Ito Ang Dahilan Kung Bakit Naninilaw Ang Newborn, Ayon Sa Mga Eksperto

  • Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Kung first-time mom ka, siguro nagtataka ka kung bakit naninilaw ang mata at balat ng newborn mo. Malamang din na sabihan ka ng nanay o di kaya biyenan mo na normal lang ang itsura ng bata. Pero mainam pa rin na malaman mo ang kanyang kondisyon.

    Paninilaw dahil sa jaundice

    Tinatawag sa medical term na jaundice ang pagiging dilaw ng mata at balat. Bagamat puwedeng mangyari ito sa lahat, kids man o adults, mas apektado ang mga newborn sa mga una nilang araw o linggo.

    Pero, ayon sa mga eksperto sa Nationwide Children’s Hospital, ang jaundice sa newborn ay hindi dulot ng sakit o ano mang problema sa kalusugan. Kadalasan daw kasing kusa na lang nawawala ang paninilaw sa mga sanggol.

    Paliwanag pa nila na ang jaundice ay sanhi ng yellow substance o pigment na kilala bilang bilirubin. Pinagtutulungan itong gawin ng liver, spleen, at bone marrow mula sa pira-pirasong red blood cells. Ang nagawa nilang bilirubin ay pinapadaan ng liver palabas ng katawan sa pamamagitan ng bile, na siya namang sumasama sa pagdumi o stool.

    Kapag daw hindi kaagad nakalabas ang bilirubin sa katawan at tumaas naman ang blood levels, doon nagkakaroon ng jaundice. Ang nabuong bilirubin ang dahilan kung bakit naninilaw ang mata at balat. Tinatawag itong physiologic jaundice.

    Dahilan ng jaundice sa mga sanggol

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Sabi naman ng mga eksperto sa Nemours KidsHealth, tataas ang tyansa ng iyong baby na magkaroon ng jaundice kung siya ay:

    • Premature nang ipanganak
    • Dumedede sa ina
    • Hindi sapat ang nakukuhang breast milk
    • Magkaiba ang blood type sa nanay
    • May genetic problem na nagpapahina ng red blood cells

    Bukod kasi sa physiologic jaundice, meron ding pathologic jaundice. Sanhi naman ito ng iba-ibang disorders. Kabilang diyan ang infectious; endocrine o hormonal; at genetic o inherited diseases. Sa ganyang kaso, dapat nang ipatingin at ipagamot sa doktor.

    Iba pang mga sintomas ng jaundice sa baby

    Bukod sa paninilaw na kadalasang nagsisimula sa mukha, pagkatapos sa dibdib, sumunod sa tiyan at mga binti, hanggang makarating sa mga puti ng mata, may iba pang sintomas na dapat bantayan. Sabi pa ng mga eskperto, ang mga sanggol na mataas ang bilirubin levels ay maaaring maging antukin, hindi mapakali, at hirap padedehin.

    Para makasiguro na may paninilaw lalo na kung may kaitiman ang balat ng sanggol, payo ng mga eksperto sa magulang sa banayad na pisilin ang balat sa may ilong o di kaya noo ni baby ng ilang sandali. Kapag tumigil ka sa pagpisil ng kanyang balat at nanilaw ito, may jaundice nga siya.

    Bilin pa ng mga eksperto sa magulang na tumawag ng doktor kung ang anak ay:

    • Itsurang may sakit o kumikilos na may sakit
    • Masama ang pakiramdam
    • Sobrang antukin
    • Gumagrabe ang paninilaw
    • Dehydrated
    • Nanghihina
    • Pumapayat
    • Nagiging iritable

    Mainam na masuri kaagad at malaman kung bakit naninilaw ang mata at balat ng iyong sanggol. Dapat daw kasi binibigyan na ng jaundice test ang mga kapapanganak pa lamang bago pa sila umalis ng ospital o birthing center. Inuulit ang test pagkaraan ng ilang araw para sa mga sanggol na at risk sa jaundice o di kaya hindi nawawala ang kanilang paninilaw.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Paano nagagamot ang jaundice?

    Kapag nasuri ng doktor ang iyong newborn, maaaring kunan ang bata ng blood test at skin test. Sa blood test masusukat ang bilirubin sa dugo ng sanggol at gagamit naman ng special light sa skin test upang masukat ang bilirubin sa kanyang balat.

    Ang mild jaundice raw sa sanggol ay kusang gumagaling pagkaraan ng isa o dalawang linggo hanggang mawala ang sobrang bilirubin sa kanyang katawan. Basta raw sapat ang dinedede nitong breast milk. Kung kulangin man, maaaring magreseta ang doktor ng karagdagang formula.

    Para sa mas seryosong kaso ng jaundice, paalala ng mga eksperto na dapat masimulan kaagad ang gamutan. Kabilang diyan ang pagbibigay sa sanggol ng fluids, phototherapy, exchange blood transfusion, at intravenous immunoglobulin (IVIg). Habang gumagaling ang iyong sanggol, mawawala na rin ang iyong kaba kung bakit naninilaw ang mata at balat.

    What other parents are reading

Post a Comment

0 Comments