-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Walang nais ang magulang kung hindi pawang mabubuting bagay lamang para sa kanyang anak. Kaya hindi maiiwasang mag-alala nang lubos sakaling may hindi tama sa pangangatawan ng sanggol, tulad ng sakang na paa.
May kuwento tungkol diyan ang isang mommy sa Parent Chat online community ng SmartParenting.com.ph. Aniya, may panahong pinagtsismisan ng mga kapitbahay ang kanyang baby sa pagiging sakang nito. Kaya napatanong siya nang ganito: ‘”Yung mga baby n’yo ba since newborn or hanggang mag-one year hinihilot n’yo ba ang binti nila para pumantay?”
May paniniwala na makakatulong ang hilot laban sa sakang na paa
Himutok ni mommy na wala raw nagsabi sa kanya na hilutin ang mga binti ng kanyang baby. Iyon kasi ang suspetsa niyang dahilan kung bakit sa edad na isang taon at tatlong buwan ay medyo pabukaka maglakad ang kanyang anak.
Dagdag pa niya, “Nagmumukhang nakabukaka dahil nga sa binti niya parang pa-Letter D. At dahil na rin sa diaper niya, hindi niya talaga maisasara ang dalawang binti niya dahil naiipit ang diaper…Late na ba para kay baby ko na ngayon ko pa lang siya hihilutin? At kung hindi ko man mahilot, tuluyan na ba talaga s’ya magiging sakang?”
Sagot ng isang mommy tungkol sa bisa ng hilot, “It’s so sad to hear that even your parents hindi ka nasabihan about this. Dapat talaga pagkalabas hinilot na ‘yung hita at binti niya para nga hindi maging sakang. Tiyagain mo na lang baka makuha pa sa hilot pagkatapos niyang maligo, pag nilalagyan mo siya ng lotion at dapat wala siyang suot na diaper.”
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWSabi naman ng isa pang mommy, hindi pa huli ang lahat para maitama ang sakang na paa ng bata. Basta raw maging consistent at matiyaga ang magulang sa paghihilot sa binti ng anak bilang nasa murang edad pa ito.
Sagot ng mga eksperto tungkol sa sakang na paa
Sa kabilang banda, may ibang paniniwala ang mga eksperto. Nagbigay ng paliwanag si Dr. Ina Atutubo, isang pediatrician, sa artikulo na kanyang isinulat noon para sa SmartParenting.com.ph. Aniya, isang orthopedic condition ang pagiging sakang (bowleggedness) na nangangailangan ng tamang tugon mula sa medical experts, at hindi iyon hilot.
Lahad pa ni Dr. Atutubo na ang pagiging sakang ay isang “very common and normal condition in the first two years of life.” Habang nasa sinapupunan pa raw kasi si baby ng kanyang mommy, nakatupi ang posisyon nito para magkasya sa limitadong espasyo. Palangoy-langoy pa raw ito sa tila maliit na swimming pool na kanyang tirahan sa loob ng siyam na buwan.
Pagkapanganak, mananatili raw si baby sa nakatuping posisyon dahil nag-aadjust pa siya sa bagong kapaligiran habang nagde-develop naman ang kanyang katawan. Kaya sinasabi tuloy ng mga nakakatanda na hilutin ang mga binti upang dumiretso ang mga ito.
Kung matuwid man kalaunan ang mga binti ni baby, ayon sa doktora, ay hindi masasabi kung dulot ito ng paghihilot o kusang tumama lang. Wala pa naman daw kasing mga pag-aaral na sumasang-ayon o di kaya tumutuligsa sa benepisyo ng hilot sa paggamot ng sakang na paa.
Nagbigay ng mas malawak na paliwanag si Dr. Charles Villamin, isang orthopaedic surgeon, tungkol sa pagiging sakang, na kilala rin sa medical term na genu varum. Saad ng doktor sa parehong artikulo, maraming mga bata ang ipinapanganak na sakang at nagiging kapansin-pansin ito kapag nagsisimula nang maglakad mula edad isa hanggang dalawa.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosPaalala ng doktor na hindi dapat mabahala pa ang magulang dahil kadalasang nalulutas nang kusa ang problema sa sakang na paa. Nagsisimula ito bandang 2 years old hanggang tuluyang marating ang normal alignment pagtungtong sa 3 years old.
Pero kung lampas 3 years old na si baby at hindi pa rin dumiretso ang kanyang mga binti, payo ni Dr. Villamin sa magulang na komunsulta na sa doktor ng bata. Masasabi raw na severe case ang sakang na paa kapag higit sa 20 degrees ang pagkabaluktot ng mga binti. Maaaring i-refer na ang bata sa pediatric orthopaedic surgeon nang mabigyan siya ng tamang treatment.
0 Comments