Alagaan Ang Iyong Sarili Pagkapanganak! 7 Bagay Na Dapat Mong Tandaan Sa Unang Buwan

  • Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Sabi nila kapag nanganganak ka, nasa hukay ang isang paa mo. Ibig sabihin ay hindi ganoon kadali ang panganganak. Mas marami rin ang pagdadaanan ng isang babae pagtapos maisilang si baby, kaya naman napakaimportante ng postnatal care habang siya ay nag-re-recover.

    Ilang linggo pagkaraan kong manganak, nakaramdam ako ng madalas na pagkahilo at biglang pagtaas ng blood pressure. Akala ko naman normal lang dahil sa pagod at puyat dulot ng breastfeeding.

    Pero agad kong ipinaalam ito sa aking doktor. Matapos niya akong matingnan, sabi niya ay nakaranas daw ako ng postpartum preeclampsia. Mabuti na ipinaalam ko sa kanya agad ito dahil maaaring mag-seizure ako o magkaroon ng ibang komplikasyon.

    Ang pagbubuntis ay hindi isang madaling bagay lalo pa ang sitwasyon pagkapanganak. Dumadaan sa postpartum period ang lahat ng bagong panganak at importante dito ang pangangalaga ng kalusugang pisikal, mental, at emosyonal para mabantayan ng mabuti ang iyong baby at habang bumabalik ang iyong katawan sa dati.

    Mga dapat at hindi dapat gawin sa postnatal care

    Habang buntis tayo, iniisip na natin ang mga gusto nating gawin pagkapanganak. Pero ang akala nating puwede na ay hindi pa pala. Dahil hindi basta lamang madali ang pagkilos pagkaraan mong manganak. Mahalagang pangalagaan ang iyong sarili.

    Ang sumusunod ay mga gawain na dapat mong gawin para sa iyong matagumpay na postpartum recovery matapos mong manganak, vaginal o C-section delivery man ito:

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    1. Huwag gumawa ng mabibigat na gawain

    Isa sa pinapaalala ng mga doktor pagkapanganak ay ang hindi pagbubuhat ng mabigat maliban sa iyong baby. Kasama na rin dito ang pag-akyat at pagbaba ng hagdan nang mabilis at paulit-ulit.

    Gayundin ang pag-eehersisyo lalo na kapag sariwa pa ang iyong sugat mula sa panganganak. Maaaring bumuka ang iyong sugat. Hintayin ang hudyat ng iyong doktor kapag pwede ka nang kumilos nang mabilis at gawin ang mabibigat na bagay.

    2. Huwag kang umire sa pagdumi

    Ang mga muscle na dinadaanan ng iyong dumi ay parehas nang nagamit mo noong nanganak ka kaya kailangan itong bigyan ng panahon upang manumbalik ang lakas.

    Kung ikaw ay nanganak ng cesarean, maaari ding bumuka ang iyong sugat kapag pinilit mong dumumi. Malalabanan ang hirap sa pagdumi o constipation sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig at pagkonsumo ng mga pagkain na mayaman sa fiber.

    Iwasan din ang pagkain ng mga carbonated drinks at citruis juices na makapagdudulot ng gas pain o kabag dahil prone sa ganito ang mga nag-C-section delivery. Mas mabuti pa ang pag-inom ng probiotics at pagkaing mayaman sa antioxidant para maprotektahan ang sugat sa anumang impeksyon.

    3. Iwasan ang pagsuot ng masisikip na damit

    Magsuot din ng mga damit kung saan komportable ka at upang maiwasan ang anumang impeksyon.

    4. Magsuot ng postpartum binder

    Karaniwan na pinapasuot ang mga C-section moms ng abdominal binder na ito matapos ang operasyon para sa mas madaling pagkilos at hindi mag-aalala na magbukas ang tahi. Makatutulong din na magsuot ng binder ang normal delivery para sa pagbabalik ng tiyan.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    5. Iwasan ang pakikipagtalik sa asawa

    Maghintay ng anim na linggo bago ito gawin o kung kailan ipahihintulot ng iyong OB-GYN. Kailangan munang maghilom din ng iyong sugat, pati na rin ang iyong uterus at bumalik ito sa dati. Nakararanas ka pa rin ng pagdurugo o postpartum bleeding pagkapanganak.

