Ito Ang Payo Ng Dentista Bilang Gamot Sa Pamamaga Ng Wisdom Tooth

  • Tunay na malaking perwisyo ang pagsakit ng ngipin, kaya kaagad binibigyan ito kahit remedyo muna. Ganyan din ang kaso sa paghahanap ng gamot sa pamamaga ng wisdom tooth dahil lubhang mahirap tiisin ang kirot nito.

    Ano ang wisdom tooth?

    “Ang wisdom tooth ay ang ngiping nakalaang tumubo sa pinaka-dulong bagang,”sabi ni Dr. Evangeline de Guzman-Calimlim, isang dentista na may sariling clinic sa Marikina City. “Hindi lahat ng tao ay nagkakaroon ng wisdom tooth. Tinatawag namin itong ‘missing.'”

    Dagdag pa niya, “Ang inaasahang bilang ng wisdom tooth o teeth na maaaring tumubo sa isang tao ay apat: dalawa sa taas at dalawa sa baba. Ngunit mayroon namang dalawa lamang o kaya isa.”

    May paliwanag din ang mga eksperto ng University of Michigan Health Service (UMHS). Anila, ang wisdom teeth ay iyong upper at lower third molars na matatagpuan sa pinakadulong bahagi ng bibig.

    Wisdom teeth ang tawag sa kanila dahil kadalasan silang tumutubo sa pagitan ng mga edad 17 at 23. Sa ganyang panahon daw nakapag-ipon na ang isang tao ng karunungan o wisdom.

    Mainam magkaroon ng wisdom tooth o teeth, ayon naman sa American Dental Association (ADA), kung tama ang kanilang pagtubo. Makakatulong daw ang mga ito sa hustong pagnguya ng pagkain.

    Makakaramdam daw ng kaunting discomfort kapag lumabas na ang wisdom tooth. Pero sakaling mayroon na ring kirot o pain, mainam na komunsulta na sa dentista.

    Mga palatandaan sa pagtubo ng wisdom tooth

    Lahad ni Dr. Calimlim na malalaman ng isang tao na tumutubo na ang kanyang wisdom tooth kapag:

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW
    • Mayroon ng pagkirot sa panga
    • Pamamaga sa dulo ng gilagid
    • Pagdurugo ng gilagid.
    • Limitadong pagbuka ng bibig
    • Pagkasama ng panlasa
    • Pagkabaho ng bibig

    Gamot sa pamamaga ng wisdom tooth

    Kapag may nararanasan kang pamamaga sa bibig dahil sa tumutubong wisdom tooth, payo ni Dr. Calimlim na uminom ng pain reliever. Paliwanag niya na hindi sa lahat ng pagkakataon kailangang ipabunot ito.

    Bubunutin lamang daw ito kapag may pagkirot at nakaaapekto na sa katabing ngipin. May mga tao raw kasi na sapat ang espasyo sa kanilang bibig at gilagid para sa maayos na pagtubo ng wisdom tooth o teeth.

    Bukod sa hindi pagkakaroon ng sapat na espasyo para sa pagtubo ng wisdom tooth o teeth, puwede ring maging problema ang pagiging maliit o makitid ng panga. Baka kasi mahirapan ang wisdom tooth sa pagtubo at matigil na lamang sa gilagid. Isa pang posibleng problema ang pagkakaroon ng cyst na maaaring makapinsala sa ugat at buto.

    Paalala lang ni Dr. Calimlim na kapag lumala ang pamamaga at pagkirot na iyong nararamdaman, kailangan mo nang pumunta sa iyong dentista. Para raw matignan kaagad ang pagtubo ng iyong wisdom tooth at maisagawa na ang kinakailangang proseso. Kabilang dito ang pagkuha mo ng dental X-ray na magpapakita ng posisyon ng wisdom tooth.

    Sa tulong ng iyong dental X-ray, malalaman ng dentista kung dapat nang tanggalin ang iyong wisdom tooth sa pamamagitan ng operasyon. Ang wisdom tooth daw kasi ang pinakamahirap na bunutin sa lahat ng klase ng ngipin. Kaya kadalasan ay nangangailangang magsagawa ng operasyon upang mabunot ito.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Pangangalaga sa wisdom tooth

    Kung hindi naman kailangang bunutin ang wisdom tooth, ibayong pangangalaga naman ang kailangan nito. Sabi ni Dr. Calimlim, malaki ang tyansa na masira o mabulok ito dahil mahirap abutin habang nagsisipilyo. Kaya siguraduhin na lang daw na mag-toothbrush nang mabuti at sundin ang general oral health care.

    Dagdag pa diyan, sabi ng medical resources, tumataas ang panganib ng health problems sa pagtanda ng tao. Isa sa mga problema na iyan ang tungkol sa gamot sa pamamaga ng wisdom tooth. Kaya mainam daw na regular na bisitahin ang iyong dentista para mabantayan ang kalusugan ng wisdom tooth at iba pang dental aspects.

    What other parents are reading

Post a Comment

0 Comments