Bronchitis – Sanhi At Sintomas

  • Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Bago pa nagsimula ang COVID-19 pandemic bandang March 2020, kabilang na ang iba pang mga sakit sa baga at respiratory system sa mga pangunahing problema sa kalusugan sa mundo. Ito ay ayon sa World Health Organization (WHO). Isa sa mga sakit na ito ang bronchitis.

    Ano ang bronchitis?

    Nagbigay ng paliwanag si Dr. John Paul B. Serafica, isang ispesyalista sa internal medicine at pulmonology, sa SmartParenting.com.ph. Base sa definition, aniya, ang ibig sabihin ng bronchitis ay pamamaga (inflammation) ng mga parte sa respiratory system na trachea at major bronchi.

    Matatagpuan ang trachea, na kilala din bilang windpipe, sa may bandang lalamunan, habang sa may bandang dibdib naman ang bronchi, o bronchial tubes. Sila ay mga pangunahing duluyan sa baga (lungs).

    Dito dumadaan ang hangin na pumasok mula ilong at bibig bago ito makarating sa alveoli, o ang parte ng lungs kung saan sinisipsip ang oxygen at pinapakawalan naman ang carbon dioxide.

    Mga uri ng bronchitis

    May ilang uri ng bronchitis, ayon pa kay Dr. Serafica, na fellow din sa Philippine College of Physicians. Pero mas madali raw maintindihan ang sakit kung ihihiwalay ito sa dalawang klasipikasyon: acute at chronic.

    Acute bronchitis

    Kadalasan nagmumula ang acute bronchitis sa virus, pero meron din daw mga pasyente na nagkasakit mula sa bacterial infections. Kapag dinapuan ka nito, puwede kang gumaling mula 10 hanggang 14 na araw ka. Matagal na raw iyong tatlong linggo.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Lahad pa ng doktor, na nagpapatakbo ng Dr. John Paul B. Serafica Medical Clinic, tungkol sa acute bronchitis: “Pag viral ‘yung cause, halimbawa influenza virus, puwede makahawa ang infected individual via large respiratory droplets galing sa pag-ubo or pagbahin.

    “Puwede rin makahawa via small particle aerosols that are release habang humihinga ang isang tao na may bronchitis. Surfaces that are contaminated also with respiratory droplets can be a source of infection. Lalo na pag humawak ka sa isang contaminated surface, ‘tapos hahawak ka sa iyong mata or ilong.”

    Chronic bronchitis

    Tinatawag ang chronic bronchitis bilang “secondary to smoking,” sabi ni Dr. Serafica. Ito raw ang pag-ubo ng higit pa sa tatlong buwan sa loob ng isang taon at sa dalawang magkasunod na taon.

    May paliwanag pa si Dr. Geraldine DC Garcia, isang pulmonologist, tungkol sa chronic bronchitis at iba pang bagay na may kinalaman sa ubo sa kanyang online talk na Usapang Lung: Chronic Cough. Posted ito sa Facebook page ng Philippine College of Chest Physicians.

    Hindi raw tulad ng acute bronchitis na panandalian lang ang pamamaga ng bronchi, pangmatagalan at mas seryoso ang chronic bronchitis. Mga naninigarilyo rin daw ang kadalasang tinatamaan nito.

    Saad ni Dr. Garcia, “Pag tinignan mo ang medical history nila, may makabuluhang kasaysayan ng paninigarilyo. Halimbawa, 1 pack of cigarettes every day for 20 years. Makabuluhan iyon.” Diin niya pa na dapat iwasan ang paninigarilyo dahil marami itong naidudulot na mga sakit sa baga at sa iba pang parte ng katawan.

    Mga sanhi ng bronchitis

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Maliwanag na ang sanhi ng acute bronchitis ay infectious agents, tulad ng viruses at bacteria, kahit pa sa mga sanggol at bata. Sa kabilang banda, pangmatagalang paninigarilyo (prolonged smoking) naman ang sa chronic bronchitis.

