedepende sa uri ng paso ang ibibigay na lunas at gamot.

    First degree

    May pamumula ng balat, pero walang pagpapaltos. May konti ring pagkirot na parang sa sunburn.

    Second degree

    May pagkalapnos ng balat, iyong outer layer, kung saan napinsala ang ilang parte ng dermis. Ramdam ang kirot at puwedeng magdulot ng paltos.

    Third degree

    May pagkasunog sa balat, o di kaya mamumutla ito. Apektado nang husto ang dalawang top layers ng balat: ang epidermis at dermis. Hindi na maibabalik sa dati ang itsura ng nasunog na balat.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Gamot sa napasong balat

    Payo ng mga eksperto na makakatulong ang maagap na pagkilos kapag napaso ang balat ng bata at bigyan siya ng first aid.

    Para sa first degree o minor burn:

    • Gawan ng cold compress gamit ang yelo o malamig na bote na binalot sa tuyalya, at saka ilapat sa apektadong parte ng katawan.
    • Dalhin ang bata sa may gripo at paagusan mula dito ang malamig na tubig sa apektadong parte ng katawan. Gawin ito sa loob ng 10 minuto o di kaya hanggang maibsan ang pagkirot.
    • Kung higit sa 20 percent ng katawan ng bata ang napaso, balutan ang apektadong parte gamit ang tuyong tuwalya para maputol ang init.

    Para sa second degree burn:

    • Huwag putukin ang mga paltos sa napasong balat, sabi ni Dr. Bernardino. Tataas daw ang posibilidad na magkaroon lalo ng infection. Hayaan lang daw na kusang pumutok ang mga paltos.
    • Dalhin ang bata sa may gripo at paagusan mula dito ang malamig na tubig sa napasong balat sa loob ng 10 minuto.

    Para sa third degree burn:

    • Dalhin kaagad ang bata sa doktor o di kaya sa ospital para maagapan ang fluid loss.

    Sa anumang uri ng paso, tandaan ang mga sumusunod:

    • Huwag pahiran ang napasong balat gamit ang lotion, ointment, o di kaya cream
    • Huwag bendahan ang napasong balat gamit ang adhesive bandage
    • Huwag hawakan at putukin ang mga paltos

    Bilin din ng mga eksperto na kapag de kuryenteng bagay ang sanhi ng pagkapaso, kaagad na dalhin sa ospital ang bata para mabigyan ng medical attention. Dagdag pa diyan ang mga ganitong senyales:

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos
    • Sunog na balat
    • Makunat na balat (leathery skin)
    • Nawalan ng pakiramdam sa balat
    • Kahit anong paltos at pamamaga sa napasong balat na mas malaki pa sa kamay ng bata

    Mga paraan para makaiwas sa pagkapaso ng balat

    Makakatulong ang ilang hakbang para makaiwas sa aksidenteng magdudulot ng pagkapaso. Kabilang diyan ang mga sumusunod:

    • Sikapin na huwag ilagay ang tokore, kahit na wala na itong laman na mainit na tubig, sa mga daanan sa bahay. Sa ganyang paraan, maiiwasan itong mabunggo o masagi ng bata.
    • Kapag nagluluto, siguraduhing mas malapit sa iyo ang hawakan ng kaldero para hindi ito makatama sa makakasalubong mo.
    • Siguraduhing nakatali ang electrical cords at ilagay sa lugar na hindi abot ng bata para hindi makuryente at hanapan ng gamot sa napasong balat.
    What other parents are reading

Hindi Gamot Sa Napasong Balat Ni Baby Ang Lotion, Sabi Ng Pedia
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments