Asthma (Hika) – Sanhi At Sintomas

  • Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Kabilang ang hika o asthma sa mga nangungunang sakit sa baga o respiratory system sa buong mundo, ayon sa World Health Organization (WHO). Apektado nito ang parehong mga bata at adults, babae man o lalaki. Tinatayang 11 million ang may hika sa Pilpinas, base sa datos ng Global Asthma Report na binabanggit ng Department of Health (DOH).

    Kaya hangad ng mga doktor, tulad ng mga bumubuo ng grupong Philippine College of Chest Physicians (PCCP), na palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa hika at iba pang sakit sa baga. Sa Facebook page ng PCCP, halimbawa, nagbibigay sila ng libreng webinar.

    Kamakailan, nagkaroon ng webinar na may titulong Usapang Asthma, tampok si Dr. Paul Rilhelm M. Evangelista, isang espesyalista sa pulmonology medicine at interventional pulmonology.

    Ano ang asthma?

    Isinalarawan ni Dr. Evangelista ang asthma bilang “heterogenous, chronic airway inflammatory condition which affects the size and shape of the airways causing breathing difficulties.” Ibig sabihin, malimit ang pamamaga sa daluyan ng hangin kaya nagkakaroon ng paninikip sa parteng iyon ng katawan. 

    Bagamat wala raw pinipiling edad ang hika, kadalasan itong sumusulpot sa kabataan. May dalawang factors na maaaring magbunsod ng pag-usbong ng hika: inherited tendency at environment.

    Kung mayroong hika sa iyong pamilya, malaki ang tyansa na magkaroon ka rin nito. Pero hindi naman daw garantisado, depende pa rin kasi sa iyong kapaligiran at klase ng pamumuhay. Kung hindi mo namana ang hika sa iyong pamilya, maaari raw itong magpatuloy naman sa iyong magiging anak at mga susunod na henerasyon.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Anong nangyayari kapag umatake ang asthma?

    Nagbigay ng paliwang si Dr. Evangelista sa gawain ng respiratory system upang mas maintindihan ang asthma. Aniya, “Sa tuwing tayo’y huminga, ang oxygen mula sa air ay pumapasok mula sa sa ating ilong at bibig hanggang bumababa sa ating lalamunan at wind pipe (trachea) papunta sa ating baga.

    “Mula trachea, tutuloy ito mula sa right at left bronchus. Ang bawat bronchi ay tumutuloy sa magkabilang baga sa pamamagitan ng air tubes o airways. Dito sa airways dumadaan ang oxygen, at ang mga airways ay paliit nang paliit tulad ng mga sanga ng punong kahoy.

    “Matapos ang division ng bronchus ay pupunta tayo sa air sacs o ang tinatawag na alveolus. Isa lamang ito sa libo-libo nating alveoli. Dito sa alveoli nagaganap ang gas exchange.

    “Papasok at maa-absorb ng walls ng alveoli at papasok naman ang blood sa bloodstream ang oxygen kung saan madadala sa iba-ibang bahagi ng ating katawan. Dito rin lumalabas ang carbon dioxide na waste gas, na puwede namang ilabas sa bawat hinga natin.”

    Sa normal na sitwasyon, ang muscles na pumapaligid sa bronchi ng baga ay relaxed at maayos na umaagos ang hangin sa mga daluyan nito sa katawan. Manipis din lang ang lining sa bronchi upang sapat na masala ang hanging pumapasok mula sa ilong at bibig.

    Pero sa sandaling magkaroon ng problema sa daluyan ng hangin–gaya ng asthma–napipilitang tumupi ang bronchioles kaya kumikipot ang puwang para sa hangin. Bronchospasma ang tawag sa pangyayari itong sa baga.

    Sanhi ang bronchospasm ng pamamaga at pagkapal ng bronchioles. Nagre-resulta naman ito sa edema at inflammation. Bukod diyan, may isa pang problema na hatid ng sobra-sobrang mucus, na kilala bilang plema na bumabara sa ilong.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Mga sintomas ng asthma

    May paliwanag si Dr. Evangelista kung bakit nakakaranas ang taong may hika ng apat na pangunahing sintomas nito.

    Paghuni (wheezing)

    Kapag makipot ang daluyan ng hangin sa iyong katawan, mahihirapan kang huminga. Ang nangyayari tuloy, para kang naghihingalo at humuhumi gaya ng ibon. Wheezing ang tawag diyan.