    Paalala ni Dr. Serafica na puwede ring tamaan ng chronic bronchitis ang mga sanggol at bata dahil sa nalalanghap nilang usok ng sigarilyo. Tinatatawag itong second-hand smoke. Isa pang sanhi ng sakit ang usok mula sa iba-ibang polusyon sa hangin.

    Samantala, hindi naman daw nagdudulot ng bronchitis ang anumang allergy. Marami raw kasing nalilito dahil halos magkapareho ang mga sintomas ng parehong kondisyon, lalo na raw kung may dulot na sipon bilang sintomas ng acute bronchitis. Tandaan lang daw na ang mga allergy ay kadalasang paulit-ulit na nangyayari dahil sa exposure sa triggers, tulad ng house dust o pollen.

    Mga sintomas ng bronchitis

    Pag-ubo ang pinakakaraniwang sintomas ng bronchitis, sabi ni Dr. Serafica. Aniya, “Iba-iba kasing symptoms per person. ‘Yung iba may plema, ‘yung iba naman wala.” Puwede ring may hatid na paghuni (wheezing) ang parehong acute bronchitis at chronic bronchitis. Mas tumatagal lang daw kung chronic bronchitis.

    Kung tinamaan ka ng acute bronchitis, malamang makaramdam ka ng iba pang sintomas, tulad ng:

    • Sipon o pagtulo ng sipon (runny nose)
    • Pagbabara sa ilong (nasal congestion)
    • Pananakit ng ulo
    • Pagtamlay at pagsama ng pakiramdam (malaise)
    • Pananakit ng muscle at joints
    • Lagnat

    May bilin naman si Dr. Garcia sa mga smoker, na maaaring tinamaan na ng chronic bronchitis. Aniya, “Magsisimula ’yan sa pesteng ahem-ahem. Pagdaan ng mga araw, wala ng tigil ang pag-ubo. Imbes na paminsan-minsan, araw-araw na. Pag gising mo, may plema.”

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Dagdag niya, “Mapapansin mo na ’yong mga dating kaya mong gawin, halimbawa, naglalakad ka sa landas na pataas. Sasabihin mo, ‘Hindi, nagkakaedad na ako.’ Pero kung itatapat kita sa taong kaedad mo na hindi naninigarilyo, kaya niya. Ibig sabihin, may epekto ang paninigarilyo sa iyong functionality, o sa mga kaya mong gawin.”

    Bukod sa pesteng ahem, na kilala rin bilang smoker’s cough, may iba pang sintomas na dapat bantayan, ayon pa sa pulmonologist.

    Pabalik-balik na ubo

    Kung pabalik-balik ang ubo sa loob ng anim na buwan o higit pa, dapat ka na raw mag-alala, lalo na kung puno ito ng plema.

    Madalas magka-impeksyon sa baga

    Dahil humihina ang iyong baga, malimit ka na raw magkaroon ng impeksyon o frequent respiratory infections.

    Hirap sa paghinga

    Dahil hirap ka na rin sa paghinga, hindi ka na makadepende sa diaphragm para makalanghap ng hangin. Kakailanganin mo na raw ang tulong ng ibang muscles, kaya akyat-baba ang iyong balikat, habang gumagalaw ang muscles sa likuran.

    May paghuni ang paghinga

    Mapapansin mo na parang humuhuni ka na gaya ng ibon. Wheezing ang tawag dito.

    May kapayatan

    Kasabay ng paglala ng iyong kondisyon ang pagbagsak na iyong katawan. Mapapansin din ito ng ibang tao at malamang na sabihan kang pumapayat.

    Paano nagagamot ang bronchitis?

    Para sa acute bronchitis na sanhi ng virus, kadalasang nirerekomenda ng doktor na tulad ni Dr. Serafica ang symptomatic treatment sa kanilang mga pasyente.

