-
Ayon sa mga eksperto, isa sa mga common habits na nade-develop sa mga bata ang nail biting. Sa katunayan, tinatayang 30% hanggang 60% ng mga bata ang gumagawa nito.
Madalas na nahihinto rin ang habit na ito. Ngunit kung hindi aagapan, maaari madala ng anak sa kanilang pagtanda at magdulot ng hindi magandang epekto sa kanilang kalusugan.
Isinangguni ng isang magulang sa aming Facebook group na Smart Parenting Village ang napapansing madalas na pagkagat ng 2-year-old na anak sa kanyang kuko sa kamay at paa. Dagdag pa ng mommy, hindi na raw nila nagugupitan ng kuko ang anak dahil lagi na itong napupudpud.
Ilang mommy rin ang nagbahagi ng nail biting experience ng kanilang mga anak
“Umabot sa punto na natanggalan sya ng kuko sa hinalalaki noong 1 year old sya. Ni-real talk ko nung 2 years old sya at pinakitaan ko ng mga pictures sa internet ng mga sirang kuko. Ayun, effective naman, di na sya umulit,” kwento ni mommy Rachell.
“Same with my 3-years-old baby girl, kuko nya sa kamay ang madalas nyang ngatngatin. Ang hirap niya bawalan, worried din ako. Mukhang naging mannerism nya na kasi. Hindi nya mapigilan. Ngayon tina-try ko siyang kausapin na ‘wag nya nang kagat-kagatin kuko nya,” kwento rin ng isa pang mommy.
Pero bakit nga ba kinakagat ng mga bata ang kanilang mga kuko at ano ang dapat gawin upang mapigilan ito?
Mga sanhi ng nail biting
Maraming maaaring dahilan kung bakit napagdidiskitahan ng anak na ngatngatin ang kanilang mga kuko sa kamay maging sa paa. Ayon sa pediatrics expert na si Dr. Cindy Gellner, tatlo ang madalas na rason sa likod ng nail biting:
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW- Pagkabagot o boredom – maaaring ginagawa itong libangan ng bata.
- Stress – ginagamit itong relaxant ng bata tuwing may hindi magandang nararamdaman.
- Nagagaya mula sa nakikita sa iba – maaaring nakopya ito ng bata mula sa iba.
Masamang epekto ng nail biting sa kalusugan
Bukod sa hindi magandang itsura ng kuko, may masama ring dulot ang palagiang nail biting sa mga bata. Una ay hindi ito hygienic at maaaring makakuha ng germs ang bata. Ito’y lalo kung aktibo ang bata at kung saan-saan naihahawak ang kamay.
Pangalawa, ang hindi rin maayos na nail-trimming bunsod ng pagkagat sa kuko ay maaari ring magdulot ng permanent nail damage.
Paano pipigilan ang nail biting?
Hindi kaaya-ayang tingnan ang batang nagkukutkot o kinakagat ang kanilang kuko. Madalas nakakainis ito para sa magulang ngunit paalala ni Dr. Gellner, hindi makakatulong kung paparusahan at papagalitan ang anak. Aniya mainam na alamin ng magulang ang sanhi ng nakagawiang pagkagat sa kuko ng anak. Bored ba o stressed ang anak? May iba bang kasama sa bahay ginagawa ito?
Narito pa ang anim na tips kung papaano matutulungan ang anak na mahinto sa nail biting. Mula ito sa nasiyasat nang article ng pediatric nurse na si Carissa Stephens, R.N.:
Simulan ang mahinahon na diskusyon
Para sa ibang toddlers, hindi nila napapansing nagiging habit na pala nila ang pagkagat sa kanilang kuko. Mainam na sabihin ito nang mahinahon sa anak at ipaliwanag kung bakit dapat itong ihinto. Siguruhin din na natuturuan ang anak tungkol sa proper hygiene.
Panatilihing malinis at well-trimmed ang kuko
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosBukod sa wala nang makakagat ang anak, naiiwasan ding maipon ang dumi at germs sa kuko kung nalilinisan at nagugupitan ito nang maayos.
Paggamit ng code
Imbes na sabihan ang anak na tigilan ang pagkagat sa kuko maaaring gumamit ng “code” o ibang phrase bilang senyales sa anak na nagagawa nanaman nito ang habit na nail biting.
Magbigay ng alternative
Panatilihing busy ang kamay ng bata sa pagbibigay ng ibang bagay tulad ng rubber balls o di kaya’y malambot na tela na maaaring hawakan at magbigay ng sense of comfort.
Magbigay ng reward
Nakikita rin makakatulong ang positive reinforment at pagbibigay ng reward sa bawat araw na hindi niya kinakagat ang kaniyang kuko.
Bigyan ang anak ng ibang activities
Kung bagot o boredom ang dahilan kung sa habit na nail biting ng anak, sikapin na maglaan ng oras upang magabayan siya sa ibang activities tulad ng pagguhit, pagkulay, o paglalaro.
Kung hindi talaga makakatulong ang mga nabanggit, huwag mag-atubiling komunsulta sa doktor o pediatrician sa maaaring gawin o kung dapat na bang gumamit ng bite-averting nail polish.
Mayroon ka rin bang nais isangguni tungkol sa health ng iyong anak? Sumali sa diskusyon sa aming Facebook page na Smart Parenting.
Pudpud Na Ang Kuko Ng Anak Ko! Tips Para Matigil Ang Nail Biting
Source: Progress Pinas
0 Comments