-
Ibayong pag-iingat ang ipinapayo sa mga buntis hindi lang para sa kanilang kapakanan ngunit pati na rin sa kanilang ipinagbubuntis. Kaya ang tanong ng may iniindang dental problem: pwede bang magpabunot ng ngipin ang buntis?
Pagbubuntis at pagbubunot ng ngipin
May sagot ang dentistang si Dr. Evangeline de Guzman-Calimlim tungkol sa usaping pagbubuntis at pagpapabunot ng ngipin.
Sabi niya, puwede namang magpabunot ng ngipin (tooth extraction) ang buntis, lalo na raw kung emergency case. Pero nirerekomenda daw nilang nasa dental profession ang tooth sa second trimester at third trimester ng pagbubuntis.
Dagdag pa ni Dr. Calimlim, na may sariling dental clinic sa Marikina City, na hinihingan nila ang pasyenteng buntis ng medical clearance mula sa obstetrician-gynecologist (ob-gyn).
Sang-ayon ang ob-gyn na si Dr. Maynila Domingo, na espesyalista sa maternal-fetal medicine. Nagbigay siya ng paliwanag sa dating webinar na inorganisa ng SmartParenting.com.ph para sa “How Po” series.
Ligtas naman daw ang halos lahat ng dental procedures para sa buntis. Kabilang sa mga iyon ang tooth extraction gamit ang lokal na anesthesia (local anesthetic); paglilinis sa ngipin; at pagpapasta ng ngipin. Pero ibang usapan daw ang mas seryosong dental procedures, tulad ng root canal.
Lahad ni Dr. Domingo, “‘Yun concern dito is the anesthetic being used. Ano ba ‘yung gagamiting anesthetic do’n sa patient. Kasi ‘yung mga extensive na root canal na kailangan sedated sila or tulog, ‘yun yung mga kailangan naming i-evaluate first.”
Payo niya sa buntis na tanungin ang dentista tungkol sa uri ng anesthesia o anesthetics na gagamitin para sa dental procedure. Kung ang anesthetics na gagamitin ay iyong inhaled gamit ang nitrous gases, mainam daw na sabihan muna ang ob-gyn.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWPagpapabunot ng ngipin habang buntis
Nagkuwento ang isang SmartParenting.com.ph reader ng kanyang karanasan ng pagpapabunot ng ngipin habang buntis. Sinunod niya ang payo ni Dr. Domingo. Una, tinanong niya ang kanyang dentista tungkol sa gagawing dental procedure at gagamitin na anesthetics, pagkatapos ipinahayag niya ang mga iyon sa kanyang ob-gyn.
Sabi pa niya, “My tooth extraction required local anesthetic, lidocaine, injected in my jaw’s nerve line and in the affected tooth’s gums. I’d need mefenamic acid for the pain after the anesthetic wears out, and amoxicillin antibiotics to prevent any infection.”
Laking pasalamat daw niya na nasa second trimester na siya nang masira ang kanyang bagang (cracked molar) at naging ligtas ang pagbubunot nito ng kanyang dentista. Hindi raw siya nakaramdam ng kirot, puwera na lang habang tinuturukan siya ng anesthesia. Ramdam pa raw niya ang paglikot ni baby sa kanyang tiyan, kaya alam niyang mabuti ang kalagayan nito.
Nang makauwi na raw siya at nawala na ang bisa ng anesthesia, pinigilan niya ang sarili na uminom ng pain reliever. Nagpatuloy daw ang pamamaga ng kanyang gilagid at kanang panga, kaya tumawag siya sa kanyang dentista. Sinabihan naman siyang bumalik sa clinic kung tumagal ang karamdaman ng dalawa pang araw.
Mga dapat gawin ng buntis kung sumakit ang ngipin
Sakaling nasa first trimester pa lang ang buntis at sumakit ang kanyang ngipin, payo ni Dr. Calimlim na magpatingin pa rin sa tulad niyang dentista. Aniya, “Para malaman kung ano ang dahilan ng pananakit ng ngipin.”
Diin niya, “Hindi lahat ng pananakit ng ngipin ay kailangan bunutin. Kadalasan ito ay puwede naman idaan sa pasta, lalo na kung may butas lamang.”
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosMaaari rin daw subukan ng buntis ang home remedies kung hindi pa makakapunta sa clinic. Halimbawa raw ang pagmumog ng maligamgam na tubig na may halong asin. Isa pang remedyo sa masakit na ngipin ang pagpapasak dito ng dinikdik na bawang o di kaya bulak na pinatakan ng pabango bilang pain reliever.
Makakatulong din daw ang cold compress kung nag-aalinlangan pa kung puwede bang magpabunot ng ngipin ang buntis. Ibalot lang daw ang ilang piraso ng yelo sa bimpo at idikit ito sa parte ng mukha kung saan sumasakit ang ngipin. Kapag hindi na umubra ang home remedies, kailangan na raw talagang komunsulta ng buntis sa dentista.
0 Comments