-
Kung buntis ka sa unang pagkakataon, siguro ramdam na ramdam mo ang maraming pagbabago sa iyong katawan. Pero minsan, magugulat ka lang sa mga bago pang nagsusulputan. Kabilang diyan ang guhit sa tiyan ng buntis.
Ano ang guhit sa tiyan ng buntis?
Tinatawag ang guhit sa tiyan ng buntis sa mga katagang pregnancy line at linea nigra. Mula sa wikang Latin ang linea nigra, na ang ibig sabihin ay maitim na linya (dark line). Ito ang linyang patayo (vertical line) na sumusulpot sa may pusod at kadalasan sa first trimester, ayon sa mga eksperto ng DermNet NZ.
Tinatayang lampas 90 percent ng mga buntis ang nagkakaroon ng linea nigra, kasabay ng pangingitim ng kili-kili, singit, at utong. Pero, sabi ng mga eksperto ng American Pregnancy Association (APA), puwedeng may linya na talaga bago pa mabuntis, kaya lang sobrang mababaw lang kaya hindi napapansin.
Bakit may guhit sa tiyan ang buntis?
Dagdag ng mga eksperto na hindi talaga itim ang linya, bagkus brownish. Tumitingkad daw ang kulay pagpasok ng 5th month. Hindi pa raw lubusang natutukoy ang sanhi ng linea nigra, pero pinaniniwalang sangkot ang pagbabago sa hormones o di kaya hindi balanseng hormones habang lumalaki si baby sa sinapupunan.
Isang theory diyan ang paggawa ng placenta ng tinatawag na melanocyte-stimulating hormone. Iyan din daw ang dahilan kung bakit nangingitim ang paligid ng nipples. Pero may mga nagsasabing dulot ang linea nigra ng metabolic factors at immunological factors. Tumataas daw kasi ang melanin, na siyang natural skin pigment, bilang epekto ng pagtaas din ng estrogen, at katuwang ang progesterone.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWDahil parte ang linea nigra ng pagbubuntis at hindi to nakakasama sa ipinagbubuntis, wala talagang rekomendadong paraan o medical treatment para matanggal ito. Kusa naman kasing nawawala ito pagkatapos manganak.
Bilin lang ng mga eksperto na iwasan ang pagbibilad sa araw, lalo sa parteng tiyan, upang hindi na umitim pa ang linya. Makakatulong din daw ang folic acid, na makukuha sa green leafy vegetables, oranges, at whole wheat bread. May mga sumubok na raw na paputiin ang linea nigra gamit ang skin bleaching products, pero hindi sila nagtagumpay.
May kinalaman ba linea nigra sa gender ng baby?
Ayon sa mga pamahiin, malamang ng magkaroon ka ng baby boy kung grabe ang pangingitim ng iyong kili-kili, singit, at linea nigra. Pero, diin ng mga eksperto, wala itong medical o scienfitic basis. Marami ring mommy ang hindi naniniwala sa pamahiin.
May mga mommy sa SmartParenting.com.ph online community na Parent Chat, halimbawa, ang nagkuwento ng kanilang mga karanasan. Ilan sa kanila ang nagsabing grabe ang linea nigra nila, pero baby girl ang lumabas. May ilan ding nagsabi na wala halos silang linea nigra, pero baby boy ang lumabas.
Komento ng isang mommy: “Sa pamahiin na ‘to, di naman ako naniniwala. Ang alam ko kapag medyo dark skin mo, malaki chance na meron ka nito. Pero pag maputi, di masyado makikita ‘yung line na yan.”
Kailan at paano mawawala ang linea nigra pagkatapos manganak?
May kanya-kanya ring kuwento ang mga mommy sa Parent Chat kung kailan nawala ang kanilang linea nigra at kung ano ang kanilang ginagawa para mapabilis sana ang pagputi nito.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosLahad ng isa sa kanila, “I’m not sure po kung nawawala pa ang linea negra after giving birth. Kasi po ako, I gave birth sa eldest ko last 5 years ago. Lumiit ang tummy ko, pero hindi pa din nawala yung linea negra. Nag-lighten lang po siya, pero kung titignan ko sa mirror, meron pa ding line.”
Sabi naman ng iba pang mommy, nawala ang linea nigra nila pagkaraan ng mula limang buwan hanggang lampas isang taon. Ibinahagi rin nila ang mga ginagawa nilang paraan para mawala ang maitim na linya.
- Linisin ang linea nigra gamit ang cotton ball na pinatakan ng oil
- Gumamit ng whitening soap na may sangkap na kojic acid o di kaya glutathione
- Subukan ang baby soap kung hindi hiyang sa whitening soap
- Pahiran ang linea nigra ng lotion (gaya ng cocoa butter) o body oil (tulad ng virgin coconut oil)
Sabi nga ng isang mommy, daanin sa tiyaga ang pagnanais na mapabilis ang pagtanggal ng linea nigra. Paalala lang ng isa sa kanila na may iba pang kailangang pagtuunan ng pansin, tulad sa kaso niya, ang breastfeeding. Bahagi na raw talaga ang guhit sa tiyan ng buntis bilang paalala na rin ng kanilang karanasan sa pagkakaroon ng baby.
Mom-Recommended Tips Para Bumilis Mawala Ang Linea Nigra
Source: Progress Pinas
0 Comments