-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Kapag sinabing katarata sa mata, malamang matandang nabubulag ang papasok sa isip mo. Pero puwede rin palang mangyari ito sa mga bata, kahit pa sanggol. Kaya mainam na malaman ang tungkol dito at anong dapat gawin.
Ano ang katarata sa mata?
Tinatawag na katarata (cataract) ang pagiging malabo at maulap (cloudy) sa natural na lente (natural lens) ng mga mata, ayon sa mga eksperto ng American Academy of Opthalmology (AAP).
Ang lens ang malinaw na parte ng mata, at makikita ito sa likod ng iris, o iyong nagbibigay ng kulay sa mata. Tumutulong ang lens na makatutok ang ilaw sa retina para makakita. Pero kung may problema sa lens, nasisira ang mga protina nito at nagiging malabo o mausok ang itsura nito.
Maaaring may katarata sa mata kasabay ang ganitong mga senyales:
- Malabong paningin
- Doble ang paningin
- May lumalabas na ghosted image mula sa apektadong mata
- Masyadong sensitibo ang mata, lalo na mula sa ilaw ng paparating na sasakyan
- Lumalabo ang paningin, lalo na sa gabi
- Nagiging faded yellow ang tingin sa matingkad na kulay
Bukod sa pagtanda (aging), may iba pang factors kung bakit nagkakaroon ng katarata sa mata. Kabilang diyan ang:
- Pagkakaroon ng magulang, kapatid, at iba pang kamag-anak na mayroong katarata sa mata
- Pagkakaroon ng medical problems, gaya ng diabetes
- Paninigarilyo
- Pagkakaroon ng pinsala sa mata
- Naoperahan ang mata o di kaya sumailalim sa radiation treatment sa upper body
- Pagbababad sa araw, lalo na kung walang suot na sunglasses na may proteksyon laban sa ultraviolet (UV) rays
- Pag-inom ng mga gamot, gaya ng corticosteroids, na posibleng pagsimulan ng katarata
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWPayo ng mga eksperto na komunsulta sa doktor nang masuri ang mga mata at mabigyan ng eye test. Matatanggal lang daw ang katarata kung ipapaopera ang mata, pero mas mainam na pag-usapan itong mabuti sa doktor. Kung hindi naman daw kasi masyadong nakakaabala ang katarata sa mata, baka magawan ng paraan. Kabilang diyan ang pagsusuot ng prescription glasses at pagsunod sa pangangalaga ng mga mata.
Katarata sa mata ng bata
Ang pagkakaroon ng bata ng katarata sa mata ang isa sa “most common eye problems that parents must watch out for,” sabi ni Dr. Gretchen Agdamag, isang opthalmologist.
Paliwanag ni Dr. Agdamag sa artikulo na sinulat niya dati sa SmartParenting.com.ph, may mga batang nagkakaroon ng katarata sa mata simula pagkapanganak, na tinatawag na congenital cataract. Puwede rin naman daw habang lumalaki, at saka sumulpot ang katarata. Ang mga kadalasang senyales nito ay ang pagkasira ng paningin at pagkalabo ng isa o parehong mata.
Kung malaki raw ang pinsala sa paningin, kailangang ipatingin ang bata sa eye surgeon, partikular sa pediatric ophthalmologist. Mahalaga raw na maoperahan kaagad ang mata.
Sa mga edad 8 hanggang 10, sabi naman ng mga eksperto ng AAP, patuloy pa ang development ng mga mata at utak ng bata. Isa diyan ang paningin at kung paano makakita. Kaya kung hindi kaagad magagamot ang katarata sa mata ng bata o pediatric cataract, maaaring lumala at maging permanente ang epekto nito sa paningin ng bata.
Kung kapapanganak pa lang, masusuri kaagad ng doktor si baby kung may katarata siya sa mata bago pa sila ma-discharge ni mommy sa ospital. Ito ang congenital cataract. Pero kung magkaroon siya ng katarata sa mata habang lumalaki, tinatawag itong acquired cataract. Malalaman lang ito kapag regular ang pagpapatingin ng bata sa doktor. Hindi pa raw talaga batid kung ano ang dahilan ng parehong congenital at acquired cataracts.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosPayo ni Dr. Patricia Santiago, isang pediatric opthalmologist, simulan ang regular eye checkup sa edad 6 months. Aniya sa dating panayam sa SmartParenting.com.ph, hindi pa nakakapagsabi ang bata ng nararamdaman. Kaya malalaman lang talaga kung may problema, tulad ng katarata sa mata, sa pamamagitan ng regular eye checkup.
Basahin dito ang ilan pang dahilan kung bakit masakit ang mata ng bata.
Posible Ang Katarata Sa Mata Ng Bata: Mga Dapat Malaman
Source: Progress Pinas
0 Comments