    Pag-ubo

    Kapag naman sobrang kapal na ng mucus o plema sa iyong daluyan ng hangin, hindi mo mapipigilan ang maya-mayang ubo. Kadalasan pa nga pipilitin mo pang umubo sa sa pag-asang luluwag ang pakiramdam.

    Pagkapos sa hininga (breathlessness)

    Hirap ka nang huminga dahil nakukulong ang hangin sa mga daluyan dapat nito. Masyado na kasing makitid at puno ng plema ang mga ito kaya hindi makawala ang hangin.

    Paninikip ng dibdib

    Kapag makipot ang mga daluyan ng hangin sa iyong katawan, puno pa ang mga ito ng plema, at nakakulong na ang hangin, maninikip talaga ang iyong dibdib.

    Sanhi ng asthma

    Binanggit ni Dr. Evangelista sa kanyang webinar ang mga pag-aaral na nagpapatunay na ang malimit na pamamaga (chronic inflammation) ang sanhi ng pagsulpot ng mga sintomas ng asthma. Ito ang resulta ng sobrang pagiging iritable o sensitibo ng bronchial tubes o airways. Kaya nagkakaroon ng grabe ring pamamaga hanggang sa puntong tiklop na ang mga daluyan ng hangin sa iyong katawan.

    Ang pamamagang ito na chronic inflammation ay dulot naman ng exposure sa tinatawag na triggers o mga sanhi ng asthma. Ganito raw ang asthma formula: Irritable airways + Triggers = Inflammation.

    Upang matukoy na mayroon ka ngang asthma, kailangan mong magpatingin sa doktor. Bibigyan ka niya ng spirometry test. Pag-aaralan din ng doktor ang iyong kondisyon para matukoy kung ano ang triggers ng iyong asthma. Tuturuan ka ring gumamit ng spirometer dahil kasama na iyan sa sarili mong pagmintina ng kalagayan.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Common triggers ng asthma

    Lahad ni Dr. Evangelista na ang trigger ay kahit anong bagay na may kakayahang pamagain ang daluyan ng hangin sa katawan. Marami raw klase ng triggers, kaya mainam na matukoy mo ang para sa iyo. Tinatawag itong “individualized triggers.”

    Balahibo ng hayop (animal dander)

    May maliliit na balat ang balahibo ng hayop na mayroong protina, na siyang nagdudulot ng atake ng hika. Makikita rin ang protina sa laway, pawis, at langis ng mga hayop. Kabilang diyan ang pusa, aso, kabayo, kuheno, daga, at ibon.

    Kung hindi mo kayang mawalan ang iyong pet, may mga suhestiyon si Dr. Evangelista para mabawasan ang exposure mo sa dulot nitong trigger:

    • Paliguan ang iyong alagang hayop dalawang beses kada linggo.
    • Huwag mong papasukin ang pet sa iyong kuwarto.
    • Iwasan ang upholstered furniture.
    • Gumamit ng vacuum cleaner na may hepafilter.
    • Maglinis ng kuwarto gamit ang hepacleaner.
    • Regular na magpa-pest control upang mapuksa ang mga ipis.

    Alikabok (house dust mites)

    Tinatawag na dust mites ang mga sobrang liit na insektong namamahay sa mga kurtina, punda, kama, pati na sa rugs, carpets, unholstered furniture, at stuffed toys. Ang mga insektong iyon ay nabubuhay sa pag kain ng human skin, flakes, at cotton. Dumudumi sila ng fecal pellets na nagdudulot ng allergic reaction sa mga may hika.

    Para mabawasan ang exposure mo sa dust mites, lalo na kung triggers sila ng iyong asthma attack, rekomendado ni Dr. Evangelista na gawin ang mga sumusunod:

    • Iwasan ang paglalagay ng makapal na kurtina sa bahay.
    • Huwag na ring maglagay ng rugs at carpets.
    • Balutin ang mga unan at kutson gamit ang impermeable plastic.
    • Ibabad ang mga kumot at beddings sa kumukulong tubig sa loob ng pitong minuto kada linggo.
    • Mag-vaccum ng sofa at huwag itong higaan.
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Nalalanghap (inhaled) allergens

    Ang airborne allergens, tulad ng pollens at weeds, ay maaaring maging trigger ng asthma attack kapag nalanghap mo ang mga ito. Kaya payo ng doktor na pumirmi sa loob ng bahay at isara ang mga bintana habang nakabukas ang aircon. Puwede rin naman ang bentilador, basta nakasara pa rin ang mga bintana mula 4 a.m. hanggang 8 a.m.

