-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Kapag hindi na makuha sa sakit ng ngipin home remedy, kailangan na talagang magpunta sa dentista para sa mas permanenteng solusyon. Bukod sa pagbunot, ang paglalagay ng pasta sa ngipin ang kadalasang ginagawa para maiwasang mabungi at magsuot ng pustiso.
Ano ang pasta sa ngipin?
Ang kilala ng mga Pinoy na pasta sa ngipin ay tinatawag na dental filling, sabi ng dentista na si Dr. Evangeline de Guzman-Calimlim. Aniya, “Nilalagyan ng pasta ang ngipin kapag ito ay mayroong butas.”
May paliwanag pa ang mga eksperto mula sa Cleveland Clinic tungkol sa dental fillings. Ayon sa kanila, ang dental fillings ay ang isahan o kombinasyon ng metal, plastic, glass, o iba pang materyales na ginagamit bilang pagkumpuni o pagbuo muli ng ngipin.
Ang isa raw sa pinakapopular na gamit ng dental fillings ay ang pagpuno (fill) sa parte ng ngipin na tinanggal ng dentista dahil sira o bulok na ito. Ika nga nilang mga eksperto, cavity. Isa pa raw gamit ng dental fillings ang pagkumpuni ng basag o tapyas na ngipin dahil sa bad habits, tulad ng nail-biting at teeth grinding.
Mga uri ng pasta sa ngipin
Lahad ni Dr. Calimlim na mayroong dalawang klase ng pasta sa ngipin: temporary at permanent. Dagdag pa niya, “Ginagamit ang temporary pasta o medicament sa mga malalalim na butas upang hayaan muna itong obserbahan ng ilang linggo.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW“Kapag hindi ito sumakit, tatanggalin nang konti sa ibabaw ang temporary pasta at lalagyan ng mas matibay na pasta na tinatawag naming permanent pasta.”
Pero may pasubali lang ang punong dentista ng Calimlim Dental Clinic Marikina. Aniya, “Wala talagang ‘permanent’ na pasta sapagkat natatanggal pa rin ito depende sa pagkakagamit. Maaaring matanggal ito dahil sa hindi maayos na oral hygiene ng pasyente o kaya naman ay mga di inaasahang pangyayari.
“Hindi lahat dumadaan sa temporary pasta, kapag mababaw ang butas maaaring lagyan kaagad ng permanent filling. Kapag natanggal ito, puwede ulit pastahan ngunit kapag ito’y napabayaan, maaari itong mabunot.” Kaya mahalaga raw na alagaan ang ngipin sa pagnguya at regular na bumisita sa dentista.
May paglilinaw din si Dr. Calimlim: “Hindi na kakayanin ng pasta ang sirang ngipin kapag ito ay malaking butas at mayroong infection, sapagkat ito ay nangangailangan na ng root canal treatment at hindi lamang pasta.”
Common materials ng pasta sa ngipin
Bilang pasyente, may karapatan kang magdesisyon kung anong treatment ang gagawin at material na gagamit basta may konsultasyon sa iyong dentista. Ito ang paalala ng mga eksperto mula sa American Dental Association (ADA). Payo rin nila na huwag mahiyang magtanong at humingi ng paliwanag.
Composite resins
Ang kilala ng mga Pinoy na “white pasta” ay ang composite filling na gawa sa pinaghalong resin at ceramic, sabi ni Dr. Calimlim. Pero hindi raw talaga ito purong puti bagkus kakulay ng ngipin, na medyo madilaw.
Sabi pa ng mga eksperto, nagbibigay ang pasta sa ngipin na gawa sa composite resins ng tibay at tatag para sa small hanggang mid-size na fillings na tumatanggap ng pressure sa pagnguya. Puwede raw itong gamitin para sa harapan o di kaya sa likuran na mga ngipin.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosDental amalgam
Ang kulay silver naman na pasta sa ngipin ay tinatawag na amalgam filling. Gawa ito sa alloy, na mula naman sa pinaghalong amalgam pellet at mercury. Sabi ni Dr. Calimlim, hindi na ito masyadong ginagamit bilang dental filling ngayon.
Dagdag pa ng mga eksperto, may katagalan na ang paggamit ng dental amalgam at tunay na matibay. Pero hindi nga naman kasing natural ang itsura kumpara sa composite resins, na siya na ngayong pinapaboran ng maraming dentista at pasyente.
Gold fillings
May kamahalan ang gold fillings, na tinatawag ding inlays o onlays, dahil gawa ito sa alloy ng gold, copper, at iba pang metals. Pero, sabi ng mga eksperto, ito ang pinakamatagal nang ginagamit sa kasaysayan ng dentistry dahil sa hindi matatawarang tibay. Isa pang mahal na materyales bilang pasta sa ngipin ang porcelain. Kaya pareho silang bihira nang gamitin.
Basahin dito para sa paksang sungki na ngipin.
Anong Klaseng Sira Ng Ngipin Ang Hindi Na Kakayanin Ng Pasta?
Source: Progress Pinas
0 Comments