COVID-19 Ba Ang Dahilan Ng Masakit Na Lalamunan Mo?

  • Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Ang masakit na lalamunan ay pangunahing sintomas ng sore throat o pamamaga ng pharynx. Ito ay masakit at makati, at nakapagdudulot ng tuyong pakiramdam sa lalamunan. Karamihan sa sore throat ay nagmumula sa mga impeksyon at sa tuyong panahon o hangin.

    Kasama rin sa mga sanhi ng sore throat ang impeksyon sa sinuses o nasal passages at ang paglanghap ng usok at mapanganib na mga chemical. Ang allergies tulad ng hay fever o allergic rhinitis ay nakapagdudulot din ng pamamaga.

    Dahilan ng masakit na lalamunan

    Pagdating sa masakit na lalamunan, dalawa sa karaniwang mga dahilan ay virus at bacteria. Kapag viral infection, kapansin-pansing may kasama itong ubo, sipon, pamumula o naluluhang mga mata, at lagnat. Ilan pa sa mga sintomas kapag virus ang sanhi ay pamamaga ng lalamunan at tonsils, may mga singaw na nabubuo, paos ang boses, at ang pagkakaroon ng oral ulcer.

    Nagkakaroon din ng pamamaga sa bacterial infection ngunit mas malala ito kaysa sa naidudulot ng viral infections. Ang masakit na lalamunan ay posibleng senyales din ng iba pang mga karamdaman. Ngayong may COVID-19 pandemic, isa rin ito sa mga sintomas na binabantayan (hindi lahat ng may COVID-19 ay nakakaranas nito).

    Nahahati ang masakit na lalamunan ito sa iba’t ibang mga kategorya batay sa bahaging pinakaapektado.

    Laryngitis

    Ito ay pamamaga at pamumula ng voice box o larynx. Matatagpuan ang larynx sa itaas na bahagi ng iyong leeg, sa likod ng lalamunan. Karaniwang sanhi nito ang viral infections tulad ng upper respiratory infection. Ang mga madalas na nagkakaroon ng laryngitis ay prone din sa bronchitis, sinus disease, at fungal infections.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Kasabay ng pamamaga, maaaring makaranas ka rin ng lagnat, ubo, at pamamaos ng boses. Tumatagal ito sa loob ng tatlo o higit pang linggo.

    Iwasan ang paninigarilyo at paggamit ng vape, mga injury sa lalamunan, at allergies upang malayo sa laryngitis. Kung may laryngitis, mahalaga ring ipahinga ang boses upang agad na maka-recover mula sa pamamaos.

    Pharyngitis

    Sa likod ng bibig o sa pharynx ang sumasakit na bahagi kapag mayroon kang pharyngitis. Ilan sa mga sintomas nito ay ang masakit na lalamunan kapag lumulunok o nagsasalita ka. Mayroon ding pamamaga sa ilang bahagi ng leeg.

    Kung ikaw ay exposed sa secondhand smoke, mataas ang posibilidad na mamaga rin ang iyong lalamunan. Maaaring viral o bacterial ang impeksyong sanhi nito.

    Tonsillitis

    Ang tonsils ay lymphoid tissue na binubuo ng immune cells na lumalaban kapag may impeksyon tayo sa katawan. Mahalaga rin ito dahil nagsisilbi itong filters upang hindi makapasok ang germs sa ating airways, patungo sa loob ng ating katawan.

    Ang tonsillitis ay ang pamamaga at pamumula ng tonsils, na matatagpuan sa likuran ng bibig. Karaniwan din nararanasan ng mga bata ang tonsilitis.

    Acid reflux

    Kilala rin bilang heartburn o GERD ang acid reflux. Kapag mayroon ka nito, posibleng may mga pagkakataong hirap kang huminga dahil sa acids na umaakyat mula sa iyong tiyan patungo sa iyong lalamunan. Ito rin ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng impeksyon sa esophagus.