    Ibig sabihin, kung barado ang iyong ilong, reresetahan ka ng nasal decongestant para lumuwag ang iyong pakiramdam. Kung may lagnat ka naman, paracetamol ang irereseta sa iyo. Pero “case-to-case basis” daw pagdating sa pagbibigay ng antibiotics at antiviral na gamot.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    Rekomendado ni Dr. Serafica ang bakuna laban sa influenza virus, na pangunahing sanhi ng acute bronchitis. Gawin daw ito lalo na sa mga sanggol at bata. Kung may acute bronchitis ang iyong anak, bilin niya na huwag siyang painumin ng antibiotics.

    Sa halip, dalasan lamang ang pagbigay ng tubig, sabaw, at fruit juice. Siguraduhin din na nakakapahinga ang bata. (Basahin dito para sa iba pang home remedy.) Pero bantayan kung lumala ang kanyang pakiramdam at kailangan na siyang ipatingin sa kanyang doktor.

    Sa kabilang banda, kung hindi tumigil ang pag-ubo, maging bata o adult, kaagad na magpatingin sa doktor. Dapat masuri kung mayroon ka ng chronic bronchitis. Dahil sanhi ito ng paninigarilyo, ang pagtigil sa bisyo ang unang hakbang sa gamutan ng sakit.

    Sabi nga ni Dr. Serafica, “Mahirap talaga kasi pagalingin ‘yan kung hindi tumitigil ‘yung patient mag-smoke, talagang uubuhin lang s’ya nang uubuhin.”

    Mahigpit ding bilin ni Dr. Garcia naman na magpatingin sa doktor kung may nararamdaman ka ng mga sintomas. Malaki raw kasi ang tyansa na mayroon ka na talagang chronic obstructive pulmonary disease (COPD). Ito raw ay ang pangmatagalang pagbabara ng daluyan ng hangin sa baga. Isang uri ng COPD ang chronic bronchitis, at emphysema naman ang isa pa.

    Sabi ni Dr. Garcia, isinusulong nilang mga doktor ang pagbibigay ng pulmonary function test sa kanilang mga pasyente. Kapag kumuha ka nitong test, ganito raw ang pagdadaanan mo: “Dito, may makina na bubugahan ka. Susukatin ng makina ang buga mo, kung mababa o mataas, ’tapos bibigyan ka ng inhaler. Bronchoinhaler kung tawagin.

    ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW

    “’Tapos uulitin ang test. Kapag hindi bumaba at hindi pa gumanda ang resulta, COPD na po ang iniisip namin, either chronic bronchitis o emphysema.” Kapag napatunayan ang sakit, bibigyan ka raw ng inhaler therapy at pulmonary rehabilitation. Pagbabawalan ka na rin talagang manigarilyo.

    Mga paraan para maiwasan ang bronchitis

    Para maprotektahan ng magulang ang anak laban sa bronchitis, payo ni Dr. Serafica na protektahan muna ang sarili laban sa sakit. Sa ganyang paraan, hindi mahahawa ang bata. Aniya, “Kaya tayong mga daddies, dapat alagaan natin mga mommies.”

    Ang mga nanay naman, sabi pa ni Dr. Serafica, dapat magpabakuna ng flu vaccine. Isama na rin daw ang lahat ng tao sa bahay dahil talagang nakakahawa ang bronchitis, pati na ang mga sanggol at bata mismo.

    Bilin din ng doktor sa magulang na regular na ipa-checkup sa pediatrician ang anak. Bigyan din siya ng proper nutrition at, kung nagpapasuso, ituloy lang ang breastfeeding. Mahalaga raw talagang mabantayan ang kalusugan laban sa bronchitis at iba pang mga sakit. (Basahin dito kung paano palalakasin ang baga.)

    What other parents are reading

Bronchitis – Sanhi At Sintomas
Source: Progress Pinas

Post a Comment

0 Comments