Sashimi, Ceviche, Kinilaw: Bakit Dapat Iwasan Ang Pagkaing Di Luto Pag Buntis

  • Editor’s Note: Mahalaga na kumonsulta sa iyong doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo. Palaging humingi ng payo ng isang doktor at nutritionist pagdating sa diet o exercise kung buntis, kapapanganak lang, o breastfeeding.

    Maraming sabi-sabi tungkol sa pagbubuntis. Nariyan ang mga bawal kainin ng buntis dahil sa ganito at ganyan. Kabilang daw diyan ang talong, pinya, at papaya, pati na pag-inom ng malamig na tubig. Pero wala namang patunay mula sa scientific study.

    Kaya habang buntis si Sam Pinto, halimbawa, hindi raw siya nagpapaniwala sa mga sabi-sabi o pamahiin. Aniya sa interview niya sa SmartParenting.com.ph, “Bawal daw kumain ng malamig na rice. Kailangan parating fresh cooked rice. But I never really followed anything.”

    Mga uri ng pagkain na dapat iwasan ng buntis

    Ang totoo, may payo ang mga eksperto na pagkaing dapat iwasan habang buntis. Mainam daw na mag-ingat sa kakainin hindi lang para sa sarili bagkus sa sanggol na dinadala.

    Isda na mataas ang mercury content

    Isa sa mga kilalang bawal na pagkain ng buntis ay isda na may mataas ng dami ng mercury. Mga halimbawa nito ang swordfish, king mackerel, at tilefish. Mapanganib sa sanggol ang madaming mercury sa katawan, ayon sa mga eksperto ng Mayo Clinic.

    Pero hindi naman daw ibig sabihin na bawal ka nang kumain ng lahat ng klaseng isda. Meron naman kasing klase ng isda na mababa lang ang dami ng mercury. Kabilang diyan ang tilapia, hipon, hito, salmon, sardinas, at tuna na nasa lata. May mga sustansyang hatid ang isda at iba pang seafood na kailangang pagkain para sa buntis.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Hindi lutong seafood at shellfish

    Kung hilig mo ang Japanese food na sushi at sashimi, makakabuti raw na pass ka muna habang buntis. Isama mo na rin sa listahan ang kinilaw o kilawin, na kilala rin bilang ceviche, pati na ang raw oysters, scallops, at clams. Lalo raw mataas ang mercury content ng mga iyon.

    Sabi pa ng mga eksperto sa Mayo Clinic, iwasan mo na rin ang refrigerated at uncooked seafood na may label na smoked o di kaya jerky. Puwede lang daw kung sahog ang mga ito sa lutong ulam o putahe. Isa pang alternatibo iyong canned o di kaya shelf-stable version.

    Para makasigurong luto ang hinahaing putahe, tignan maigi ang itsura ng isda. Dapat daw opaque ang kulay nito at nahihimay ang laman. Ang hipon at sugpo naman, dapat milky white ang kulay. Pagdating naman sa tahong, dapat bumukas ang shell habang niluluto.

    Kulang sa luto na karne, manok, itlog

    Kailangang umiwas ka sa undercooked meat dahil may dala itong panganib ng contamination mula sa coliform bacteria, salmonella, at toxoplasmosis. Ito ay ayon sa American Pregnancy Association (APA). Kaya kung natakam ka sa steak, doon ka na lang muna sa well-done at iwas sa rare na luto.

    Huwag ka na rin munang kumain ng deli meat dahil sa posibleng listeria  contamination. May kakayahan daw ang bacteria na iyon na tumawid mula sa placenta at magdala kay baby ng infection o di kaya blood poisoning. Maaari raw itong makamatay.

    Sabi pa ng mga eksperto, iwasan ang hilaw na itlog o anumang lutuin na meron nito tulad ng Caesar salad dressing. Baka raw kasi kontaminado ito ng harmful bacteria. Wala namang problema kung luto ang itlog na kakainin mo.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Hindi nahugasan na gulay

    Mahalaga ang gulay sa pagkakaroon mo ng masustansya at balanseng pagkain, pero siguraduhin mong lubos na nahugasan ang mga ito bago mo kainin. Sa ganyang paraan, sabi ng APA, mababawasan ang posibleng panganib ng toxoplasmosis. Ito kasi ang puwedeng magbigay ng contamination sa lupang pinagtaniman ng gulay.

    Maaaring maipasa ng buntis ang toxoplasmosis infection sa kanyang baby, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC). Pero hindi raw kaagad nakikita ang masamang epekto nito. Kapag lumaki raw ang sanggol at saka siya magkaroon ng mga kondisyon, tulad ng blindless o di kaya mental disability.

    Inuming nakakalasing

    Wala raw konting inom ng alcohol para sa buntis. Kahit daw hindi ka naman maglalasing, hindi ka pa rin dapat na umiinom ng alcoholic drinks. Makakarating daw iyan sa bloodstream ni baby, sabi ng mga eksperto.

    Paalala rin nila na ang pag-inom ng alcohol sa panahon ng pagbubuntis ay nakakataas ng tyansa ng mauwi ito sa miscarriage o di kaya stillbirth. Isa pang masamang epekto ang tinatawag na fetal alcohol syndrome, na isang kondisyong magbibigay ng facial deformities at intellectual disabilities kay baby.

    Sobra-sobrang caffeine

    Para sa tulad ni Sam Pinto na nakasanayang uminom ng kape araw-araw, mahirap ng tanggalin ang pagkonsumo ng caffeine sa kanilang sistema. Aniya, “Nai-stress ako. Bawal daw ang coffee, eh I’m a coffee person.”

    Dagdag niya, “I have to have my coffee first thing in the morning. I asked my doctor about it. Sabi niya, okay lang naman. Maximum is two cups. I only drink one a day. Na-stress ako na tea in the morning. It’s not working for me.”

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Sapat na ang 200 mg ang konsumo ng caffeine, tulad ng sa kape, kada araw, sabi ng mga eksperto. Kapag sumobra-sobra pa diyan, maaari raw magdulot ng miscarriage, premature birth, low birth weight, at withdrawal symptoms sa sanggol. Ganyan din daw sa mga bawal kainin ng buntis.

    What other parents are reading

Sashimi, Ceviche, Kinilaw: Bakit Dapat Iwasan Ang Pagkaing Di Luto Pag Buntis
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments