-
Editor’s Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Ang endocrine system ay binubuo ng maraming glands, katulad ng pituitary gland at hypothalamus sa utak, mga thyroid sa leeg, at mga adrenal gland na matatagpuan naman sa mga kidney. Kasama rin sa endocrine system ang pancreas o lapay, mga ovary ng babae, mga testes ng lalaki, pati na rin ang tiyan, atay, at mga bituka.
Ang main role ng endocrine system ay mag-produce ng hormones na nagre-regulate ng mga proseso katulad ng paglaki at pag-develop ng katawan, metabolism, pati na rin ang sexual function at reproduction. Naaapektuhan din ng endocrine system ang mood ng isang tao.
Kapag hindi nakapag-produce ng tamang dami ng hormones ang mga bahagi ng endocrine system, o kung hindi mag-respond nang tama ang katawan sa mga hormones, mauuwi ito sa mga tinatawag na endocrine disease o disorder. Nangunguna na rito ang diabetes, hyperthyroidism, hypothyroidism, Addison’s disease, at Cushing’s syndrome.
Dapat tandaan na merong mga sakit sa endocrine system na nade-develop sa paglipas ng panahon at meron din namang mga namamana. Pwede ring magkaroon ng sakit sa endocrine system ang isang tao kahit gaano pa siya kabata o katanda. Halimbawa, merong mga batang 10 years old pa lang ay meron nang diabetes.
Maraming sintomas ang mga sakit sa endocrine system, lalo na at naaapektuhan ng mga hormone ang buong katawan. Ganun din, pwedeng mild hanggang severe ang sakit at mga sintomas na maranasan ng pasyente.
Marami sa mga endocrine disease o disorder ay lifetime na, katulad na lang ng diabetes. Ganun pa man, marami klase ng treatment para ma-manage ang ganitong mga sakit. Pwedeng gumamit ng mga gamot para mabalanse ang level ng hormones.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWKung may ibang sakit na nagdudulot ng hormonal disorder, posibleng mawala ang endocrine disease kapag nagamot na ang nasabing sakit. Kaya naman importante ang maaga at tamang diagnosis para mabigyan ng tamang treatment ang pasyente.
Iba’t-ibang characteristics at sintomas ng sakit sa endocrine system
Kailangan ng buong katawan ang iba-ibang klase ng hormone para sa maayos na pag-function ng lahat ng bahagi nito. Kung kaya naman marami at iba-ibang klaseng sintomas din ang pwedeng mag-manifest sa buong katawan, depende sa kung ano ang kulang o sobrang hormone.
Kasama sa mga pinaka-common na senyales ng endocrine disease o disorder ang mga sumusunod:
- hindi maipaliwanag na weight gain o weight loss
- pananakit, paninigas, o pamamaga ng mga joint
- panghihina ng mga muscle
- pananakit o paninigas ng mga muscle
- fatigue
- irregular na heart rate (sobrang bilis o bagal)
- constipation
- mas madalas na pag-ihi at pagdumi
- mas mabilis o madalas na pagka-uhaw at pagkagutom
- sobrang pagpapawis
- pagiging mas sensitive sa init o lamig
- pagnipis at pagiging brittle ng buhok
Pwede ring maapektuhan ng sakit sa endocrine system ang sex drive ng isang tao, pati na rin ang kanyang fertility. Minsan, pwede ring magdulot ng skin issues at vision problems ang endocrine disorders.
Tandaan lang na ang mga nabanggit sa itaas ay mga general o nonspecific na sintomas. Kung nakakaranas ka ng mga ito, hindi ibig sabihin na meron ka na agad sakit sa endocrine system. Mas mabuti pa rin na magpakonsulta sa doktor para ma-diagnose nang tama ang iyong sakit.
Ganun pa man, merong mga sakit sa endocrine system na may specific o kakaibang sintomas. Halimbawa nito ang mga sumusunod:
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosAcromegaly
Ang sakit na ito ay isang disorder kung saan nagpo-produce ang pituitary gland ng sobrang growth hormones. Nagdudulot ito ng visible changes sa katawan, katulad ng pamamaga o sobrang paglaki ng mga kamay o paa, ilong, labi, o dila. Pwede ring mag-iba ang facial bone structure at kumapal ang balat ng isang taong may acromegaly.