    Streptococcus bacterium (strep throat)

    Ang strep throat ay isang bacterial infection. Natatagpuan ang bacteria na Streptococcus pyogenes o group A streptococcus sa ilong at bibig. Kapag ito ang sanhi ng impeksyon, tandaang nakahahawa ito.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Ilan sa mga sintomas ng strep throat ang sumusunod: 

    • Lagnat 
    • Pamamaga ng tonsils 
    • Matinding sakit sa lalamunan 
    • Nawawalan ng ganang kumain 
    • Pagkahilo at pagsusuka 
    • Namumulang tonsils na mayroong puting spots
    • Masakit ang tiyan, ulo, at iba pang bahagi ng katawan

    Rapid strep test at throat culture ang isinagawang tests upang matukoy kung strep throat nga ang dahilan ng masakit na lalamunan. Antibiotics ang karaniwang inireresta ng doktor. Sakaling maranasan mo o ng iyong anak ang masakit at makating lalamunan, mahalagang alam mo kung ano ang mga dapat gawin. 

    Gamot sa masakit na lalamunan

    Sa viral infections, kadalasang oral pain relievers o anti-inflammatory na mga gamot tulad ng paracetamol, ibuprofen, at acetaminophen ang reseta ng doktor.

    Mas matagal umepekto ang oral pain relievers na ito ngunit mas matagal din ang bisa kumpara sa mga topikal na gamot na minumumog at sa mga lozenge (candy at cough drops) at throat sprays.

    Kapag bacteria ang sanhi ng masakit na lalamunan, antibiotics ang inirereseta ng doktor, lalo kung may nakikita silang puting spots sa tonsils at sa dila ng pasyente.

    Para sa mga inuubo, may available na ring gamot upang maibsan ang pagsakit at pagkati ng lalamunan.

    Walang partikular na pag-aaral tungkol sa bisa pagmumog ng tubig na may asin (salt galrgle) pero nakagawian na natin ito. Nasa 1/4 hanggang 1/2 kutsarita ng asin ang ihahalo sa isang tasa ng maligamgam na tubig ang inirerekomendang gamitin upang makaginhawa sa pakiramdam ng pasyente. Maaari itong gawin kada tatlong oras.

    Maaari ding magmumog gamit ang isa hanggang dalawang kutsara ng apple cider vinegar isa hanggang dalawang beses kada oras.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Isa pa sa mainam inumin ay tsaa tulad ng green tea, chamomile, at oregano, na hahaluan ng katas ng lemon o kalahating kutsarita ng honey. Nababawasan nito ang inflammation o pamamaga sa lalamunan.

    Mahalaga ang pag-inom ng maraming tubig. Mga sopas, tinola, lugaw, at iba pang sinabawang ulam ang inirerekomendang kainin upang guminhawa ang pakiramdam. May mga home remedies din na pwede ituring na gamot sa makating lalamunan. Nakatutulong din ang paglalagay ng humidifier sa kuwarto.

    Kailan dapat komunsulta sa doktor

    Sakaling hindi pa rin humuhupa ang sakit sa iyong lalamunan pagkatapos ng uminom ng antibiotics, at ng ilang linggong pahinga, makabubuting magpa-check up na sa iyong doktor.

    Blood o urine test, physical exam, culture test ang ilan sa options ng doktor upang matukoy kung viral o bacterial infection ang sanhi ng iyong sakit.

    Madalas na gumagamit ng endoscope ang mga doktor upang mas makita nang malapitan ang vocal cords. Ang makitid na tubong ito ay mayroong kamera at ipapasok nila ito sa iyong ilong o bibig upang makita ang lalamunan. Ang tawag dito ay laryngoscopy.

    May mga pagkakataong mangangailangan din ng biopsy kung may makikita silang bukol sa masakit na lalamunan.

    Tandaang mahalaga ang pagsunod sa health protocols ngayong panahon ng pandemya upang maiwasan ang iba’t ibang mga virus at bacteria. Sikapin ding hindi mahawa at makahawa sakaling dapuan ka ng lagnat at magkaroon ng iba’t ibang mga sintomas ng Covid-19. Ugaliing maghugas ng kamay, mag-ehersisyo, at kumain at matulog nang sapat.

    What other parents are reading

COVID-19 Ba Ang Dahilan Ng Masakit Na Lalamunan Mo?
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments