-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
May kasabihan ka kapag sinisinok, nagnakaw ng itlog. Pero siyempre meron talagang medical explanation kung bakit sinisinok ang tao at paano ito puwedeng maging sintomas ng mas seryosong kondisyon o sakit.
Ano ang sinok?
Tinatawag ang sinok sa English na hiccups. Ito ang paulit-ulit na pamumulikat (repeated spasms) ng diaphragm, na isang muscle na matatagpuan sa ribcage. Ang ribcage naman ang naghihiwalay sa lugar ng dibdb at puwesto ng tiyan.
Mahalaga ang ginagampanang papel ng diaphragm sa paghinga, ayon sa mga eksperto ng Cleveland Clinic. Kumikilos ito pababa kung papasok ang paghinga (breathe in) at pataas naman kung palabas ang paghinga (breathe out).
Pero kapag naman may paulit-ulit na spasm sa diaphragm, kada pitik nito ay may lumalabas na tunog sa pagsara ng vocal cords. Ito ang naririnig mong “hic” na tunog. Bawat paghinga mo raw kasi ay nahihila ang diaphragm pababa, kaya napipilitan kang humabol ng hininga.
Mabilis lang nangyayari ang lahat ng ito, at kadalasang lumilipas pagkaraan ng ilang oras. Puwedeng sinokin ang sinoman, maging bata o matanda. Pero mas madalas daw sinokin ang mga kalalakihan at mas tumatagal.
Mga posibleng dahilan bakit sinisinok ang tao
Hindi pa malinaw kung ano talaga ang sanhi ng sinok, sabi ng mga eksperto. Pero may ilang dahilan daw kung bakit nangyayari ito. Nariyan ang low levels na carbon dioxide sa dugo at ang iritableng nervies. Mga halimbawa ang phrenic nerve (dumudugtong sa leeg at diaphragm) at vagus nerve (dumudugtong sa utak at tiyan). Pareho silang importante sa paghinga.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWKung banayad (mild) ang pagsinok mo, na tumatagal lamang ng ilang oras, malamang dulot iyan ng isa sa mga sumusunod:
- Pag kain at pag inom nang mabilis
- Pag inom ng softdrinks o iba pang carbonated drinks, pati na alak
- Pag inom ng sobrang init o sobrang lamig
- Pagkabusog nang husto
- Stress mula, halimbawa, sa takot o di kaya excitement
- Pagkabanat ng leeg
- Bilang side effect ng iniinom na gamot, gaya ng para sa anxiety
- Sumasailalim sa chemotherapy
- Nasa ilalim ng anesthesia para sa isang operasyon
- Paglanghap ng nakalalasong usok
Mga puwedeng gawin kapag sinisinok
Dahil daw hindi pa natutukoy ang eksaktong sanhi ng sinok, may kanya-kanyang paraan para maibsan ito. Ang kadalasang ginagawa, sabi ng mga eksperto, ay home remedies na maaaring umepekto sa ilang tao, pero hindi umubra sa iba pa. Pero ika nga nila, wala namang mawawala kung susubukan ang ganitong mga remedyo:
- Uminom ng tubig nang mabilisan
- Lumunok ng asukal, maliit na piraso ng tinapay, o di kaya dinurog na yelo
- Marahang hilahin ang dila
- Ilagay ang daliri sa loob ng lalamunan
- Marahang kuskusin ang mga mata (eyeballs)
- Sandaling pigilan ang paghinga
- Magmumog ng tubig
- Huminga sa loob ng paper bag, at huwag sa plastic bag
Kailan dapat mabahala sa pagsinok
Maaaring tumagal ang pagsinok ng higit sa dalawang araw, sabi ng mga eksperto. Tinatawag itong “persistent” na uri ng sinok. Kung umabot ng ilang buwan ang pagsinok, tinatawag na itong “intractable” na uri ng sinok. Ang pinakamatagal daw na pagsinok ay umabot ng 60 years. Pero bihira raw itong mangyari.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosSakaling mangyari sa iyo ang intractable hiccups, mainam na komunsulta ka na sa doktor para malaman ang ugat nito. Maaari kasing may sangkot na iba pang medical problem, ayon sa mga eksperto ng National Organization for Rare Disorders (NORD). Kabilang daw sa mga ito ang mga sumusunod:
- Pleurisy of the diaphragm
- Pneumonia
- Uremia
- Alcoholism
- Disorders of the stomach or esophagus
- Bowel diseases
Puwede rin daw sangkot ang mga ganitong sakit:
- Pancreatitis
- Bladder irritation
- Liver cancer or hepatitis
Bukod diyan, maaari ring magdulot ng pagsinok ang tumor, pati ang mga sugat mula sa operasyon. Kaya mahigpit na bilin ng mga eksperto na magpatingin sa iyong doktor upang mabigyan ng kaukulang atensyon kung bakit sinisinok ang tao.
Basahin dito kung paano mawala ang sinok ng newborn baby.
Maaaring Sintomas Ng Ibang Sakit Ang Pagsinok Ng Ilang Araw O Higit Pa
Source: Progress Pinas
0 Comments