-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Para sa mga kababaihan, nakakakaba na makasalat ng bukol sa may bahagi ng suso hanggang kili-kili. Pero bago mataranta, mainam na obserbahan muna. Baka kasi kulani sa kili-kili ang dahilan ng umbok.
Ano ang kulani?
Ang kulani, ayon sa definition ng Merriam-Webster dictionary para sa lymph node (kung singular), ay kahit anong bukol ng lymphoid tissue na nababalutan ng connective tissue. Nakakalat ang mga daan-daang kulani in English lymph nodes sa buong katawan.
Sabi nga ni Dr. Ronald John Unico, isang general practitioner, “Parte ng katawan ang mga kulani. Parte ang mga ito ng ating immune system.”
May paliwanag ang mga eksperto ng University of Michigan Health. Anila, maliliit at hugis beans ang lymph nodes. Parte sila ng lymph system, na nagdadala ng lymph fluid, nutrients, at waste material sa pagitan ng body tissues at bloodstream.
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng lymph system. Ito ang dumedepensa sa katawan laban sa mga sakit. Ang kasapi nilang lymph nodes naman ang sumasala sa lymph fluid habang tinatanggal ang mga bacteria, virus, at iba pang foreign substances. Sinisira naman sila ng special white blood cells na lymphocytes kung tawagin.
Puwedeng kumilos ang kulani o lymph nodes mag-isa o di kaya bilang grupo, sabi pa ng mga eksperto. Puwede ring kasing liit lang sila ng ulo ng aspile o di kaya kasing laki ng holen.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWMga sanhi ng pamamaga ng kulani
Kahit na maraming nakakalat na mga kulani sa katawan, hindi mo talaga sila mararamdam hangga’t mamaga at maging bukol (basahin dito). Masasalat sila gamit ng mga daliri sa common areas, tulad ng:
- Singit (groin)
- Kili-kili
- Leeg
- Ilalim ng panga at baba
- Likuran ng tenga
- Likod ng ulo
“Namamaga ang kulani kapag may infection sa katawan,” sabi ni Dr. Unico. “Ibig sabihin, active ang immune system. Madalas kasabay ng infection ang tagal ng pamamaga ng mga kulani. Minsan kahit magaling na ang pasyente, medyo maga pa rin ang kulani dahil dahan-dahan mawawala ang pamamaga nito.”
May ilang sanhi ng infection, ayon sa mga ekperto. Kabilang diyan ang mga sumusunod:
- Problema sa ngipin (abscessed o di kaya impacted tooth)
- Pamamaga ng gilagid (gingivitis)
- Mga sugat sa bibig (mouth sores)
- Namamagang tonsils (tonsillitis)
- Infection sa tenga
- Infection sa balat
- Sipon, trangkaso, at iba pang respiratory infection
- Side effects sa gamot (seizure medicines, typhoid immunization)
Meron ding mga sakit na nagdudulot ng infection, gaya ng:
- Mononucleosis
- Sexually transmitted illness (STI)
- Tuberculosis
- Human immunodeficiency virus (HIV)
- Rheumatoid arthritis (RA)
- Leukemia
- Hodgkin disease
- Non-Hodgkin lymphoma
Paliwanag pa ng mga eksperto na kadalasang namamaga ang mga kulani sa isang lokasyon kung may problema, tulad ng infection o injury. Maaari rin daw na may tumor na tumubo sa lymph node mismo o sa may malapit.
Halimbawa, ang pamamaga ng kulani sa kili-kili, na tinatawag na axillary swelling, ay dulot ng injury o infection sa braso o di kaya sa kamay. Bihira raw na sanhi ng axillary swelling ang breast cancer o lymphoma.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosKailan dapat mabahala sa kulani?
Kung magpapatuloy ang pamamaga at pananakit ng mga kulani ng ilang linggo, payo ng mga eksperto na komunsulta ka na sa doktor. Bantayan din daw ang ibang sintomas, tulad ng:
- Pamumula at paglambot sa parte ng mga namamagang kulani
- Paninigas ng mga kulani o di kaya pagiging irregular ng hugis
- Pagkakaroon mo ng lagnat, pamamawis sa gabi, o di kaya biglang pangangayayat
Paliwanag ni Dr. Unico: “May mga kulani na kailangan ng mas malalim na imbestigastion tulad ng kulani na sa may baga (lungs). Ito ay maaring senyales ng sakit sa baga o di kaya naman ay maaring sensyales ng tumor ng lymph nodes. Kadalasan ang paggamot sa pamamaga ng kulani ay gamutin ang sanhi ng pamamaga nito.”
Sabi pa ng mga eksperto, ang bacterial infection ay maaaring magamot ng antibiotics, samantalang kusang gumagaling ang viral infection. Pero kung cancer ang suspetsa ng doktor na dahilan ng pamamaga, halimbawa ng kulani sa kili-kili, sasabihan kang sumailalim sa biopsy para matukoy ang tamang diagnosis.
May Bukol Sa Kili-Kili? Baka Dahil Sa Namamagang Kulani
Source: Progress Pinas
0 Comments