Hyperthyroidism at hypothyroidism
Sa hyperthyroidism, sobrang active ng thyroid gland at napapasobra ang dami ng thyroid hormone sa katawan. Nagdudulot ito ng goiter, heat intolerance, at tachycardia o sobrang bilis na pagtibok ng puso.
Samantala, kabaliktaran naman ang hypothyroidism na kung saan nagkukulang ang dami ng thyroid hormone. Nagdudulot din ito ng goiter, kasabay ng pagbagal ng tibok ng puso, pamamaga ng mukha, at constipation. Sa mga kababaihan, pwede ring magdulot ng missed menstrual periods ang hypothyroidism.
Addison’s Disease
Ang sakit na ito ay dulot ng mababang production ng cortisol at aldosterone hormones. Nagududulot ito ng hypoglycemia (low blood sugar), hypotension (low blood pressure), at hyperpigmentation ng balat.
Cushing’s Syndrome
Kung sa Addison’s disease ay nagkakaroon ng mababang level ng cortisol, sa Cushing’s syndrome naman ay may sobrang cortisol sa katawan ang pasyente. Karaniwang sintomas nito ang tinatawag na “Buffalo hump” kung saan may namumuong fat sa pagitan ng mga balikat. Sintomas rin ng Cushing’s ang obesity na mas kapansin-pansin sa upper body.
Mas mabilis ding ma-discolor ang balat ng taong may Cushing’s, at tumataas din ang chance nila na magkaroon ng osteoporosis. Panghuli, pwede ring magdulot ang Cushing’s syndrome ng high blood sugar at high blood pressure.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWDiabetes
Maraming mga diabetic ang mabilis mauhaw at madalas ding maihi. Minsan ay mas nagiging iritable din sila, o kaya naman ay mabilis mapagod. Senyales din ng diabetes ang mabagal na paggaling ng mga sugat, ganun din ang madalas na pagkakaroon ng mga infection katulad ng gum infection at vaginal infection.
Prolactinoma
Kapag may may tumor sa pituitary gland, pwede itong ma-trigger na gumawa ng excess na prolactin. Malaki ang role ng hormone na ito sa pagpo-produce ng breast milk.
Kapag nasobrahan ang katawan sa prolactin, tinatawag itong prolactinoma. Number one symptom nito ang hindi maipaliwanag na production ng breast milk.
Sa mga lalaki, pwedeng makaranas ng erectile dysfunction; sa mga babae, pwedeng maging irregular ang menstrual period.
PCOS
Ang polycystic ovary/ovarian syndrome o PCOS ay isang hormonal disorder kung saan masyadong mataas ang testosterone level ng isang babae. Dahil dito, nagiging irregular ang kanyang menstrual period at nahihirapan siyang mabuntis. Meron ding ibang babaeng may PCOS na tinutubuan ng non-cancerous cysts o follicles sa ovaries (ito ang dahilan kung bakit PCOS ang pangalan ng sakit na ito).
Mga pwedeng gamot sa Sakit sa endocrine system
Dahil ang mga sakit sa endocrine system ay nagdudulot ng hormonal imbalance, ang pinakasimpleng gamot sa mga ito ay ang pagco-correct ng hormone levels.
Halimbawa, kung kulang sa estrogen ang isang babae, pwede mag-prescribe ang doktor ng estrogen therapy. Kung kulang ka naman sa thyroid hormone, pwede kang bigyan ng synthetic thyroid hormone.
Para sa mga diabetic, depende sa kung anong klase ng diabetes ang ireresetang gamot. Kapag type 1 diabetes, insulin injection o insulin pump ang kailangan. Kapag type 2 naman, mga gamot katulad ng metformin ang madalas na ibinibigay.
Sa kabilang banda, merong mga sakit sa endocrine system na hindi nadadaan sa gamot. Halimbawa, sa kaso ng prolactinoma, kailangang alisin ang tumor sa pamamagitan ng isang operasyon o kaya ay ng radiation therapy para mawala ang mga sintomas.
