-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Naging bukas si Anne Clutz sa pagsasabi sa kanyang vlog na nais niyang sumailalim sa Bilateral Tubal Ligation (BTL). Sa edad daw niyang 37 sa darating na November 2021, kuntento na siya sa dalawang anak nila ng kanyang asawa. Komunsulta na raw siya sa kanyang doktor, at malamang naipaliwanag na rin sa kanya ang mga posibleng maramdaman niyang masamang epekto ng ligation.
Ano ang ligation?
Kilala rin ang BTL bilang tubal ligation at sa mas simpleng tawag na ligation. Isa itong uri ng birth control o family planning method na “very effective,” ayon sa World Health Organization (WHO).
Nagbigay ng paliwanag tungkol sa ligation si Dr. Sybil Bravo, ang section chief ng Ob-Gyn Infectious Diseases sa Department of OB-Gyn ng Philippine General Hospital (PGH), sa interview niya noon sa SmartParenting.com.ph.
Lahad ni Dr. Bravo, ang ligation ay isang “permanent surgical form of female sterilization.” Kalimitan daw itong ginagawa kaagad pagkatapos manganak, pero puwede rin naman kahit lumipas na ang ilang taon. Kadalasan din daw itong “very safe” kapag isinagawa ng “trained physician.”
Ang nangyayari raw sa operasyon, ginugupit ng surgeon o obstetrician-gynecologist ang parte ng parehong fallopian tubes. Pagkatapos, tinatali ang fallopian tubes para hindi na makalakbay pa ang egg cell papunta sa uterus. Kaya sabi ng mga Pinoy, nagpatali o tali na ang babaeng sumailalim sa ligation.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWKung desidido ka na sa ligation at miyembro o di kaya dependent ka ng miyembro ng PhilHealth, makukuha mo ito ng libre. Paalala lang ng Department of Health (DOH) na basahin ang provisions ng benefit package.
Mga posibleng masamang epekto ng ligation
Katulad ng lahat ng operasyon (surgery), may kaakibat na panganib (risks) ang ligation, ayon naman sa mga eksperto ng Johns Hopkins Medicine. Kabilang sa potential risks ang:
- Pagdurugo (bleeding) mula sa hiwa (incision) sa tiyan
- Pagkakaroon ng infection
- Pinsala sa ibang organs sa loob ng tiyan
- Pakiramdam ng side effects mula sa anesthesia
- Pamamaga at pananakit ng tiyan
- Hirap sa paghinga
- Pagkawala ng malay (fainting spells)
- Pagkakaroon ng lagnat at rashes
- Pagkakaroon ng kakaibang discharge o di kaya amoy sa vagina
- Pagdanas ng ectopic pregnancy dahil naganap ang fertilization ng egg cell sa labas ng uterus
Sabi pa ng mga eksperto, maaaring tumaas ang potential risks kung meron kang ganitong health conditions:
- Diabetes
- Previous abdominal surgery
- Pelvic inflammatory disease
- Lung disease
- Overweight
Kaya mainam daw na kausapin ang iyong doktor tungkol sa iyong health conditions. Pagkatapos ng operasyon at nakauwi ka na, bilin ng mga eksperto na:
- Paunti-unting bumalik sa iyong regular diet at huwag magmadali.
- Makakaramdam ka ng pain at discomfort, kaya humingi sa doktor ng gamot.
- Maiibsan ang pananakit ng balikat, dulot ng abdominal gas, kung pumirmi sa pagkahiga.
- Sundin ang instructions ng doktor hinggil sa pagligo at paglinis ng sugat mula sa operasyon upang mapanatili itong tuyo.
- Iwasan ang pagbubuhat ng mabibigat at pagmamadali na bumalik sa dating gawain.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosSamantala, sabihan kaagad ang iyong doktor kung tumindi ang pagkirot mula sa sugat at hindi na kayang maibsan ng niresetang gamot. Iba pang dapat bantayan ang ano mang drainage, bleeding, redness, o swelling. Ipaalam din sa doktor kung nilalagnat ka o di kaya nagsusuka, nahihilo, at nawawalan ng malay.
Sagot sa iba pang mga katanungan sa ligation
May sagot din ang DOH para sa mga kadalasang tinatanong sa kanila. Ayon sa mga eksperto ng ahensya, maaari kang makabalik sa iyong trabaho at regular activities pagkatapos mong malampasan ang post-procedure discomfort.
Pero kailangan mong maghintay ng isang linggo bago makapagbuhat muli ng mabibigat na bagay. Huwag ka naman daw mag-alala na baka biglang tumaba o mabawasan ang lakas. Wala raw kinalaman ang operasyon, pati na sa maagang menopause o pag-iksi ng buhay bilang masamang epekto ng ligation.
0 Comments