    6. Maligo ng maligamgam na tubig

    Ipinapayo ng mga doktor ang pagligo matapos manganak. Makatutulong ang maligamgam na tubig o warm bath sa healing process dahil nakare-relax ito ng isip at katawan. Hindi naman masama ang maligo pagkapangak — sa katunayan mabuti ito upang manatiling malinis ang katawan.

    Madalas na ipinapayo rin ng mga OB-GYN ang paggamit ng betadine feminine wash para proteksyon laban sa genital infections. Kapag CS delivery, hindi na rin isipin na mabasa ang sugat dahil waterproof plaster na ang ginagamit ngayon.

    Tiyakin na hindi ito mapapasukan ng tubig para maiwasan ang impeksyon sa sugat. Kapag puwede nang tanggalin ang plaster, linisin ang sugat pero huwag nang kukuskusin ito.

    7. Maglaan ng oras para sa sarili

    Madalas naisasantabi ng mga mommy ang  pangangalaga sa kanilang sarili sa sobrang pagkaabala nila sa pag-aalaga sa kanilang baby. Mahalagang pag-ingatan din ang mental at emosyonal na kalusugan.

    Isa sa nararanasan ng mga bagong panganak ay ang pagiging emosyonal dahil sa pagbabago ng hormones. Kailangan na makakuha ng suporta mula sa iyong asawa at kamag-anak upang maayos na maharap ang ganitong kalagayan.

    Magkaroon din ng “Me Time” o oras para sa sarili para makahinga mula sa pagod at puyat sa pag-aalaga sa anak. Mahalaga ang self-love at self-care para patuloy na maalagaan ang iyong baby.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Sa kabilang banda, maraming Pilipino ang naniniwala rin sa “binat” lalo na pagkapanganak. Hindi masamang sundin o paniwalaan ang konseptong ito dahil mabuti ang pag-iingat sa sarili.

    Makabubuting ihanda ang iyong postpartum plan bago ka manganak. Makatutulong ang paghahanda rin ng iyong mga gagamitin sa pagpapagaling ng sugat, tahi, at sakit mula sa panganganak. Huwag ding kalimutan ang iyong postnatal checkup at tiyakin na susunod mo ang payo ng iyong doktor para maging mabuti maayos ang iyong kalagayan.

    Huwag mong ihambing din ang sarili sa paggaling o recovery ng iba dahil magkakaiba ang bawat tao. Anuman ang maramdaman mo ay huwag ipagbawalang-bahala. Ayon sa American Pregnancy Association, agad na ipaalam sa iyong ob-gyn kapag naranasan mo ang mga ito:

    • Mataas na lagnat
    • Matinding sakit ng ulo at hindi nawawala
    • Biglaang hirap sa paghinga
    • Masakit at naninigas ang suso
    • May discharge sa sugat lalo na pag hindi kaaya-aya ang amoy
    • May kakaibang sakit sa bahagi ng tahi o abdomen area
    • Hindi kaaya-ayang amoy sa vaginal discharge
    • Matinding vaginal bleeding
    • Hirap sa pag-ihi
    • Matinding pagmamanas
    • Kapag nagbukas ang iyong sugat o natanggal ang tahi

    “Be nice to yourself,” sabi nga nila. Huwag kang magmadali. Hinay-hinay lang.

    Magagawa mo rin ang mga gusto mong gawin sa tamang panahon. Bigyan mo lamang ng sapat na oras ang iyong katawan na gumaling. Tandaan ang mga postnatal care para makabalik ka nang maayos sa dati.

    May payo dito ang isang doula at isang doktor kung paano mo pwedeng pahalagahan ang iyong katawan pagkapanganak.

    What other parents are reading

Alagaan Ang Iyong Sarili Pagkapanganak! 7 Bagay Na Dapat Mong Tandaan Sa Unang Buwan
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments