-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Hindi kataka-taka na may tumubong singaw sa bibig kung paisa-isa lang at kusang gumagaling. Pero kung may karamihan ang mga singaw at kumakalat sa ibang parte ng katawan, baka hand, foot and mouth disease na ito.
Ano ang hand, foot and mouth disease?
Isang pangkaraniwang sakit mula sa virus ang hand, foot and mouth disease (HFMD), ayon sa mga eksperto ng United States National Center for Biotechnology Information (NCBI). Sanhi ito ng coxsackievirus, na isang miyembro ng Picornaviridae family. May kinalaman din daw ang enterovirus sa mga nagkakasakit sa western Pacific region, kung saan kabilang ang Pilipinas.
Kadalasang mga batang wala pang 5 years old ang mga tinatamaan ng HFMD, pero puwede rin ang bigger kids pati na adults. Mas madami raw na kalalakihan ang nagkakasakit nito kumpara sa mga kababaihan.
Mga sintomas ng hand, foot and mouth disease
Kapag nakapasok ang virus sa katawan ng, halimbawa, maliit na bata, kumakalat ang hatid nitong infection sa mga kamay, paa, bibig, at, kung minsan, sa maseselang parte. Makakaramdam siya ng mga sintomas, ayon sa mga eksperto ng Nationwide Children’s, tulad ng:
- Lagnat
- Pananakit ng ulo
- Pagsakit ng lalamunan
- Sipon o runny nose
Pagkaraan ng isa o dalawang araw, magsusulputan ang iba pang mga sintomas:
- Maliliit at makirot na sugat o singaw (ulcers) sa lalamunan at tonsils
- Maliliit na paltos o di kaya mapupulang bilugan sa mga palad, talampakan, at diaper area
- Kirot sa mga palad at talampakan
- Walang ganang kumain dahil hirap lumunok
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWMga dapat gawin
Para makasiguro na tinamaan nga ng HFMD ang anak mo, mainam na komunsulta sa doktor. Walang gamot para dito, gaya ng antibiotics, dahil isa itong viral disease. Pero merong over-the-counter medicine na tutulong maibsan ang mga sintomas, sabi ng mga eksperto.
Kung lampas 6 months na ang anak mo, maaari mo siyang painumin ng acetaminophen o di kaya ibuprofen upang labanan ang lagnat, pananakit ng ulo, at pangangati ng lalamunan. Sundin ang instructions at dosage na angkop sa edad ng bata.
Kung lampas 1 year old na ang anak mo, mainam na bigyan mo siya ng maraming inumin. Kabilang diyan ang tubig, gatas, apple juice, at popsicles. Iwasan naman ang maaasim na fruit juice dahil maiirita ang mga singaw sa bibig ng bata.
Bigyan ang anak ng mga malalambot o di kaya madaling malunok na pagkain. Mga magandang halimbawa ang applesauce, mashed potatoes, oatmeal, at itlog. Konting pasensya lang kasi hirap pa siyang ngumuya at lumunok.
Kung lampas 4 years od ang anak mo, puwede mo na siyang bigyan ng lozenges o nasal spray para sa masakit at makating lalamunan. Siguraduhin lang na walang sangkap ang mga ito na benzocaine dahil hindi ito angkop sa mga bata.
Kung lampas 6 years old ang anak mo, at kaya na niyang magmumog nang hindi nilulunok ang tubig, gabayan mo siyang magmumog gamit ang maligamgam na tubig na may halong asin. Siguraduhin lang na hindi niya lulunukin ang tubig.
Nakakahawa ang hand, foot and mouth disease
Paalala ng mga eksperto ng lubhang nakakahawa ang HFMD, kaya makakabuti na pumirmi muna ang batang maysakit sa kuwarto. Sabihan ang anak na:
CONTINUE READING BELOWRecommended Videos- Huwag kamutin o hawakan man lang ang mga paltos sa kanyang katawan
- Huwag isubo ang kamay o di kaya ang kanyang laruan
- Huwag kusutin ang mata
- Takpan ang bibig ng tissue kung babahing o uubo
- Hugasan ang mga kamay gamit ang tubig at sabon
Sa iyong parte naman bilang tagapangalaga ng maysakit, sikapin na gawin ang mga sumusunod:
- Maghugas ng mga kamay gamit ang tubig at sabon pagkatapos hawakan ang mga paltos ng anak at palitan ang kanyang diaper o damit, pati na bago maghanda ng pagkain at bago kumain.
- Maglinis at mag-disinfect ng banyo at mga laruan ng maysakit.
- Ihiwalay ang mga gamit ng maysakit at sabihan ang ibang mga kasama sa bahay na huwag mag-share ng baso, kutsara, tinidor, tuwalya, at iba pang personal na gamit.
- Iwasan munang yakapin at halikan ang maysakit.
Kung hindi bumuti ang pakiramdam ng bata pagkaraan ng pito hanggang sampung araw, kailangan mo na siyang ipatingin sa doktor. Maging alerto rin sa mga ganitong sintomas:
- Pananakit ng leeg at dibdib
- Pamamaga at pagkakaroon ng nana (pus) sa mga paltos sa katawan
- Pagiging dehydrated
Malalaman mong dehydated ang bata kung:
- Tuyot o di kaya madikit ang bibig
- Walang lumalabas na luha sa mga lubog na mata
- Walang laman ang diaper sa loob ng apat hanggang anim na oras
- Maitim na ihi o hindi pag-ihi sa loob ng anim hanggang walong oras
Dapat ka nang mag-alala kung may pangingisay (seizures) na ang bata, sabi pa ng mga eksperto. Dagdag pa diyan ang pagiging pagod, hindi maka-focus, at hirap umintindi at gumising. Mainam na dalhin sa ospital ang bata dahil may kumplikasyong hatid ang hand, foot and mouth disease. Kabilang diyan ang viral mengitis at encephalitis.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW
Ano Ang Hand, Foot And Mouth Disease At Kailan Dapat Dalhin Sa Ospital Ang Bata
Source: Progress Pinas
0 Comments