    Bukod sa pollen, maituturing din na allergens ang molds. Ang sobrang liit na mga fungi na ito ay nabubuhay sa mga basang lugar, lalo na kung may nakatambak na tubig. Mayroon silang airborne spores na umaktong trigger ng asthma.

    Para mabawasan ang exposure mo sa ganitong allergens, bilin ni Dr. Evangelista na subukan ang ganitong mga paraan:

    • Panatiliing maaliwalas (well-ventilated) ang bahay.
    • Regular na maglinis ng kuwarto at ibang lugar na kinakapitan ng molds.
    • Itapon ang mga nakaimbak na tubig.
    • Ugaliin na malinis at tuyo ang basurahan.
    • Kung may mga halaman, itapon kaagad ang mga tuyong dahon.

    Polusyon sa hangin (air pollutants)

    Ayon kay Dr. Evangelista, ang polusyon sa hangin, maging sa labas o loob man ng bahay, ay puwedeng maging asthma trigger. Kabilang diyan ang usok mula sa sigarilyo at mga sasakyan, pati na ang mga kemikal galing sa pintura at pabrika. Mahipit ang bilin ng doktor na umiwas sa polusyon at huwag manigarilyo.

    Mga impeksyon

    Ang sipon (common cold) at iba pang respiratory tract infection ay puwede ring maging mitsa ng hika. Sa loob ng tatlo hanggang limang araw ng pagkakaroon ng sipon, doon daw kadalasang umaatake ang hika. Payo ni Dr. Evangelista na palakasin ang immune system nang maiwsan ang sipon.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Pabago-bagong panahon (weather changes)

    Talaga namang pabago-bago ang panahon. Minsan, sobrang init pero biglang uulan at lalamig hanggang bumalik sa init. Ang magagawa mo lang kung ito ang trigger ng iyong hika, gawan mo ng adjustment ang pag-inom mo ng gamot. Malaking bagay daw ang pagiging handa sa anumang panahon.

    Grabeng emosyon at stress

    Kung napapansin mong inaatake ka ng hika sa tuwing naglalabas ka ng sobrang emosyon at nakakaramdam ng sobrang stress, malamang na asthma trigger mo ang mga iyan. Subukan mo raw na mag-relax at matuto ng relaxation techniques.

    Ehersisyo

    Ang ano mang ehersisyo o pisikal na gawain ay puwedeng maging mista ng atake sa hika. Pero, diin ni Dr. Evangelista, hindi ibig sabihin kakalimutan mo na ang exercise at sports. Kailangan mo lang daw gumamit ng inhaler bago simulan ang routine para maiwasan ang atake at malasap ang benepisyo ng ehersisyo.

    Dagdag pa ni Dr. Evangelista, mayroon pang ibang puwedeng maging trigger ng asthma attack. Kasama na diyan ang pag kain ng hipon, pag-inom ng gamot, at iba pa na nagdudulot ng allergic reaction sa taong may asthma.

    Paano nagagamot ang asthma?

    Diin ni Dr. Evangelista wala pang gamot o cure sa asthma, maaari lang daw itong ma-control. Makakatulong daw diyan ang iyong doktor bilang katuwang mo sa pagmintina ng malusog na pangangatawan.

    Ang ibig sabihin ng doktor sa “controlled asthma” ay ganito:

    • Walang sintomas ng hika sa gabi
    • Walang sintomas ng hika sa araw
    • Walang limitasyon sa ehersisyo
    • Hindi nakadepende sa relievers
    • Minsanan lang ang atake ng hika
    • Hindi nadadala sa emergency room dahil sa atake ng hika
    • Naaabot ang best possible peak flow
    • Walang nararamdamang side effects sa gamot
    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Kapag komunsulta ka sa doktor at napatunayang may asthma ka, reresetahan ka ng mga gamot. Ang mga ito ay maaaring nilalanghap (inhaled), tinuturok (injected), iniinom, o di kaya ginagamitan ng nubulizer (ngunit hindi ngayong panahon ng COVID-19 pandemic). May dalawang uri ng panggamot sa asthma: relievers at controllers.

    Bukod sa gamot, payo rin ni Dr. Evangelista na patuloy ang pag-monitor ng asthma. Makakatulong daw ang paggawa ng action plan sa tulong ng iyong doktor. Isa pa raw ang pagkakaroon ng journal, kung saan isusulat ang obserbasyon mo tungkol sa iyong sakit.

    What other parents are reading

Asthma (Hika) – Sanhi At Sintomas
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments