-
Simula pagkabata, malapit ang magkapatid na sina Rodjun Cruz, 33, at Rayver Cruz, 32, hindi lamang sa isa’t-isa pero pati sa kanilang kuya na si Omar. Sila ang mga anak ng yumao nang mag-asawa na sina Rodolfo Ilustre (2009) at Beth Cruz (2019).
Ngayon, business partners na rin sina Rodjun, Rayver, at Omar bilang may-ari ng CruzFit, isang sportswear brand. Kasama nila sa negosyo ang pinsan na si Andrea Cruz-Medina, na sister-in-law naman ng asawa ni Rodjun na si Dianne Medina.
Pagbubukas ng negosyo sa panahon ng pandemya
Nagkuwento sina Rodjun at Rayver, sa hiwalay nilang interview sa SmartParenting.com.ph kung paano nila naitayo ang CruzFit. Sabi ni Rayver, gym ang unang naisip na negosyo ni Rodjun para sa business name na CruzFit. Pero nang sisimulan na nila itong itayo, bigla namang nangyari ang COVID-19 pandemic simula noong March 2020.
“Gusto pa rin naming ituloy ang business,” lahad ni Rayver, na actor-dancer tulad ni Rodjun. “Gusto pa rin naming maka-inspire maging fit ang mga tao. Doon kami sa lifestyle na pagiging active, page-exercise, talagang on-the-go. Sabi ni Rodjun, ‘Doon na lang tayo sa pang-gymwear. Start muna tayo sa jackets, shirts…’ Sabi ko naman, ‘Sige, go!'”
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWDagdag pa ni Rayver, “Mga ilang buwan na Zoom meetings. Sa suppliers, ang naglakad si Kuya Omar at saka si Andrea. Naka-support kami ni Rodjun kapag kailangan maglabas ng pera. Pag may emergency.”
Nilinaw ni Rayver na “equal sharing” o hating kapatid silang business partners, bagamat wala siyang binanggit na eksaktong halaga para sa kanilang capital at earnings. Paliwanag pa niya na tutok sa “business side” sina Omar at Andrea. Nakatoka naman ang marketing at PR sa kanila ni Rodjun, na kapwa niya contract star ng GMA Artist Center.
Pansin ni Rayver na lumalakas ang benta ng CruzFit kapag nagpo-post sila ni Rodjun sa kani-kanilang social media account tungkol dito. Kinagigiliwan kasi lalo na ang kanilang Tiktok videos dahil mahusay talaga silang sumayaw. Sa ngayon daw, mabibili ang CruzFit products sa pamamagitan ng Instagram at, malapit na, sa online shopping sites.
Pagnenegosyo ng pamilya
Alam ni Rodjun na may challenges para isang pamilya na sumabak sa negosyo, at masaya siya na nalalampasan nila ang mga iyon. Aniya, “Ang maganda naman sa amin, team kami. Ito kasing CruzFit, passion project namin. Kumbaga, blessing din na mag-e-earn kami, pero ang gusto namin talaga, mas maka-inspire ng maraming tao.”
Dugtong niya, “So ang pag-uusap namin dito, hindi tungkol sa budget. Nagkakaintindihan kami. So far, wala pa naman kaming hindi pagkakaintindihan. Thankful kami na siyempre, lahat ngayon online, may mga pagsubok.
“Pero team kami. Kumbaga, ’yung experiences namin. Pinagsama-sama kami ni Lord. So tulungan. Pag may meeting kami, walang tama, walang mali. Kanya-kanya kaming opinion. Ang maganda, wala kaming samaan ng loob.”
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosSang-ayon si Rayver: “This is our first business venture na lahat kami nagkasundo sa gusto namin. Maliit man ang kita o malaki, hati-hati pa rin.” Suwerte raw siya na likas na mababait ang kanyang mga kuya at pinalaki sila ng kanilang mga magulang na close sa pamilya.
May tips si Rayver sa mga pamilya na gusto ring magnegosyo: “Siguro, separate lang ’yung business sa personal. Minsan, hindi talaga maiiwasan na magtampuhan, hindi magkakasundo. Huwag lang sigurong pairalin ang pride.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW“Small business kasi kami. Kung mas malaki siguro, puwedeng maging conflict. Kaya dapat strong ang samahan. Kahit ako, puwede kong sabihin, ‘Ako naman ang bunso…’ Or si Rodjun, ‘Ako naman ang nag-start nito.’ Mahirap kapag nagkakagano’nan na. Kapag ganyan, hindi magwo-work ang business. Dapat same ang mindset.”
Kasama sa future plans ng CruzFit ang pagkakaroon ng physical store, sabi ni Rayver. Itutuloy pa rin daw nila ang pangarap na gym ni Rodjun sa tamang panahon.
Para naman sa kanyang sariling negosyo, desidido si Rayver na magtayo ng dance studio. Bukod daw kasi sa trabaho, na ngayon ay bilang leading man sa GMA-7 teledrama na Nagbabagang Luha, kailangan “nakakaisip din tayo ng ibang ways” na pagkakakitaan.
Rodjun At Rayver Cruz: Paano Ang Hating Kapatid Sa Negosyo
Source: Progress Pinas
0 Comments