-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Isa ang bulutong (chickenpox) sa mga sakit na literal na nag-iiwan ng marka mula pagkabata hanggang pagtanda. Kapag kasi nagsugat ang dulot nitong rashes at naghilom na, pero hindi nabigyan ng gamot sa peklat ng bulutong, magiging permanente na ang mantsa sa balat.
Ano ang chickenpox at mga sintomas nito?
Ang chickenpox ay isang nakakahawang sakit mula sa infection sanhi ng varicella-zoster virus. Ayon sa Department of Health (DOH), kadalasang mga bata ang tinatamaan nito at tumatagal ang sakit mula lima hanggang pitong araw.
Mataas naman ang tyansa na magkaroon ng mga komplikasyon mula sa bulutong ang mga:
- Buntis na hindi pa kailanman nagkakasakit ng bulutong
- Mga taong mahina ang immune system
- Mga sanggol na wala pang isang taong gulang
Sabi ng DOH, maraming pasyente ng bulutong ang nagkaroon ng lagnat bago nila mapansin ang mga nasusulputang rashes. Nagsisimula raw ang rashes sa mukha, dibdib, at likuran hanggang kumalat sa ibang parte ng katawan.
Meron din naman daw mga pasyente na nakaranas ng pagkahapo, pagkawala ng ganang kumain, at pananakit ng ulo.
Mga dapat gawin ng magulang sa anak na may bulutong
Mainam na ipirmi ng magulang ang anak sa isang kuwarto para mahiwalay sa ibang mga bata sa bahay, pati na kung may buntis na kasama. Paliwanag ng mga eksperto na lubhang nakakahawa ang bulutong.
Naipapasa ito ng pasyente mula isa hanggang dalawang araw bago pa siya magkaroon ng rashes at magpapatuloy siyang makahawa kahit natuyo na ang rashes sa kanyang balat.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWKumakalat ang virus sa hangin kapag umubo o bumahing ang pasyente. Isa pang paraan para maipasa ang sakit ay kung magkaroon ng contact sa chickenpox blisters. Sa loob ng mula 10 hanggang 21 days na magkaroon ng exposure sa virus, magsisimula nang magsulputan ang mga sintomas.
Para naman mabawasan o di kaya tuluyang maiwasan ang pangangati ng rashes, may mga paraan na puwedeng gawin ang magulang bilang gamot sa peklat ng bulutong.
Panatiliing presko ang pakiramdam
Kapag naiinitan ang bata, madali siyang magpapawis at titindi naman ang kati ng rashes sa kanyang katawan. Kaya payo ng Kids’ Health na “keep cool” ang lugar ng pasyente nang hindi siya mainitan at mangamot.
Makakatulong din daw kung dadampian ng basang bimpo ang mga parte ng katawan na malala ang rashes. Pero dapat maligamgam (lukewarm) ang basang bimpo.
Magbabad sa lukewarm bath na may oatmeal
Kung may bathtub sa bahay o di kaya malaking batya, punuin ito ng maligamgam na tubig at haluan ng oatmeal. Ayon sa mga eksperto, may kakayahan ang oatmeal para mabawasan ang pangangating dulot ng rashes. Sa ganitong paraan, maiiwasan ng bata na kamutin ang rashes at magpeklat ang mga ito.
Magpahid ng topical ointment
Pagkatapos magbabad sa oatmeal bath o ano mang paglilinis ng katawan ng bata, payo ng American Academy of Dermatology Association (AADA) sa magulang na pahiran ang balat ng anak gamit ang topical ointment.
Mga halimbawa nito ay calamine lotion, petroleum jelly, o kahit anong fragrance-free, anti-itch lotion. Siguraduhin lang na walang allergic reaction ang bata sa mga ganoong produkto. Makakaramdam ng ginhawa ang bata kaya maiiwasan niyang kamutin ang rashes.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosDagdag pa ng AADA, puwede ring painumin ng magulang ang anak ng over-the-counter oral antihistamine na ginawa para sa mga bata. Basta sundin ang directions na nakasulat sa pakete at bigyan ng tamang dosage ang anak.
Panatiliing maiksi ang mga kuko ng bata
Kung maiksi ang mga kuko ng bata, maaaring mababawasan ang epekto ng pangangamot, lalo na kung hindi talaga mapigilan ng bata dahil sa sobrang kati. Puwede ring suutan ng medyas sa mga paa at kamay (mittens) ang mga maliliit na batang pasyente.
Pababain ang lagnat
Para bumuti ang pakiramdam ng iyong anak, payo ng mga eksperto na painumin siya ng non-aspirin medications, tulad ng acetaminophen at ibuprofen. Ang mga gamot daw kasi na may taglay na aspirin ay may masamang epekto sa mga batang pasyente ng chickenpox kaya dapat iwasan. Pangunahin daw diyan ang sakit na Reye’s syndrome, na dumadale sa liver at brain.
Pero ang pinakamainam para ring gamot sa peklat ng bulutong ay ang pag-iwas sa pagkakasakit ng bata sa bulutong. Kaya bilin ng mga doktor sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak laban sa chickenpox. (Basahin ang tungkol sa varicella vaccine dito.)
0 Comments