Makakatulong din ang mga dietary at lifestyle changes para ma-manage ang kahit anong endocrine disease. Depende sa sakit, minsan ay dinadagdagan o binabawasan ang mga nutrient sa katawan. Halimbawa, ang ibang mga pasyente na may Addison’s disease ay binibigyan ng high-sodium diet para makatulong sa adrenal insufficiency.
Syempre, malaki rin ang maitutulong ng healthy lifestyle, lalo na ng pag-e-exercise para makatulong sa pagre-regulate ng hormone production ng katawan. Kasabay ng mga gamot at iba pang treatment, malaking improvement sa quality of life ng mga pasyente ang maidudulot ng physical activity.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWMga sanhi at risk factor ng sakit sa endocrine system
Hindi pa rin sigurado ang mga eksperto sa tunay na dahilan ng maraming kaso ng mga endocrine disease o disorder.
Halimbawa na lang sa type 1 diabetes — lumabas na sa mga research na nilalabanan ng katawan ang insulin-producing cells sa pancreas kaya nagkukulang ang supply ng insulin. Kaya lang, hindi pa rin nadidiskubre ang dahilan kung bakit inaatake at sinisira ng katawan ang mga cells na ito.
Samantala, ang ibang endocrine diseases naman ay dulot ng mga tumor o iba pang sakit na nakakaapekto sa mga hormone-producing gland. Kasama na rito ang PCOS at prolactinoma. Panghuli, pwede ring maging sanhi ng hormonal imbalance ang ibang mga klase ng gamot katulad ng mga drugs na ginagamit para sa chemotherapy.
Kung risk factors naman ang pag-uusapan, ang mga sumusunod ay pwedeng magpataas ng chances ng isang tao na magkaroon ng sakit sa kanyang endocrine system:
- family history
- pagkakaroon ng autoimmune disorder
- mataas na cholesterol level
- poor diet at hindi pag-e-exercise
Tumataas din ang risk ng mga babaeng buntis na magkaroon ng endocrine disorder. Ang pinaka-common ay hyperthyroidism at gestational diabetes. Sa kabutihang palad, nawawala naman ang mga sakit na ito ilang linggo o buwan pagkatapos manganak.Paano iwasan ang sakit sa endocrine system
Kagaya ng naunang nabanggit, maraming kaso ng endocrine disorder ang hindi pa rin alam dahilan o kaya naman ay namamana. Dahil dito, mahirap talagang iwasan ang ganitong klase ng sakit.
Ganun pa man, malaki ang maitutulong ng healthy lifestyle practices para hindi na tumaas ang risk na magkaroon ng endocrine disease o disorder. Kumain ng balanced diet, mag-exercise, iwasan ang mga bisyo katulad ng paninigarilyo, at matulog nang tama sa oras para makaiwas sa maraming klase ng sakit.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOWMabuti ring humanap ng activity na nakakatulong sa iyong mag-relax. Tandaan na kapag nasobrahan sa stress ang katawan ay mas madali itong dapuan ng sakit.
Mga komplikasyon ng sakit sa endocrine system
Sa kabutihang palad, maraming kaso ng mga sakit sa endocrine system ay mild naman at madaling ma-control. Maraming ring endocrine disease na mabagal mag-progress, kaya maagang nabibigyan ng gamot at hindi na lumalala.
Kung hindi agad mada-diagnose ang sakit, pwede itong mauwi sa mas seryoso at minsan ay nakamamatay na sitwasyon. Nangungunang example dito ang diabetes, na kapag hindi nagamot ay pwedeng magdulot ng cardiovascular disease, nerve damage, kidney damage, at iba pang mga sakit.
Kasama rin sa mga komplikasyon ng sakit sa endocrine system ang mga sumusunod:
- pagiging comatose
- depression at anxiety
- insomnia
- organ failure
- tuluyang pagkabaog
Malaki rin ang chance na magkaroon ng cancer, makaranas ng urinary incontinence, o kaya ay mawalan o mabawasan ng muscle mass ang mga may sakit sa endocrine system.
0 Comments